ANG pagbuo ng course syllabus ay mahalaga dahil nagsisilbi itong mapa para bigyang direksyon ang klase sa buong semestre. May malaking tulong ito sa (dalub)guro at kanyang mga mag-aaral para bagtasin ang landas tungong karunungan. Ang sumusunod ay ilang tala ng paalala at alituntunin sa pagbuo ng course syllabus para sa akademiko at panlipunang hangarin.
- Tandaan na isang pangunahing layunin ng course syllabus ay ipaliwanag ang kahalagahan ng asignatura sa kurso, larangan at lipunan. Sinasagot nito ang katanungang: bakit ito dapat kunin ng mga mag-aaral?
- Isaisip na ang pagbuo ng dokumentong ito ay isang mapagnilay na proseso (reflexive process) at kasama rito ang pagtukoy sa sariling posisyonalidad bilang (dalub)guro, katangian ng mga mag-aaral sa klase at ang lipunan kung saan sila pareho nakakonteksto. Nakaaapekto ito sa desisyon kung ano ang mga isasama (include) o hindi isasama (exclude) ng dalubguro o departamento sa saklaw ng kurso.
- Sumangguni sa course catalogue at course curriculum para mapagbatayan ng binubuong course syllabus. Mahalaga ang alignment sa pagbuo ng dokumentong ito.
- Ibatay rin sa course checklist at course map ang pagbuo ng course syllabus para maitampok ang unique value proposition ng asignatura at maiwasan din ang duplikasyon. Bukod dito, mahalagang nagpupulong ang mga (dalub)guro nang may bukas na pag-iisip at respeto sa isa’t isa.
- Ilagay ang mga kaukulang official logo ng pamantasan, kolehiyo, departamento at programa. Mahalaga ito sa pagpapatibay ng organizational identity at accountability.
- Isaad ang katumbas na units, kaukulang semestre, seksyon ng klase, iskedyul at silid.
- Tukuyin din ang magiging learning modality para sa klase. Depende sa umiiral na patakaran o kapasidad ng pamantasan, ito ay maaaring face-to-face, synchronous, asynchronous, hybrid o hyflex.
- Isaad ang pangalan ng (dalub)guro, email address, opisina at consultation hours sa course syllabus para maging bukas ang komunikasyon at ugnayan.
- Alamin ang misyon at bisyon ng pamantasan, kolehiyo at departamento. Tulad ng isinaad kanina, napakahalaga ng alignment lalo na sa konteksto ng quality assurance (QA).
- Tiyaking nagtatambal ang program learning objectives (PLO), course learning objectives (CLO) at lesson learning objectives (LLO). Dapat ay sumusuhay ang CLO at LLO sa pangkalahatang PLO.
- Isaad din ang philosophy at pedagogy ng (dalub)guro at/o institusyon bilang bahagi ng paglilinaw at pagiging bukas (halimbawa: critical interdisciplinarity, open distance e-learning o ODeL, critical place-based inquiry, multiple literacies at iba pa).
- Tiyaking tama at nagtatambal ang course title sa course code (halimbawa: DS 112 bilang Third World Development, PM 299 bilang Research Methods in Public Management, Comm 400 bilang Dissertation).
- Sikaping maging malinaw at pukaw-kamalayan ang course description upang maging kaiga-igaya ito sa mga mag-aaral na kunin at aralin. Sa mga kurso sa Humanidades (o Humanities), halimbawa, ang pagsasalarawan ng kurso ay maaaring maging malikhain at may malayang pormat.
- Linawin din kung may pre-requisite o co-requisite ang asignatura.
- Isaad ang course policies upang maging gabay ng mga mag-aaral sa buong larga ng asignatura. Nakatutulong ito sa pagtatakda ng ekspektasyon at upang maiwasan ang maling intindi na maaaring maging dahilan ng hindi pagkakaunawaan kinalaunan.
- Linawin ang patakaran sa pagdalo (attendance) at pagliban (absense) sa klase. Itakda ang mga hangganan at implikasyon.
- Isama sa course policies ang ukol sa patakaran o alituntunin sa paggamit ng artificial intelligence sa klase. Maaring gumamit ng declaration o attestation form para rito upang matiyak ang integridad sa akademya.
- Ilatag ang balangkas ng kurso sa porma ng multilevel word/phrase outline upang mas maging detalyado ang saklaw ng aralin. Nalilinaw sa pamamagitan nito ang pagkakasunod at dugtungan ng mga paksa.
- Alamin kung kakailanganin din ang horizontal syllabus. Kung magkagayon, partikular na tukuyin dito ang nakatakdang linggo o haba ng oras na nakalaan bawat modyul, alignment ng LLO sa CLO, estratehiya na gagamitin sa pagtuturo, takdang aralin, paraan ng pagtatasa (o assessment) at iba pa.
- Maglagay ng mga reading, listening at viewing task upang maging multimodal ang mga takdang aralin. Gawing kombinasyon ng mahahaba at maiikling teksto ang mga aralin.
- Ikonsidera ang mga mahahalagang tagpo, komemorasyon at program na maaaring pagtambalan ng mga gawain sa klase. Halimbawa, pagpapagawa ng infographics sa klase ukol sa fire safety sa buwan ng Marso na itinuturing na fire prevention month kasama ang mahalagang paalala na ang kaligtasan mula sa sunog ay buong taong pag-iingat. Isa pang halimbawa ay ang pagtalakay sa klase ukol sa food heritage, food diversity at ethnonutrition sa buwan ng nutrisyon tuwing Hulyo o peasant month tuwing Oktubre.
- Lagyan ng pangkomunidad na oryentasyon ang syllabus. Tinitiyak nito na magkakaroon ng kabuluhan ang kurso sa mamamayan at lipunan kung saan nakapaloob ang pamantasan. Maaaring sumangguni sa artikulong ito para sa nasabing layunin:
Mainstreaming Indigenous knowledge in/through media and information literacy: A basis for a decolonised task design | The Australian Journal of Indigenous Education - Ikonsidera sa pagbuo ng syllabus gamit ang socio-ecological model (SEM) upang masaklaw ang iba’t ibang levels of influence and engagement (halimbawa: sarili, pamilya, peer, komunidad at mas malawak na lipunan).
- Tiyaking gumagana ang link ng mga ibinigay na babasahin, panoorin at aralin.
- Linawin ang mga rekisito, batayan ng paggagrado at kaukulang porsyento ng bawat bahagi. Tiyaking ito ay tumutugon at tumatambal sa PLO, CLO at LLO.
- Isaad ang mga partikular na formative assessment (assessment for learning) at summative assessment (assessment of learning) na gagamitin sa klase.
- Maglaan ng pleksibilidad sa course syllabus dahil sa mga posibleng kanselasyon ng klase bunga ng bagyo, baha, (pagsabog) ng bulkan, bayrus, baga (mataas na heat index), bara sa daan (bunga ng mga rerouting at pagsasara ng kalsada) at iba pang balakid.
- Isaisip na kailangang mabalanse ng course syllabus ang minimum na dapat saklawin ng mga aralin sa isang banda at ang mga karagdagang kaalaman na uusbong sa pag-inog ng klase sa kabilang banda. Kapwa ito nagbibigay ng disiplina at kalayaan sa (dalub)guro.
- Maglaan ng oras na talakayin sa klase ang course syllabus at magtakda rin ng panahon sa oryentasyon para sa mga katanungan at paglilinaw.
- Maglaan ng puwang at pagkakataon sa mga mag-aaral na demokratikong makapagmungkahi sa binubuong syllabus. Mayroong tinatawag na fluid syllabus kung saan maaaring may mga nais idadag o baguhin ang mga mag-aaral sa usapin ng nilalaman, metodo at patakaran.
- Ipaloob ang paggamit ng teknolohiya nang may konsiderasyon kung may sapat na akses ba ang lahat dito (equity consideration).
- Alamin ang ekolohiya ng mga asignaturang kinukuha ng mga mag-aaral. Oportunidad din ito upang simulan at/o pagtibayin ng cross-disciplinary learning. Nangangahulugan din ito ng mahigpit na ugnayan sa mga kapwa guro ng ibang asignatura.
- Isaad din sa course syllabus ang mga rekurso at serbisyo na maaaring gamitin, ugnayan at pagsanggunian ng mga mag-aaral kagaya ng silid-aklatan, interactive learning center, peer tutorial, cybernook, psychological support at iba pa.
- Alamin kung kailangan tambalan ng course pack at course guide ang course syllabus. Kadalasang ginagamit ang course pack at course guide kung purely online o hybrid mode ang katangian ng course delivery.
- Tuwinang balik-balikan at repasuhin ang syllabus upang malaman ang maaari pang ikaunlad nito sa pamamagitan ng pagninilay at pagsangguni sa pana-panahong student at peer evaluation na isinasagawa ng institusyon.
Bilang pagbubuo(d), dapat unawain na ang course syllabus ay nagsisilbing isang kontrata at komunikatibong artipakto na nagsasaad ng ekspektasyon at pananagutan ng (dalub)guro at mag-aaral sa isa’t isa. Bukod dito, kailangang isaisip na ang course syllabus ay sumasalamin sa katangian ng (dalub)gurong bumuo nito at kalidad ng institusyon na kanyang kinakatawan. Huwag din kalimutan na hindi lamang nagsisimula at natatapos sa pagbuo ng course syllabus ang lahat. Sa katotohanan, kasing halagang usapin kung paano ipapatupad ang mismong course syllabus sa aktwal na konteksto at nagbabagong panahon.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected]

