27.9 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Dahilan ng pagbabago ng Palasyo sa ikatlong pagdinig sa Senado

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGPAHAYAG ng tuwa si Senadora Imee Marcos tungkol sa mangyayari sa ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, na nag-iimbetiga sa pagka-aresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11, 2025.

Aniya, “Mabuti at nagdalawang-isip ang administrasyon, pero sana hudyat na ang kanilang anunsyo ng pagnanais ibunyag ang katotohanan, na sa wakas, maliwanagan ang sambayanan patungkol sa totoong mga pangyayari.

“Binibigyan natin sila ng ikatlong pagkakataong magpaliwanag ngayong araw, Abril 10, wag naman sanang mauwi sa pagkukubli o pakitang tao lamang.”

Sinabi ng Malakanyang nitong Lunes na papayagan nila ang ilang high-ranking official;s na dumalo sa gaganaping hearing ngayon ng Senate Committee on Foreign Relations.

Ito ay kabaligtaran sa liham noong Marso 31 kung saan sinabi ni Executive Secretary Luca Bersamin na may executive privilege ang mga miyembro ng Gabinete kung kaya’t hindi na sila dumalo noong ikalawang hearing.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, dadalo sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Philippine National Police (PNP) chief Rommel Marbil, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief MGen. Nicolas Torre, Executive Director Anthony Alcantara of the Philippine Center on Transnational Crime, at si Migrant Workers Secretary Hans Cacdac ngayong Huwebes, Abril 10.

“Nirerespeto namin ang kahilingan ni Senate President Chiz Escudero, hangga’t siyempre hindi pag-uusapan ang mga bagay na tungkol sa kanilang executive privilege,” paliwanag ni Castro sa isang briefing.

Sinabi ni Escudero nitong weekend na siya ang nagkusa na kumilos bilang “tulay” sa pagitan ng Senado at ng executive department matapos ang mga nabanggit na opisyal ay nagpasyang hindi dumalo sa ikalawang pagdinig ng komite noong nakaraang linggo.

Sa kanyang liham, ipinagdiinan ni Bersamin na mayroon nang apat na petisyon na inihain at nakabinbin sa Korte Suprema na may kinalaman sa pag-aresto at pag-turnover kay Duterte sa International Criminal Court (ICC) noong Marso 11 dahil sa umano’y paggawa ng krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng kanyang giyera kontra droga.

Ang mga petisyon na ito, sabi ni Bersamin, “ay magkakaugnay sa mga agenda item” na pinag-uusapan sa mga pagdinig sa Senado, at ang pagkomento sa mga ito bago malutas ang mga kaso sa korte ay magiging sub judice.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -