KAHIT malayo at hindi tatama ang isang bagyo sa Pilipinas, kaya pa rin nitong magdulot ng mas malakas na pag-ulan kaysa sa mga bagyong dumadaan o diretsong tumatama sa bansa sa panahon ng Habagat mula Hulyo hanggang Setyembre. Ito ay ayon sa isang bagong pag-aaral mula sa Ateneo de Manila University, Manila Observatory, Pagasa, at mga katuwang na institusyon sa Japan.

Kapag nasa malayong silangan ang bagyo, kahit hindi ito tumama sa lupa, hinahatak pa rin nito ang maraming moisture na dala ng hanging Habagat, na siyang posibleng maging malakas at tuluy-tuloy na ulan.
Ayon sa datos mula 1961–2022, tuwing panahon ng Habagat, halos doble ang ulan na nanggagaling sa “indirect” na epekto ng malayong bagyo kaysa sa ulan na dulot ng “direct” na pagtama ng bagyo sa bansa. Ayon sa pananaliksik, 33.1% ng ulan sa panahon ng Habagat ay mula sa mga bagyong hindi tumatama sa Pilipinas pero nagpapalakas ng hanging Habagat. Sa kabuuan, 15.4% lamang ng ulang Habagat ay mula sa mga direktang epekto ng mga bagyong tumatawid sa bansa, habang ang natitirang 51.5% ay galing sa Habagat lamang.
Sa apat na pinakamaulang taon sa talaan —1962, 1972, 2012, at 2018 — umabot sa mahigit 2,000 millimeters ang kabuuang ulan. Sa mga panahong ito, halos 41.5% ng ulan ay mula sa indirect effects ng bagyo — mga bagyong hindi man lang dumaan sa lupa pero nagdulot ng malawakang pagbaha.
Ang lugar kung saan nabubuo ang bagyo — ang tinatawag na “genesis point” — ay may mayroon ding malaking epekto sa pag-ulan. Ang mga bagyong nabubuo sa malalayong bahagi ng karagatan ay mas malamang na gumalaw pa-hilagang silangan ng Luzon at magpalakas ng Habagat. Samantala, ang mga bagyong namuo nang mas malapit sa bansa ay kadalasang mabilis na tumatawid pa-kanluran, na may mas mahinang epekto sa Habagat.
Isang halimbawa nito ang bagyong Gaemi (Super Typhoon Carina) noong Hulyo 2024. Kahit hindi ito lumapit sa lupa ng Pilipinas, nagdulot pa rin to ng matinding pag-ulan sa Metro Manila. Sa Quezon City, ang katumbas ng halos isang buwan ng ulan ay bumuhos sa loob lamang ng 24 oras. Maraming bahagi ng Luzon ay binaha, at 48 katao ang nasawi at higit P8 bilyon ang halaga ng pinsala, kahit hindi tumama sa lupa ang bagyo.
Nanawagan ang mga siyentipiko para sa mas maayos na monitoring hindi lamang ng pagbuo at pagkilos ng mga bagyo, kundi pati rin ng interaksiyon ng mga ito sa Habagat. Mahalaga ito para sa mga disaster response agencies at lokal na pamahalaan — lalo na sa mga lugar na laging binabaha gaya ng Metro Manila, Zambales, Ilocos, at Palawan.
Kung may tanong, maaaring mag-email sa mga may akda ng pag-aaral na sina Alwin Bathan ([email protected]), Faye Abigail Cruz ([email protected]), at Lyndon Mark P. Olaguera ([email protected])
Halaw sa Bathan, A.A.L., et al. (2025). Influence of tropical cyclones, southwest monsoon, and tropical cyclone-enhanced southwest monsoon on rainfall variability over the western coast of the Philippines. Atmospheric Research, 326, 108273. https://doi.org/10.1016/j.atmosres.2025.108273
https://archium.ateneo.edu/manila-observatory/25/



