ANO ba ang ibig sabihin ng “culture of greed” o “kultura ng pagiging buwaya”? Ito ang matapang na ipinaliwanag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong nitong Miyerkules nang sabihin niya na aabot sa P237 bilyon ang kickback na naipon sa loob ng tatlong taon ng mga organisadong pandarambong, detalyadong sandamakmak na overpricing sa public works.
Isiniwalat ito ni Magalong sa naganap na miting ng Management Association of the Philippines (MAP) at sinabing hindi ito kaiba dahil bahagi ito ng “culture of greed” na nakabaon na sa serbisyo publiko sa lahat ng antas nito.
“This is not just bad governance,” (“Hindi lamang ito isang maling pamumuno,”) aniya. “It is a gross violation of human rights. It robs millions of Filipinos of their daily life.” (“Isa itong pagyurak sa karapatang pantao. Pagnanakaw ito sa milyong Filipino ng kanilang pang-araw-araw na buhay.”)
Isang halimbawa, aniya ay ang pagbili ng “cat’s eye” road reflectors na may presyong P11,720 kada isa samantalang ang totoong presyo nito — kasama na ang pagkakabit at buwis — ay P1,800 lamang.
“That’s a kickback of almost P9,900 per piece” (“Kickback ito ng halos P9,900 kada isa”), sabi ni Magalong at idinagdad na kung 24 milyong units ang binili sa loob ng tatlong taon, “we lost P237 billion — money that could have built 4,740 public schools or 474 hospitals.” (“nawalan tayo ng P237 bilyon — perang maaaring ipinagpagawa ng 4,740 pampublikong mga paaralan o 474 mga ospital.”)
Tinalakay din niya ang mga flood control project kung saan ang sheet piles na dapat 9 hanggang 12 metro ang lalim ay ginagawa lamang ng isang metro para mapunuan ang mga kickback ng mga pulitiko at tinawag itong “engineering fraud disguised as public service.”( “pandaraya sa engineering na itinago bilang serbisyo publiko.”)
Alegasyon ni Magalong na sa ilang mga proyekto, ang mga mambabatas ay tumatanggap ng 25 porsiyento ng badyet kasama ang 5-porsiyento na “parking fee” mula sa mga kontratista, kung saan may piling mga supplier na nakakuha ng karamihan ng mga kontrata.
“Triple whammy — they take the cut, they take the pass-through, and they become the contractors themselves,” (“Tripleng pandaraya — kinukuha nila ang cut, kinukuha rin nila ang pass-through at sila pa rin ang nagiging contractors”) paliwanag niya. “They don’t just dip their fingers in the jar. They take the whole jar.” (Hindi lang nila isinasawsaw ang kanilang mga daliri sa banga. Kinukuha nila ang buong banga.”)
Babala ni Magalong
Nagbabala si Magalong na kung tinatanggap ng mga botante ang ganitong klase ng mga gawain, ang pampublikong budget na para sana sa edukasyon, kalusugan at imprastruktura ay patuloy na “magiging mga mansion sa Paris at bank accounts sa ibang bansa.”
Tinira at ipinaliwanag ni Magalong na ang katahimikan ng mga mamamayan sa mga nagaganap na korapsyon ay lalong nakakapagpalakas ng loob ng mga opisyal para lalong magnakaw mula sa kaban ng bayan. “Silence is not an option,” (“Ang katahimikan ay hindi opsyon,”) sabi niya. “It is complicity. It is tolerance.” (“Isa itong pakikipagsabwatan. Isa itong pangungunsinte.”)
May pag-asa ba?
Ayon kay Magalong iilang lider ang nag-commit para sa reporma, at sinabing sa 1,400 city at municipal mayors sa buong Pilipinas, 77 lamang ang nakapasa sa proseso ng kanyang Mayors for Good Governance coalition.
“Power is good, position is good, and above all, money is good — that is why so few join,” sabi ni Magalong.
Nagbabala siya na ang pagpili sa mga maling lider ang nagreresulta sa mahinang pagpaplano, maling pamamalakad ng kaban ng bayan at nakasanayang kawalan ng kakayahan, at paglobo ng pambansang utang mula P5.9 trilyon noong 2016 sa P17.3 trilyon noong 2025.
“This is not politics as usual,” sabi ni Magalong sa mga MAP audience. “This is an organized plunder. And it will not stop unless we, the people, decide it stops.” (“Ito ay isang organisadong pandarambong. At hindi ito titigil hangga’t tayo, ang mga tao, ay magpapasya na itigil ito.”)
Sino si Benjamin Magalong?
Si Magalong ay dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at director ng Philippine National Police (PNP). Ang kanyang kasanayan bilang Special Action Force (SAF) operator at pagiging Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief ang nagbigay sa kanya ng kaalaman sa pangangalap ng mga ebidensya kaya’t pinaniniwalaang ang kanyang mga isiniwalat ay hindi lamang puro salita kundi puno ng ebidensya. Halaw sa ulat ng The Manila Times



