34.7 C
Manila
Linggo, Hunyo 15, 2025

Kayang magkasundo ng mundo subalit hindi ng Diyos at diablo

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
MAHIGIT sa 100 pangulo at punong ministro ng bansa ang napaulat na dumalo sa libing ni Pape Francis. Napakapambihirang pagkakataon nito. Nungka na ito ay nasaksihan sa anumang pangmundong pagtitipon. Ibilang mo na ang United Nations na kailanman ay hindi kinakitaan ng ganun karaming pagkakaipon ng mga punong ehekutibo ng daigdig.
Sa mga namumukod na pinuno ng bansa, ang kapuna-puna lamang na hindi nakadalo ay sina Presidente Vladimir Putin ng Russia at Premier Benjamin Netanyahu ng Israel.
Magkaganunman, ang kawalan ng dalawa sa libing ay bahagya nang nakabawas sa tunay na kahalagahan na ipinamukha sa okasyon: na kung isasaisantabi lamang ng tao ang pulitika, magiging napakamapayapa ng mundo upang pamahayan ng tao.
Masdan ang eksenang naganap sa pagitan nina US President Donald Trump at Ukraine President Volodymyr Zelensky. Matatandaan na di pa nagtatagal, nagkasigawan ang dalawa sa huling dalaw ni Zelensky sa White House. Doon ay lantarang pinangaralan ni Trump si Zelensky na wala ito sa kalagayan na magtakda ng mga kondisyones ng pagwawakas ng digmaan sa Ukraine, kaya tanggapin na lamang kung ano ang iutos ng Estados Unidos.
Mangyari pa, sa pangmundong pulitika, ang kondisyong inilatag ni Trump ay para sa estratehikong pakinabang ng Amerika. Ibig sabihin, ang magkasamang pagtamasa  ng Russia at Amerika sa yaman ng kanluran. Kung ito ang mangyayari, lalabnaw ang ugnayan ng Russia at China at sa kaduluduluhan ay lalakas ang sulong ng America’s Pacific Century na ang kilos tungo rito ay pinasimulan na noon pang 2008 ni Presidente Barack Obama.
Ang giyerang sigawan nina Trump at Kelensky sa White House ay nakakulong sa geopolitical na larangang pilit pinangingibabaw ng Amerika at hindi maiiwasang mauwi lamang sa di-pagkakaunawaan. Kapwa si Trump at Zelensky ay alipin ng kanya-kanyang interes pulitikal.
Subalit hubaran mo ng mapagkunwaring saplot pulitikal at ilagay mo ang usapan sa isang lantay na hangaring pangibabawin ang diwang pangkapayapaan ng sangkatauhan, tingnan pag hindi natamo ang layuning inaasam.
Ganun ang nangyari sa usapan nina Trump at Zelensky sa libing ni Pope Francis.
Labas sa ingay at sinag ng media at pagkukunwari na naging tatak na ng sinumang opisyal ng pamahalaan, hindi maaaring ang pag-uusap ay hindi maging puro at dalisay lamang.
Labinlimang minuto lamang ang itinagal ng pag-uusap nina Trump at Zelensky nang sarilinan, subalit damang-dama mo na taos sa puso ang tema ng kanilang usapan.
Walang sinumang iba pa na dapat pagpakitaan ng gilas sa kanilang usapan,  parang kapwa mga nagkasala na nangungumpisal sa isa’t-isa, humihingi ng kanya-kanyang kapatawaran at tumatanggap ng kanya-kanyang pagsisisi.
Sa loob-loob ko, sa tatlong taon nang itinagal ng giyera sa Ukraine, iyun lamang ang sandali na ang dalawang totoong nasa katayuan upang wakasan ito ay pilit na magkaunawaan. Hindi pagtatakhan kung isa sa mga darating na araw, ang inaasam na panunumbalik ng kapayapaan sa Ukraine ay maganap. Ang tapat na pag-uusap tungkol dito ay nangyari bilang bahagi ng ng kabanalan ng pagluluksa sa namayapang Papa.
Hanggang sa kahuli-hulihang sandali, inilaan ni Pope Francis ang sarili sa pagkakasundo ng sangkatauhang pinagbuhusan ng buo niyang paglilingkod.
Sa ganang sambayanang Pilipino, umaasa sila na ang kabanalan sa libing ng Papa ay sumakop din sa puso ng Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na, kasama ng Unang Ginang Liza Araneta Marcos, ay dumalo din sa okasyon.
Hating-hati ang Pilipinas ngayon. Ang labanan sa pulitika na dapat ay sa saklaw lamang ng tagisan sa kalidad at kantidad lamang ng paglilingkod-bayan ay namiminto nang mauwi sa ubusan ng lahi ng mga magkakatunggali. Isang mayor na ang nasawi sa pamamaril sa Cagayan; ilan na ang nasugatan sa mga ganun ding insidente ng karahasan.
Randam ng bayan na ang karahasang pulitikal ay lalala pa habang palapit ang eleksyon.
Sa panig ng administrasyon, maliwanag ang mga pahiwatig na tapat ito sa layuning ayusin ang buhay ng mga hikahos. Wala ni anumang pabando, ginawa na pala ni Bongbong ang malawakang pabahay na maaari nang lipatan ng mga walang tirahan. At nito lamang na nagdaang linggo, inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagpapababa sa presyo ng bigas sa P20 kada kilo. Pangako ito ni Bongbong noon pang kampanya ng 2021. Inakala ng marami na iyun ay, tulad ng iba mga pangakong elektoral, pangakong mapapako. Pero kwidaw at ang P20 na bigas ay isa nang realidad sa Kabisayaan.
Ayon kay Secretary Tiu Laurel, magtutuloy-tuloy na ito hanggang sumaklaw na sa buong kapuluan pagsapit ng 2028.
Ang problema ay ang oposisyong Duterte. Walang kapaguran sa pagpapasademonyo kay Bongbong. Ang litaw na layunin, pagbitawin ito sa pwesto at sa gayon ay halinhan ni Bise Presidente Sara. Malaking kapalaran ng bansa na naging napakatalino ng presidente upang mabisto na ang pakana ay gayahin ang paghalili noong 2001 ni Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo kay Presidente Joseph Ejercito Estrada. Dahil wala nang apat na taon ang itinagal ng panunungkulan ni Gloria, pwede na siyang tumakbo uli sa sumunod na eleksyong pampanguluhan – na kung kaya umabot sa halos sampung taon ang itinagal ng termino ni Gloria gayong ang tadhana ng konstitusyon sa presidente ay anim na taon lamang na walang reeleksyon.
Naririyan lumilitaw ang siste ni Sara sa kanyang sagad-sa-buto na pagpapasademonyo kay Bongbong. Wala nang anumang puwang pa ang kabanalan ng pakikipagkasundo ang maaaring asahan mula sa kanya.
Una pa muna, sino ba si Sara kundi anak ng kandidato sa pagkapresidente na si Rodrigo Roa Duterte na sa trapik na likha ng pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015, ay nagmura: “P******a Papa!”
Sabi nga sa awit, “It takes two to tango.“
Hindi maaaring makipagsayaw ang Diyos sa diablo.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -