BAGO tuluyang magsara ang 19th Congress, humabol ng huling pagdinig si Senator Alan Peter Cayetano para simulan ang technical groundwork ng 25 panukalang batas na magpapalakas sa tertiary education at technical-vocational training sa bansa.
Bilang chair ng ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, pinangunahan ni Cayetano ang pagdinig nitong June 9 ang pagtalakay sa 14 na panukalang may kinalaman sa mga state universities and colleges (SUCs), kabilang ang:
* Pag-update sa mahigit 60-taong charter ng Mindanao State University,
* Pagtatatag ng mga bagong College of Medicine, at
* Pag-convert sa ilang SUC extension campuses bilang regular campuses.
Kabilang din sa mga tinalakay ang walong panukalang pagtatayo ng mga Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) training at assessment center sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at ng isang skills training center para sa mga katutubo sa Nueva Vizcaya.
Bagaman wala na aniyang oras para maipasa ang mga ito bago ang adjournment sa June 14, nagpatawag ng pagdinig si Cayetano para ihanda ang mga panukala para sa 20th Congress.
“Iiwanan natin [ang bills] sa isang technical working group (TWG) at pag-aaralan na in the next six weeks bago mag-SONA. Para kung sino man mag-Chair sa susunod, hindi start from zero na naman,” wika niya.
“I commit to you that the TWG will continue working during the break… Sa 20th Congress we’ll have a headstart,” dagdag niya.
Kasama sa TWG ang mga kinatawan ng Komite, Commission on Higher Education (CHED), TESDA, at ng mga paaralang saklaw ng mga panukala.
Sa pagdinig, nagpahayag naman ng suporta ang CHED sa 12 sa 14 na panukalang may kinalaman sa SUCs, habang hinihintay pa nilang makumpleto ang requirements ng natitirang dalawa.
“Ang pakiusap ko lang ay mag-comply with CHED requirement. If there are legal issues, we can talk about it. Pero kung wala at compliance lang, mag-comply na tayo para wala tayong problema,” wika ni Cayetano.
‘Makatapos, hindi lang makapasok’
Bagaman suportado niya ang pagpapalawak ng mga pasilidad at programa ng SUCs, binigyang diin ni Cayetano ang pagtingin sa “bigger picture” pagdating sa edukasyon.
Ipinanukala niya ang “Makatapos Ako” law na hindi lang tuition ang tinutugunan kundi pati ang iba pang gastusin sa pag-aaral.
“Not only scholarship… kailangan din dito may student loans dahil hindi naman lahat [ng expenses] tuition eh. Pamasahe, lunch, the other expenses [din],” wika niya.
Hinimok niya ang CHED na magsagawa ng mabilisang cost study para ikumpara ang gastusin ng estudyante sa urban at rural areas, at nanawagan ng pagkakaisa ng education stakeholders ngayong parating na session break.
“I think we are in the position – the Committee, CHED, TESDA, SUCs – to come together and come up with a good law, y’ung tunay na batas na hindi lang scholarship kundi from birth pa lang, how to get to college, at paano makatapos,” wika niya.
‘Rebirth’ ng TESDA
Hinamon din ni Cayetano ang TESDA na pag-isipan ang panibagong papel nito sa ilalim ng K-12 system, na aniya’y dapat sana ay nagpaikli sa mandato ng ahensya.
“Ang understanding sa K-12, pag-graduate mo, hanggang NC II tapos mo na. So dapat lumiit ang TESDA, hindi lumaki,” wika niya.
Nanawagan siya ng 25-year roadmap para sa TESDA na nakaayon sa pagbabago sa industriya at pagsulpot ng artificial intelligence.
“Ang trend ngayon, every five years nag-iiba ang industriya eh. So may retraining, relearning. And TESDA can really play that role… If both SUCs and TESDA go into AI much faster than other Southeast Asian neighbors, we’ll be in good shape,” wika niya.
Sa pagtatapos ng pagdinig, nagpasalamat si Cayetano sa mga stakeholder na tumulong sa committee nitong 19th Congress.
“On behalf of the committee members, sa CHED, TESDA, sa SUCs, at sa local universities din – thank you for making the 19th Congress productive. May God continue to guide and bless us,” wika niya.