(Una sa serye)
NAUSOD ang deadline nang pagsa-submit ng lahok sa taunang Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, mas kilala bilang ‘Palanca Awards,’ ang pinakamatagal at maituturing na pinakaprestihiyosong literary awards sa ating bansa. Dati-rati, katapusan ito ng Abril. Ngayong taong ito, katapusan ng Hunyo ang naitakdang deadline. Tiyak kong ngayong araw na ito – Hunyo 30 – ay hindi mo na makakausap nang matino ang mga manunulat pampanitikan (literary writers) na nagnanais sumali sa naturang kumpetisyon.

Ang pagsusulat ng isang maayos na akda na isasali sa kumpetisyon ay isa lamang sa mga kahingian. Bagama’t ito ang pinakapuso nang paglahok — ang paglikha ng isang piyesang titimo sa puso ng mga mambabasa — marami pang kahingian ang ganitong pagsali sa Palanca Awards. May mga tuntuning dapat sundin ang mga manunulat na lalahok: mula sa haba ng lahok (kung ilang pahina ito) batay sa sasalihang kategorya, anong font at size ang gagamiting letra, ang paglalagay ng page numbers sa manuskrito, ang paglalagay ng tamang margin sa magkabilang gilid ng manuskrito, kung unpublished pa ang lahok (o kung sakaling published o produced na, ano ang saklaw na petsa ng pagkakalathala o pagkakatanghal), at kung ano-ano pa. Dapat ding ipa-notaryo ang lahok kung kaya’t tiyak na maghahanap ng notaryo publiko ang mga magigiting nating manunulat.

Noon, natatandaan ko, nagkikita-kita ang maraming manunulat sa opisina ng Palanca Awards sa lungsod ng Makati sa mismong gabi ng deadline. Ewan ko ba pero sadyang natural na sa mga manunulat ang humabol sa isang itinakdang deadline. Parang doon pa lang dadaloy ang matinding adrenaline upang matapos ang akda. Humahangos ang lahat pero ramdam ang saya sa paligid. Ang makasulat nga naman ng isang literary piece (na balak isali sa kumpetisyon) ay isa ng achievement. Manalo man (sana) o matalo, nakalikha ang isang manunulat ng akdang maipagmamalaki niya. Bonus na talagang matatawag kung papalaring manalo ang naturang akda. May kape, tsaa, biskuwit, kendi, sandwich, at iba pang miryenda na nakahanda sa opisina ng Palanca habang tsini-tsek ng mga kawani ang tinanggap na lahok.

At dahil nga nagkikita-kita sa gabi ng deadline ng Palanca, marami ang nagbibiruan. Nagkakatanungan kasi kung saang kategorya sila nagsipag-submit ng entry. Nagkikita ang posibleng magkakatunggali sa isang kategorya. Beterano man o baguhang manunulat ay tumataya na manalo (o muling manalo) ang kanyang akda. Pero siyempre, wala naman sa mga kawani ang susi nang pananalo. Nasa kamay ito ng tatlong mapipiling hurado sa bawat kategorya (sa Filipino Division at English Division sa pangkalahatan; at sa Ilokano-Cebuano-Hiligaynon Division sa kategoryang ‘maikling kuwento’).

Lihim ang identidad ng mga hurado kung kaya’t walang paraan na mapapakiusapan ang mga ito na ipanalo ang isang lahok. Isa pa, nakatago sa ‘pen name’ (o sagisag-panulat) ang isang akda. Malalaman lamang kung sino ang umakda ng nanalong entry kapag binuksan na ang envelope na nagtataglay ng identidad ng lumahok. Titiyakin muna ng tagapamahala ng award – si Nemie Bermejo – na napili na ang top 3 entries bago ito buksan. Dahil ulit ko nang naranasang maging hurado, napatunayan kong walang nagaganap na dayaan sa pagpili ng mga winning entries.

Gaya nang mga nagdaang taon, ang pagsusumite ng lahok ay pinadadaan na sa sistemang online (sa Palanca Awards website). Hindi na tumatanggap ang Palanca ng mga lahok na naka-print o kaya’y isinabmit sa email. Noon, ang isang manunulat ay kailangang mag-print pa ng apat na kopya ng kanyang lahok (isang orihinal na kopya at tatlong photocopies). Nasubukan ko ito kung kaya’t makapal-kapal din ang bitbit naming manuskrito noon. Nagbabago ang panahon, sabi nga, kung kaya’t may mga alituntuning dapat sundin ang isang lalahok. Hindi puwedeng ipagpilitan ang ano mang nakasanayan.
Naalala ko pa ang mga panahong sumasali ako sa Palanca Awards. Kagaya ng maraming manunulat, nangarap din akong makasungkit nito. Kung ito ang itinuturing na pamantayan o panukat ng kakayahang sumulat ng akdang pampanitikan, naisip kong dapat ko nga itong salihan. Kumbaga, nais kong alamin o sukatin ang regalo ng Diyos sa akin na makasulat ng mga piling akda. Lalo na at masasabi kong ‘intuitive’ ang aking paraan nang pagsusulat. Hindi ako aral sa akademya sa usapin ng ‘malikhaing pagsulat.’ Medisina ang kursong kinuha ko sa kolehiyo at wala akong formal training sa pagsusulat. Sa sarili’y itinatanong ko, ‘do I have what it takes to win a Palanca? O nakalaan lamang para sa iilan ang Palanca?’
May naging propesor ako noon sa kolehiyo – noong kumukuha pa lamang ako ng pre-med course na BS Medical Technology sa FEU – si Dr. Simplicio Bisa, ang Puno ng Kagawaran ng Filipino sa FEU. Sa aming tekstuk sa Filipino na isa siya sa patnugot, kasama sa mga takdang babasahin ang kanyang maikling kuwentong nagwagi sa Palanca. Hangang-hanga ako sa kaniyang husay. At aaminin kong lubos ang aking tuwa nang bigyan niya ako ng mataas na grado sa Pilipino. Hindi pa ako malay noon na maaari rin akong sumali sa Palanca Awards.
Lilipas pa ang mga taon at muli kaming magkikita ni Dr. Bisa. Hindi na sa loob ng kampus kundi sa bulwagan ng isang hotel kung saan idadaos ang seremonyang paggagawad sa mga nagwagi ng Palanca ng taong 1994. Akalain n’yong pareho pala kaming awardee ng aking propesor na si Dr. Bisa sa kategoryang ‘Maikling Kuwentong Pambata’! Nanalo ang kanyang akdang ‘Si Pinky, Si Tsinita, Si Rita Ritz, at Si Barbie’ ng Ikalawang gantimpala. Ang aking lahok naman na ‘Si Duglahi, Isang Patak ng Dugo’ (na kalaunan ay pinamagatang ‘Si Duglit, ang Dugong Makulit) ay nasungkit ang Unang Gantimpala. Hindi ako makapaniwala!
“Hindi ba’t naging estudyante kita sa Pilipino noon?” tanong niya agad sa akin nang lapitan ko siya sa kanyang mesa. Tumango ako nang sunod-sunod. ‘Doktor ka na ngayon?’ paniniyak pa niya. Muli akong tumango. Niyakap ako nang mahigpit ng aking propesor. Bakas ang kasiyahan sa mukha. ‘O, dating estudyante ko pa pala ang tatalo sa akin!’ pabirong sabi niya. At mataos niya akong binati sa aking unang Palanca. Sabi ko naman sa kanya, “Sir, utang ko po sa mga gurong gaya ninyo kung kaya’t ako’y nakapagsusulat ngayon.”
(May karugtong)