UNCLE, ngayon ko naiisip kung gaano kahalaga talaga ang kredibilidad sa tao lalo na kung ikaw ay may hinahawakang mataas na lugar sa ating lipunan.
Bakit mo nasabi yan, Juan?
Nakita ko sa Senado ngayon sa pagbabangayan nila sa isyu ng impeachment ng Bise-Presidente kung sino ang nagpapahalaga sa tama at sa kanilang kredibilidad bilang halal ng sambayanan. Iniisip nila ang mga Pilipinong umaasa sa katarungan, hustisiya at katinuan sa sistemang politika.
Tama ka, Juan. At sa pananalapi, hindi yan nalalayo. Sabi nga nila, mawalan ka na ng pera pero huwag lang ang kredibilidad at reputasyon mo. Madaling bumawi sa pagkalugi. Pero mahirap mapanumbalik ang tiwala at kumpiyansa sa iyo kapag nasira ito.
Katulad ng mga Senador na bumoto sa tama, sila ay kahanga-hanga. Hindi importante kung marami silang mga bashers, mga trolls na pilit na nilalagay sila sa dilim o mga kaaway sa pagtatanggol ng tama para sa mga Pilipino.
Isa lang ang batayan ng pagmamahal nila sa bayan. Hahamakin nila ang lahat. Huwag lang malagay sa hindi magandang kalagayan ang mga Pilipinong ipinagtiwala sa kanila ang kanilang kinabukasan. Hindi nila winasak ang kanilang kredibilidad bilang kakampi ng tama, katotohanan at karapatan.
Ganyan din dapat ang maging pamantayan natin sa pangangalaga ng ating pera o salapi. Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kredibilidad sa pananalapi?
Maraming mukha ang kredibilidad sa pananalapi.
Una, ang kredibilidad sa pagbabayad ng utang. Yung iba ay maraming dahilan kapag ayaw magbayad ng tama at sa tamang oras. Wala silang kredibilidad.
Pangalawa, ang kredibilidad sa pagpapatupad ng commitments o kung ano ang pinangako. Tulad ng oras, bagay o kahit ano pa mang pinaasa sa ibang tao. Ito yung kaso ng puro pangako pero lahat napapako. Wala silang kredibilidad.
Pangatlo, ang kredibilidad sa pagsabi ng totoo kung may nangyaring hindi maganda sa perang pinagkatiwala. Kadalasan mas gusto ng iba na magsinungaling hanggang sa sila’y mabuko. Sa dulo, puro sisihan at awayan ang nangyayari at lalong lumalala ang problema. Wala silang kredibilidad.
Pang-apat, ang kredibilidad sa pagtupad sa mga tungkulin o responsibilidad sa pera. Marami sa ating mga OFW ang nakakaranas ng ganito. Padala sila ng padala ng pera pero walang napupuntahan ang kanilang padala kundi sa mga kawalanghiyang asal ng kapamilya tungkol sa paggastos at pagsasawalang halaga sa oinaghirapan ng OFW na kaanak. Wala silang kredibilidad.
At panglima, ang kredibilidad sa pagtatanggol sa tamang gawain para sa paglago ng kayamanan. Maraming kaso ngayon na basta magkapera, kahit ano pa mang paraan, kahit hindi ito mabuti tulad ng korupsyon, pagnanakaw, o paninikil, ay walang pakialam kahit na masama ito sa paningin ng lipunan at sa mata ng Panginoon. Wala silang kredibilidad.
Sa mga taong mataas ang pagpapahalaga sa kanilang kredibilidad at reputasyon, naniniwala sila na may long-term consequences kapag nawalan ng tiwala sa iyo ang mga tao- sira ang mga relasyon, kawalan ng oportunidad at kabuuang tagumpay sa kung ano pa mang ginagawa mo.
Alam din nila na mahirap bumuo ng tiwala at kumpiyansa sa mga ka-relasyon- kamaganak, kaopisina, business partner o sa komunidad- kung wala kang kredibilidad para itaguyod ang tama at positibong pananaw sa pamumuhay. Sa isang iglap, pag nasira ang tiwala, guguho na din ang lahat ng pinundar na pakikisama at pakikitungo para sa mas maginhawang kinabukasan.
Kaya paano ba mapapalakas ang kredibilidad ng isang tao para marami ang tiwala ng iba?
Sa aking palagay, bakit hindi mo i-TODO na Ito?
T- andaan na consistency is key. Kailangan consistent ka sa iyong ginagawa at naayon sa magandang personal values.
O-vercome greed at selfishness. Iwasan ang kasakiman at mag-focus sa mas mataas na goals kung saan mas makikinabang ang mga nakakarami.
D-evelop skills sa financial literacy. Kapag mas mataas ang kaalaman at kakayahan sa mga aspetong pinansyal, makakatulong ito sa pagpapatibay ng iyong kredibilidad na makapagbigay ng tamang perspektibo sa praktikal na pamamahala ng pananalapi.
O-ut mo sa iyong buhay ang mga negative influences o triggers na hahamon sa pagtaguyod mo sa iyong kredibilidad at sisira sa iyo sa mga taong nakapaligid sa iyo. Kailangan matibay ang sinasandalan mo na financial knowledge at skills para hindi ka lumihis sa tamang daan kung saan ka lalong pagkakatiwalaan at titingalain.
Juan, ikaw ba ay may kredibilidad at pinagtitiwalaan?