28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Bam Aquino makikipagtulungan sa DICT para sa wastong pagpapatupad ng Free Wi-Fi Law

- Advertisement -
- Advertisement -

NANGAKO si Senador Bam Aquino na makikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang matiyak ang wastong pagpapatupad ng Free Wi-Fi Law at mapabuti ang access sa de-kalidad na edukasyon at learning materials sa mga pampublikong paaralan.

Mga larawan mula sa Facebook page ni Sen. Bam Aquino

Nakipagpulong si Aquino kay DICT Secretary Henry Aguda upang talakayin ang mga hamon sa implementasyon ng Republic Act No. 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act, lalo na sa mga lugar na may limitadong koneksyon sa internet.

Si Aquino ang principal sponsor at co-author ng Free Wi-Fi Law sa termino niya bilang Chairperson ng Senate Committee on Science and Technology.

“Mahalagang matiyak na naipatutupad nang tama at buo ang batas, lalo na sa panahon ngayon na malaking tulong ang internet access sa mga estudyante. Pinalalawak nito ang oportunidad para matuto at mas pinapadali ang pag-access sa dagdag na kaalaman at learning materials,” ani Aquino.

“Makikipagtulungan tayo sa DICT para matugunan ang mga hamon sa pagpapatupad ng batas, upang mabigyan ng mas malawak na access ang ating mga kababayan sa libreng internet,” dagdag pa niya.

Sa nalalapit na deliberasyon ng pambansang budget, sinabi ni Aquino na itutulak niya ang sapat na pondo para matiyak ang kumpletong implementasyon ng Free Wi-Fi Law.

Itinatakda ng batas ang pagkakaroon ng libreng internet access sa lahat ng pambansa at lokal na tanggapan ng pamahalaan, pampublikong paaralan, public transport terminals, public hospitals, at pampublikong aklatan.

May mahalagang papel din si Aquino sa pagpasa ng Republic Act No. 10844 na lumikha sa DICT, bilang isa sa mga co-author ng nasabing batas.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -