33.8 C
Manila
Miyerkules, Abril 30, 2025

Tulfo, stakeholder, nilinaw ang kumakalat na fake news ukol sa ilang probisyon ng Magna Carta of Filipino Seafarers

- Advertisement -
- Advertisement -

PINULONG ni Senate Committee on Migrant Workers Chairperson Sen. Raffy Tulfo kahapon (Abril 23) ang mga unyon ng seafarers, manning agencies, seafarers’ wives, at iba pang stakeholders sa isang consultative meeting sa Senado upang kunin ang kanilang saloobin ukol sa Magna Carta of Filipino Seafarers.

Mga larawan mula sa Facebook page ng Senate of the Philippines

Ito ay sa kabila ng mga kumakalat na misleading information ukol sa batas, gaya na lamang halimbawa ng bumaba raw ang sweldo ng seafarers dahil sa Magna Carta, na wala naman sa probisyon ng batas.

Sinabi ni Sen. Idol na maaaring ang tinutukoy nila ay ang 80% mandatory allotment na dati ay mula lang sa seafarers’ monthly basic salary, pero sa Implementing Rules and Regulation (IRR) ng batas ay sinama na rin sa computation ng 80% allotment ang fixed o guaranteed overtime pay ng mga marino.

Balanse pa rin ang probisyong ito dahil ayon kay Atty. Henry Zamora mula sa Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines (AMOSUP), nakasaad sa IRR na maaaring magtalaga ng higit sa isang allotee, o “allotee/s,” ang isang seafarer. Ibig sabihin, 80% ng basic salary niya ay mapupunta sa kanyang pamilya samantalang ang 80% ng fixed overtime pay ng marino ay maaaring gawin niyang “self-allotment” na magiging savings na rin niya paguwi ng Pilipinas.

Sinabi ng Presidente ng Seafarers Family na si Arianne Rocha na nakakalungkot dahil marami sa mga seafarers na nakausap niya ang hindi impormado sa magandang layunin ng batas at iniisip nila na kinakaltasan ng gobyerno ang kanilang sahod gayong hindi naman.

Ayon naman kay Grace Gelvoleo at Myrna Durian na parehong asawa ng seafarers at miyembro ng grupong Women Championing Seafarer Families (WCSF), wala raw silang nakikitang problema sa Magna Carta lalo pa at deretso naman nilang natatanggap ang allotment. Pero hirit ni Myrna, ang madalas na nagrereklamo ukol dito ay ang mga seafarers daw na may pangalawang pamilya o ibang kasintahan.

Tinalakay din ni Sen. Tulfo ang usapin tungkol sa exchange rate dahil nakarating sa kanya ang sumbong ng seafarers na nalulugi sila dahil dinadaya raw ng kanilang agency ang palitan ng pera mula US Dollars to Philippine Peso.

Nilinaw ni Capt. Antonio Ladera III, Presidente ng Association of Licensed Manning Agencies (ALMA), na klaro ang pagkakasaad sa batas na ang susundin dapat na exchange rate ay ang araw na ni-remit ng shipowner ang sahod, na makikita dapat sa isang electronic o physical payslip na ibinibigay ng manning agency.

Sinabi naman ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Cacdac na ito ay “unlawful deduction” sakaling bawasan ng agency ang sahod ng marino, at may karampatang parusa itong mula 6 months hanggang 2 taong suspension ng agency o dili kaya ay tuluyang pagkansela ng kanilang permit to operate.

Sa huli ay inobliga ni Sen. Tulfo ang mga manning agency na magsagawa ng agresibong information education campaign katuwang ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para mabigyan ng tamang impormasyon ang mga seafarers partikular na sa mga crucial provisions ng nasabing batas.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -