28.5 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

China tumangging magbigay ng asylum kay Duterte

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang Bahagi

LITERAL na sikip ng dibdib ang naranasan ko sa isang mahaba-haba rin namang panahon na tila pursigidong binabalikat ng China ang dalahin ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte sa pakikipagtunggali kay Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.. Ito ay kapwa sa saklaw ng tumitinding alitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea at sa panloob na tunggalian sa pulitika ni Bongbong at ni Digong.

Sa katunayan, ang  paglubha ng alitang Marcos-Duterte ay kasabay ng pagsahol ng hidwaang Chino-Pilipino sa West Philippine Sea. Ang lakas ng tungayaw, halimbawa, laban sa instalasyon ng Amerika sa Pilipinas ng Typhon Medium Range Missile Launch System ay kaalinsabay ng pagsambulat naman ng hidwaan nina Presidente Bongbong at Bise Presidente Sara kaugnay ng mga bintang ng korapsyon sa isa’t-isa  Sa isang malaking kongreso sa Cebu kontra sa Typhon, karamihan sa mga nagsalita ay masusugid na suporter ni Duterte.

Ngayon, ang talagang ikinababahala ko ay ito: na mula’t sapul, ang pagparoon at pagparito ng mga presidente ng Pilipinas ay tanging sa basbas ng Amerika.

Kung ayaw ng Amerika, pwera ka.


Sa ganyan ding panuntunan dapat na malagay si Duterte. Kung ayaw sa kanya ng Amerika, pwera siya. Na nanalo siyang presidente, dapat walang duda na siya ay batang Kano.

Pero huwag ka’t pagkaupong-pagkaupo noong 2016, namutakti na ang bibig ni Duterte sa kamumura sa Amerika, kay Presidente Barack Obama at kay Ambassador Philip Goldberg.

Nang popular na mahalal na pangulo si Erap noong 1998, pinabayaan siya ng Kano. Hanggang sa panahong iyon, wala siyang hindi pinagkakasunduan ng Amerika. Subalit makaraan lamang ang dalawang taong panunungkulan, kumasa ang impeachment sa kanya na humantong sa Edsa II na nagpatalsik sa kanya at hinalinhan ni noon ay Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo.

Bakit?

- Advertisement -

Dahil tinanggihan niya ang kahilingan ni US President Bill Clinton na huwag atakehin ang namumunong Kampo Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front; kung bakit hiling ni Clinton ang ganun ay marapat na bahagi ng isang hiwalay na usapin.

Ang pinag-uusapan lamang muna sa ngayon kaugnay ng pagdating-pag-alis ng mga presidente ng Pilipinas sa pwesto ay tanging sa kagustuhan ng Amerika.

Sa kaso ni Duterte, malaking palaisipan. Papaano siya nagtagal hanggang sa katapusan ng pwesto gayong sa bawat sandali ng kanyang termino, wala siyang ginawa kundi murahin ang Amerika.

Di ko maiwasang isipin ang Trojan horse. Sa mitolohiya, inabot na ng isang dekada na hindi mapasuk-pasok ng mga Griyego ang Troy, kung kaya naisip ni Odysseus na gumawa ng higanteng kahoy na kabayo na ang hungkag na kalooban ay naglalaman ng mga piling-piling mandirigma. Nagkunwaring inabandona na ang giyera, umalis palayo ang mga Griyego, iniwan ang kabayong kahoy na pinalitaw na  handog sa Diyosang si Athena. Nagbunyi ang mga Trojan at hinila papasok ng siyudad ang kahoy na kabayo. Pagdating ng gabi, palihim na lumabas ang mga sundalong Griyego mula sa kanilang kinatataguan sa loob ng kabayo at binuksan ang dating di mapasok-pasok na pinto ng siyudad – upang sa wakas ay paglagusan ng kagilagilalas na salakay ng hukbo ng Griyego para sa ultimong pagpuksa sa Troy.

Sa nakaraan kong naratibo sa kolum na ito tungkol sa pagparoon at pagparito ng mga presidente ng Pilipinas, wala ni isa ang dumating at umalis nang hindi ayon sa kagustuhan ng Amerika. Nangatanggal sina Presidente Ferdinand E. Marcos Sr. at Joseph Ejercito Estrada sa puwesto dahil sa pagsuway sa kagustuhan ng Amerika – si Marcos, sa pataas na pataas na renta ng mga base militar ng Kano sa Pilipinas; si Erap, sa pag-tanggi nga sa mando ni Presidente Bill Clinton na huwag atakehin ang Kampo Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front.

Si Ramon Magsaysay ay nahalal na presidente dahil sa matagumpay niyang pagwasak sa rebelyong Huk noong 1950, na kung hindi nasugpo ay nakapagpalakas sana sa posisyon ng Unyong Sobyet sa Cold War nito sa Amerika nang panahong iyun. Kung bakit bago pa matapos ang kanyang panunungkulan, ang eroplanong kanyang sinasakyan mula sa isang speaking engagement sa Cebu, ay bumagsak, na siya niyang ikinamatay. Ang kamatayan ni Magsaysay ay nanatiling misteryo sa akin, hanggang nito lamang nakaraang mga ilang araw nang matisod ko sa isang video sa TikTok na nagsiwalat sa kung ano talaga ang presidential plane, na pinangalanang Mt. Pinatubo, na sinakyan ni Magsaysay nang gabing iyun ng Marso 17, 1957. Bagong-bago ang eroplanong Douglas C147 na idinonate ng Amerika para nga sa paggamit ng pangulo. At bago lumipad nang gabing iyun pabalik sa Maynila, isinagawa ng piloto ang standard procedure upang tiyakin na magiging ligtas ang biyahe. Kung bakit pagkaraan lamang ng dalawang minutong paglipad bumigay na ang mekanismo ng eroplano na ikinabagsak nito. Sa sumunod na imbestigasyon, napag-alaman na ang sanhi ng pagbagsak ay kung tawagin “metal fatigue.”

- Advertisement -

Subalit ano ba ang “metal fatigue”?

Ito ang  pagkawasak ng metal ng isang makina dulot ng matagal nang panahon ng tuloy-tuloy na paggamit. Sa kaso ng Mt. Pinatubo, na bagong-bagong donate nga ng Amerika, wala pa sa kalingkingan ang ginawang mga biyahe nito upang lumikha na ng mapangwasak na metal fatigue. Kung tutuusin naman ang partikular na biyahe ng Mt. Pinatubo nang gabing iyun, dalawang minuto pa lang na nakaka-take off ang eroplano, natuklasan na ng piloto ang sira ng makina at agad na nitong ipinihit ang eroplano upang ibalik sa Lahug airport. Subalit hanggang doon na lang talaga. Madaling araw ng Marso 17, 1957, ginulantang ang Mt. Manunngal ng malakas na pagsabog. Kinabukasan, natuklasan sa mga gutay-gutay na bahagi ng mga patay sa sumabog na eroplano ang kamay na nagtataglay ng pagkakakilanlan kay Presidente Magsaysay: ang kanyang relo.

Naisip kong muling alalahanin ang trahedya ni Magsaysay dahil sa minsang winika ni Presidente Erap sa panahong nagkasya na siya na maging mayor na lamang ng Maynila: “Kaya ayoko nang tumakbo pang presidente. Papatayin na ako ng CIA.“

Dumating na tayo sa punto. Lahat-lahatin na natin, walang presidente ng Pilipinas ang nahalal o natanggal sa puwesto nang hindi sa kagustuhan ng Amerika. Tatlong dalaw-pamanhikan ang ginawa ng Amboy na si FVR kay Duterte upang kumbinsihin ito na tumakbong presidente noong 2016. At kailangang bastarduhin ang prosesong elektoral ng bansa upang pagtibayin ang kanyang kandidatura para presidente. Huli na sa deadline noon ng pag-file ng kandidatura. Isang paraan na lamang ang nalalabi. May umatras na kandidato at sa umatras, hahalili si Duterte. Kaya umatras si Martin “Bobot” Badulis Diño at humalili si Duterte. Ang problema, ang puwestong inatrasan ng kandidatura ni Diño ay para mayor lamang ng Pasay City. Kinuwestyon ito ni dating Senador Francisco “Kit” Tatad, subalit katwiran ng Comelec, hindi iyun mahalaga; malinaw daw na ang intensyon ni Duterte ay maging presidente kaya pinagtibay ang kanyang kandidatura sa pagkapresidente.

Hayy!

At gumana ang nakagugulantang na blitzkrieg na kampanya na mula sa panglima ay pumaimbulog si Duterte sa numero uno pagdating ng Marso pa lamang ng election period ng 2016.
Ayon sa isang expert analyst, ang kampanya ni Duterte ay tanging ang CIA lamang ang may kakayahang gawin.
Subalit lumilitaw na balintuna ang sumunod na nangyari. Nanalo nga siyang presidente pero pagkaupong-pagkaupo, ang unang-unang inatupag ay banat dito, banat doon sa Amerika.
Papaanong magiging likhang kamay ng CIA si Duterte gayong kaliwa’t kanan, ang banat niya ay sa Amerika?

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -