NOONG Hunyo 2025 naglabas ng ulat ang Philippine Statistical Authority (PSA) tungkol sa antas ng desempleyo sa Pilipinas. Sa halos 50.67 milyong miyembro ng hukbong paggawa halos 2.06 milyon ang naitalang walang trabaho noong Abril 2025 kahit naghahanap sila ng trabaho. Kaya’t ang porsiyento ng desempleyo ay nasa 4.1% na mas mataas nang kaunti sa naitalang unemployment rate na 4% sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Ngunit ang malala ay ang porsiyento ng kulang sa empleyo o underemployment na tinatataya sa 14.6% ng mga manggagawang may trabaho. Samakatuwid, halos 7.07 milyong manggagawa sa 48.67 milyong naitalang may trabaho ay kulang sa empleyo o underemployed. Ito ang bilang ng bahagi ng mga may trabaho sa hukbong paggawa na nagnanais pa ng karagdagang oras sa pagtatrabaho sa kanilang kasalukuyang trabaho o karadagang trabaho o bagong trabaho na may mahabang oras ng trabaho.
Malalaman natin ang mga mukha at sanhi ng kakulangam sa empleyo sa pagtalakay sa implikasyon ng kanilang tugon sa tanong ng PSA. Anu-ano ba ang maaaring dahilan kung bakit nagnanais sila ng karagdagang oras sa pagtatrabaho? Ang kagustuhan ng karagdagang oras sa pagtatrabaho ay nagpapahiwatig na marami sa mga manggagawang kulang sa empleyo ay nasa mga pansamantalang trabaho. Pansamantala lamang ang mga gawaing ito bunga ng mga limitasyon ng pangangailangan ng trabaho. Halimbawa, ang isang maliit na kompanya ay nangangailangan lamang ng pansalamantalang accountant sa paghahanda ng kanilang financial statement at mga dokumento sa pagbabayad ng buwis. Dahil panapanahon lamang ang ginagawa ng accountant mas makabubuti sa kompanya na humanap lamang ng pansamantalang accountant dahil maliit lamang ang kanilang operasyon.
Kadalasan, ang pansamantalang trabaho ay kinatatampukan ng mga kabataan. Dahil sa hirap humanap ng permanenteng trabaho sa mga bagong graduate o may limitadong karanasan sa pagtatrabaho namamasukan muna sila bilang pansamantalang empleyado sa mga trabahong may limitado o kulang sa 40 oras na pagtatrabaho sa loob ng isang linggo upang makakuha ng karanasan sa pagtatrabaho.
Mayroon namang mga manggagawa na nangangailangan ng dagdag na oras sa pagtatrabaho kahit mahigit na sa 40 oras ang inilaaan nilang trabaho sa loob ng isang linggo dahil hindi sapat ang kinikita nila upang tustusan ang kanilang pangunahing pangangailangan. Makikita ito sa mga manggagawa na nasa sector informal. Kadalasan, nagtatrabaho sila nang mahigit sa 8 oras bawat araw upang maragdagan ang kanilang kinikita. Ang mga naglalako ng tinapay, puto, gulay at prutas ay nagnanais pang magtinda kahit gabi na.
Dahil sa liit ng kanilang kita sa pansamantalang trabaho, marami sa mga manggagawa ay namamasupan sa mahigit pa sa isang pansamantalang trabaho upang makalikom ng sapat na kita upang tustusan ang pangangailangan ng malaking pamilya.
Ang pahiwatig na dahilan kung bakit gusto ng mga manggagawang kulang ang empleyo ng ibang trabaho ay bunga ng di pagkakatugma ng kanilang kasanayan sa pangangailangan ng kanilang pinapasukang trabaho. Ito ay tinatawag na skills mismatch. Kadalasan ng mga kulang sa empleyo ay nasa trabahong hindi nila pinaghandaan sa kanilang edukasyon. Halimbawa, maraming nars sa ating bansa ang namamasukan bilang call center agent o saleslady sa mga malalaking shopping mall. May mga engineer na nagtatrabho bilang mga technician. Mayroon ding mga dentista nagsisilbing bilang dental assistant.
Ipinahihiwatig sa ating diskusyon na ang pagiging kulang ang empleyo ay maaaring kusang pinili o napilitan lamang. May mga manggagawang pinili ang pansamantalang pamamasukan dahil may ginagampanan silang ibang papel sa kanilang pamilya. Halimbawa, ang isang may bahay na tumatanggap ng pansamantalang trabaho ay dahil may oras pa siyang ilaan sa trabaho. Ang pagtanggap ng pansamanatalang trabaho ay upang lubusang magamit ang kanyang kasanayan at pangalawa lamang ang dagdag na kita. Mayroon ding piniling makisangkot sa gig economy dahil gusto nila ng fleksibidad sa trabaho sa halip na sumailalim sa mga mahihigpit na patakaran ng mga kompanya.
Ngunit, karamihan sa mga manggawang kulang sa trabaho ay napipilitn lamang dahil sa mga nabanggit na dahilan sa itaaas. Ang mga manggagawa na nasa sector informal ay napipilitan lamang dahil sa kakulangan ng kanilang kasanayan na nagiging hamon sa paghahanap ng trabaho sa formal na sector.
Karamihan sa mga nagtatrabaho sa sector informal ay walang seguridad sa trabaho tulad ng mga seguro ng SSS, Philhealth at Pag-ibig Fund at mga proteksiyon ng batas sa oras at kapaligiran ng trabaho. Ngunit sa mga nasa gig economy at pansamantalang pamamasukan, ang mga sakripisyong ito ay kanilang pinaghahandaan sa kanilang sariling pag-iimpok.
Samakatuwid, ang pagtatrabaho ay upang kumita na magagamit sa kasalukuyang pagkonsumo ay ang pangunahing layon ng mga manggawang nasa sector informal na karamihan ay kulang sa empleyo. Samanatala, ang pagkonsumo sa kasalukuyan at sa hinaharap ay natatamasa ng mga manggagawang may ganap na empleyo at nasa formal na sector dahil sa mga seguro, pensiyon, at proteksiyon sa trabaho sa naturang sektor.

