Ni Eunice Jean Patron
ANG matitinding pagbaha na dala ng mga bagyo ngayon ay nangangailangan ng agarang desisyon na nakabatay sa siyensiya.
Tinutukoy ng Impact-Based Flood Forecasting System ang mga partikular na lugar sa Pilipinas na maapektuhan ng matinding pagbaha. Larawan ni Dr. Alfredo Mahar Lagmay.

Bilang isa sa pinaka-mapaminsalang natural na sakuna sa buong mundo, ang pagbaha ay seryosong banta sa buhay ng tao at sa katatagan ng ekonomiya. Hindi na bago sa Pilipinas ang ganitong sitwasyon, dahil humigit-kumulang 20 bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kada taon. Ayon sa 2023 World Risk Index Report, ang Pilipinas rin ang nangunguna sa listahan ng mga pinaka-apektado ng matitinding kondisyon ng panahon.
Bumuo sina Dr. Alfredo Mahar Lagmay, isang propesor sa National Institute of Geological Sciences ng College of Science sa University of the Philippines – Diliman (UPD-CS NIGS) at executive director ng UP Resilience Institute (UPRI), kasama ang mga siyentista mula sa UPRI Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH) Center at si Dr. Gerry Bagtasa ng UPD-CS Institute of Environmental Science and Meteorology (IESM), sa tulong ni Dr. Bernard Alan Racoma ng IESM at sa pakikipagtulungan sa Academic Alliance for Anticipatory Action (4As), ng isang impact-based flood forecasting system na kayang magbigay ng babala sa posibleng pagbaha sa buong Pilipinas. Ang sistemang ito ay pinondohan ng United States Agency for International Development’s Bureau for Humanitarian Assistance (USAID-BHA).
“This system can determine whether a neighborhood is likely to be affected by a major flood event 24 hours in advance,” paliwanag ni Dr. Lagmay, dagdag niya na nagawa ng sistema na ma-forecast o matukoy ang pagbaha sa Davao, Palawan, at Borongan ngayong taon. “When accessed on the NOAH website, areas prone to flooding due to severe weather are shown in map view or tabular format, with the number of potentially affected people listed down to barangay level.”
Kayang i-forecast ng tool ang posibleng pagbaha sa mga partikular na lugar batay sa accumulated rainfall forecasts (o kabuuang inaasahang ulan) at sa 100-year rain return flood hazard maps—mga mapang nagpapakita ng mga lugar na madalas bahain batay sa kasaysayan. Sa pamamagitan ng pag-aangkop ng global weather models ayon sa natatanging heograpiya at klima ng bansa, naglalabas ang sistema ng mas tiyak at mas akmang mga prediksyon.
Inilunsad noong 2024, ang Impact-Based Flood Forecasting System ay bukas na para sa paggamit ng publiko. Binibigyang kapangyarihan ng sistemang ito ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa kanila na i-verify o kumpirmahin ang datos na inilalabas nito. “The public can contribute information through the LyfSaver app, allowing FIlipinos to report floods in their area.” dagdag ni Dr. Lagmay.
Nakipagtulungan din sina Dr. Lagmay at ang kanyang team sa iba’t ibang organisasyon gaya ng crowdsourcing platform ng FYT PH Media, disaster response training program ng YesPinoy, at sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, pati na rin sa Public Affairs and Information Services Department nito, upang maisama ang mga tampok ng automated system sa iba pang components ng disaster risk reduction and management.

Sa kanilang papel na nailathala sa Asian Journal of Agriculture and Development (AJAD), sinabi ng mga siyentista na bagamat nakamit ng sistema ang ilang tagumpay, ito ay simula pa lamang ng mas malaking proseso. Binanggit nila na ang karagdagang pag-develop ng tool, ang pagtutulungan ng mga mamamayan at stakeholders, at ang magandang pamamahala ng gobyerno ay mahalaga upang mapabuti ang disaster risk reduction at management sa bansa.
“After winning the best innovation pitch among 64 entries nationwide in the Preparedness and Response Excellence in the Philippines (PREP) Innovation Challenge, we will add more hazards such as rain-triggered landslides and possibly storm surge hazards to the forecasting system,” ayon kay Dr. Lagmay. Ang PREP challenge ay inorganisa ng United Nations World Food Programme (WFP) at USAID, na layuning tuklasin at palakihin ang mga makabago at cost-effective na solusyon upang mapabuti ang kahandaan sa sakuna at seguridad sa pagkain para sa mga mahihirap na populasyon sa Pilipinas.
Puwedeng mag-donate upang suportahan ang layuning ito sa https://resilience.up.edu.ph/give-to-upri-and-noah-center/