30.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Handa ka bang magkaroon ng rest house?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

UNCLE, ang ganda ng pinuntahan naming rest house ng kapatid ng kaopisina ko sa Tagaytay.

Talaga, Juan? Galing naman. Dream ko rin ang magkaroon ng vacation house dati.

Naku, Uncle, baka gusto mo. Binebenta nga nila ito ngayon.

Bakit daw?

Eh, kasi, hindi na daw nila kayang mag-maintain kasi matanda’t retired  na rin sila.


Naisip ko na rin yan na darating ang araw kung magpapatayo ako, baka mapabayaan ko lang pag wala na kong trabaho’t steady income.

Dapat nga bang mag-invest sa isang rest house o vacation home?

May mga kakilala ako na kapwa ko retired na dun na dinala ang kanilang retirement fund sa tinatawag nilang dream house. Masaya naman sila na naisakatuparan nila ang kanilang pangarap.

Malaking bahay. Maluwag na hardin. Siguro, kung susundan natin ang Maslow’s hierarchy of needs, ito ay pagpapatunay ng self-actualization o iyong pagkakaroon ng mas may kabuluhang buhay na napapadama ng pagpapatotoo ng matagal ng minimithi sa buhay tulad ng pagkakaroon ng rest house.

- Advertisement -

Maraming pros at cons ang pagkakaroon ng vacation home.

Unahin natin ang mga Pros:

Una, nagsisilbi ito na lugar para magrelax, bumuo ng memories at mag-enjoy sa paboritong bakasyunang lugar.

Pangalawa, maganda ito na espasyo para sa pagbubuklod ng pamilya at mga kaibigan.

Pangatlo, puwede rin itong magbigay ng rental income kung ito ay papaupahan.

Pang-apat, maganda rin itong  real estate investment na puwedeng tumaas ang value sa pagtagal ng panahon lalo na kung nabili mo ito sa mababang presyo.

- Advertisement -

At panglima, kung ito ay nakapangalan sa isang kumpanya, puwede rin itong mag-qualify bilang tax deduction para sa mga interest at property taxes.

Pero may mga Cons din, tulad ng:

Una, mataas ang costs ng mortgage payments, property taxes, insurance, maintenance at utilities.

Pangalawa, naluluma ang bahay at kailangan ng repairs at maintenance lalo na kung ito ay pinapaupahan.

Pangatlo, madalas na  kapag pinapaupahan, mas lugi ka pa sa babayarang repairs at maintenance kaysa sa inaasahang rental  income.

At pang-apat, minsan ay pinagmumulan pa ito ng away lalo na kung pinapagamit ang rest house sa kapamilya o kaibigan.

Ano ba ang mga factors na dapat nating bigyang halaga bago tayo pumasok sa malaking obligasyon ng pagkakaroon ng rest house?

Tanungin natin kung:

  1. Kaya mo ba ang lahat ng gastusin katulad ng mortgage, property taxes, maintenance, utilities, gasolina, toll fees, caretaker, gardener at iba pa na dadagdag pa sa iba mo pang gastusin sa iyong orihinal na tinitirhan?
  2. May regular ka bang pumapasok na income para bayaran lahat ito?
  3. Handa ka ba sa gastos ng pagpapagawa o downpayment sa isang gawa na? Sa ngayon, nasa low to mid-average na ang P5.0-10 milyon para saa bahay pa lang, pwera pa ang lupa.
  4. Madali bang paupahan at maganda ba ang rental income kung sakaling papaupahan mo ito?
  5. Mga ilang beses sa isang buwan mo ba titirhan ang rest house na ito?
  6. Ito ba talaga ang lifestyle na gusto mo?
  7. Mataas ba ang potensyal na mag-appreciate ang property na ito?
  8. Malayo ba ito sa iyong tinitirhan?
  9. Gaano ka-trapik ang pagpunta sa property? May iba’t iba bang options sa pagbiyahe?
  10. Handa ka ba sa repairs at maintenance costs at sa mga biglaang gastos kasi may nasirang ganito o ganoon?

Sa dulo, ang desisyong bumili o magpagawa ng vacation home ay isang personal na bagay. Kailangan lang talagang balansehin ang costs at benefits para walang pagsisihan.

Sa akin, lalo na kung ikaw ay retired na, umupa ka na lang kung saan mo gustong magbakasyon o magpahinga. Maramingmagagandang hotel, resorts, airbnb at iba pa. Hindi mo kailangang gumastos ng pagkalakilaki at pagkatapos ay magiging liability mo lang ito o isang obligasyon na maaring pagsawaan mo ding pasanin. Halimbawa, ang P10,000 ay mababa ng gastusin para lang sa caretaker at utilities kada buwan. Pati ang pagbiyahe sa ibang bansa ng matagal ay naapektuhan kasi hindi maiwanan ang rest house. Ang nakikinabang lang talaga, lalo na kung tinatamad ka nang magpunta ng madalas, ay ang caretaker na mistulang nag-eenjoy sa property na pinagkatiwala. Masarap isiping ang dream house ay naging posible pero ang responsibilidad at obligasyon na kakabit nito ay mabigat at hindi ganoon kasimple, lalo na kung ikaw ay tumatanda na at mas deserve mo na walang komplikasyon sa buhay.

O, Juan, handa ka ba magkaroon ng rest house?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -