MULING pinagtibay ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa pangunguna ni Secretary Bienvenido Laguesma, ang pakikipagtulungan sa International Labor Organization (ILO) sa ginanap na bilateral meeting kasama si Assistant Director-General Manuela Tomei ng Governance, Rights, and Dialogue Cluster.

Ang pulong ay nagbigay ng oportunidad sa pamahalaan ng Pilipinas na pasalamatan ang ILO sa kanilang patuloy na pakikipagtulungan at suporta sa pagsulong ng mga karapatan sa paggawa at mga hakbangin sa hustisyang panlipunan.
Nakatuon ang talakayan sa mga pangunahing prayoridad sa paggawa, kabilang ang progreso ng Tripartite Roadmap on Freedom of Association. Tinalakay din ang wage determination at productivity, partisipasyon ng Pilipinas bilang isa sa mga Pathfinder Countries sa UN Global Accelerator Initiative, gayundin ang pagsisikap ng pamahalaan sa digitization at ang pagtugon sa pagsulong ng artificial intelligence (AI). Kabilang din sa tinalakay ang pangangailangan para sa napapanahong polisiya upang protektahan ang mga manggagawa sa gitna ng umuunlad na gig at platform economy.
Pagkatapos ng bilateral meeting, nakipag-ugnayan si ADG Tomei sa ilang miyembro ng National Tripartite Industrial Peace Council (NTIPC), ang pangunahing consultative body para sa tripartite discussion sa pagitan ng mga manggagawa, employer, at pamahalaan tungkol sa mga patakaran sa paggawa sa pangkalahatan. Binigyang-diin din sa talakayan ang kahalagahan ng social dialogue sa pagtugon sa mga kritikal na hamon sa paggawa at patakarang panlipunan tungo sa pagsulong ng mga kongkretong solusyon.

Binibigyang-diin ng ugnayang ito ang pangako ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagsusulong ng inklusibo at makatarungang patakaran sa paggawa at pagtiyak na ang pambansang pamantayan ay alinsunod sa pandaigdigang pamantayan sa paggawa.
Nasa Pilipinas si ADG Tomei para sa isang opisyal na pagbisita mula Pebrero 25-28, para sa mga talakayan ukol sa mga karapatan at pandaigdigang pamantayan sa paggawa. Nakibahagi din siya sa paghahanda ng Pilipinas sa partisipasyon nito sa gaganaping 353rd ILO Governing Body Meeting.