MANANATILI nang buo sa mga manggagawa ang kanilang karagdagang kita mula sa overtime, holiday, at hazard pay, maging ang night differentials, at service charges sa ilalim ng isinusulong na panukalang batas na GINHAWA, ayon kay Senador Win Gatchalian. Binigyang-diin niya na ang benepisyong ito ay para sa lahat ng manggagawa, minimum wage-earner man o higit pa.
“Sa hirap ng buhay ngayon, gusto nating pagaanin ang buhay hindi lang ng mga low-income earners kundi pati ng mga middle-income earners,” pahayag ni Gatchalian.
Dagdag pa niya, “Layunin ng panukalang batas na GINHAWA na gumaan ang pasaning buwis ng ordinaryong manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pag-e-exempt sa income tax ng overtime, holiday, at hazard pay, night differentials, at service charges. Malaking tulong ito sa kanila upang makayanan ang tumataas na gastusin sa pamumuhay.”
Bilang ‘boses ng taxpayers,’ ipinaliwanag ni Gatchalian na ang panukalang batas na GINHAWA ay epektibong katumbas ng karagdagang sahod nang hindi nagpapataw ng karagdagang pasanin sa mga employer.
Inaasahang makikinabang sa GINHAWA ang mga unipormadong tauhan, tulad ng mga pulis at sundalo, at mga health worker na karaniwang tumatanggap ng hazard pay. Sakop din nito ang mga empleyado ng BPO at iba pang nagtatrabaho sa night shift. Sakop din ang mga kawani sa industriya ng serbisyo tulad halimbawa ng hairdresser, fitness trainer, at food server na karaniwang kumikita mula sa service charges.



