29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Palitan ng salapi at katatagan ng ekonomiya

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG palitan ng salapi sa pagitan ng bansa ay ang presyo ng dayuhang salapi na nakasaad sa lokal na salapi. Halimbawa, ang palitan ng salapi sa pagitan ng PH piso at US dolyar ay P 57.72 ay nagpapahiwatig na ang presyo ng isang US dolyar ay P 57.72. Ang palitan ng salapi ay mahalaga dahil sa pagpapalitan ng mga produkto sa pagitan ng mga bansa dapat gumamit ng isang pamantayang salapi na tinatanggap ng mga manlalaro sa mga transaksyong global. Halimbawa, ang US dolyar ay ginagamit na pamantayang salapi sa mga palitan ng mga produkto.

Maraming dahilan kung bakit ginagamit ang US dolyar bilang pamantayang salapi. Una,  ang ekonomiya ng Estados Unidos ang pinakamalaking  ekonomiya sa mundo at ang mga produkto nito ay kumakatawan sa malaking bahagi ng kinakalakal na produkto at serbisyo. Kahit 9% lamang ng kalakalang global sa mga produkto ang galing sa Estados Unidos  ang bansa ay  humahawak sa 41% sa halaga ng mga stock sa bilihan ng equity sa buong mundo at 40% ng mga yamang pananalapi na may takdang kita sa bilihan ng fixed income sa buong mundo.

Ikalawang dahilan, ang mga ibang bansa ay gustong mabayaran sa US dolyar sa halip na sa kanilang  sariling salapi. Bakit gugustuhin ng mga Filipinong eksporter na bayaran sa US dolyar sa halip na PH piso na magagamit sa mga transaksyon sa Pilipinas? Magastos kasi ang transaksiyon sa pagbabayad ng PH piso sa mga Filipinong exporter dahil mahihirapan ang mga dayuhan ng maghanap ng PH piso sa kanilang bayan. Mas gugustuhin ng mga Filipinong exporter na tumanggap ng US dolyar dahil maraming mapaggagamitan ito. Magagamit nila ito sa kanilang sa transaksiyon sa ibang bansa at sa kanilang mga trasaksiyon sa loob ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalit ng US dolyar sa PH piso.

Ikatlong dahilan, may kakayahan ng Estados Unidos na magsuplay ng US dolyar sa mga bansang nangangailangan nito dahil sa laki ng kanilang ekonomiya na hindi magdudulot ng labis na inflation dahil hindi lahat ng US dolyar ay ginagamit sa mga produktong gawa sa Estados Unidos. Malaking bahagi nito ay ginagamit sa mga produkto ng iba’t ibang bansa na tumatangap ng US dolyar. Ginagamit din ito sa pagbili ng mga yamang pananalapi sa Estados Unidos na hindi naman nakapagpapataas ng pangkalahatang presyo.  Ang takot sa inflation ang dahilan kung bakit matabang ang Japan, China, at Gran Britanya na gamitin ang kanilang salapi bilang pamantayang salapi sa mga transaksiyong internasyonal.

Batay sa naunang diskusyon, ang palitan ng salapi ay maisasabuod sa pagtatakda ng presyo ng US dolyar. Samantala, ang presyo ng US dolyar o ang palitan ng salapi ay naitatakda ng suplay ng US dolyar at demand sa US dolyar. Ang demand sa US dolyar ay nagmumula sa demand sa mga produktong inaangkat at mga yamang pananalapi. Samantala, ang suplay ng US dolyar ay batay sa pumapasok na dolyar mula sa eksports, sa interes at balik sa mga yamang pananalapi tulad bonds at stocks, padalang salapi ng mg OFW, at pagpasok ng dayuhang kapital.


Ano naman ang kaugnayan ng palitan ng salapi sa katatagan ng ekonomiya? Ang madaling tugon dito ay ang epekto ng katatagan ng ekonomiya sa pagbabago ng palitan ng salapi. Kapag ang ekonomiya ay nakararanas ng mabilis na pagtaas ng pangkalahatang presyo o mataas na inflation rate, ang kalagayang ito  ay nagpapahiwatig na mas mataas ang  kabuoang demand kaysa sa kabuoang produksiyon ng isang bansa.

Dahil sa kundisyong ito, mabilis din ang pagtaas ng iba’t ibang bahagi ng kabuoang demand kasama ang pagkonsumo, pangangapital, guguling ng pamahalaan at netong eksport. Ipinahihiwatig din nito na  tumataas ang pag-aangkat dahil malaking bahagi ng iba’t ibang bahagi ng kabuoang demand ay inaangkat. Dahil dito ay tumataas ang demand ng bansa sa US dolyar na nauuwi sa deficit sa ating Balance of Payments (BOP).

Ang kalagayang ito ay maaaring tugunan sa ilang paraan. Isa rito ay ang pagbabawas ng iba’t ibang bahagi ng kabuoang demand. Ngunit ang alternatibong ito ay nagbabanta ng desempleyo dahil liliit ang benta ng nabuong produksiyon. May isa pang pamamaraan na hindi nagbabanta ng desempleyo at ito ang depresasyon ng PHP piso. Ang depresasyon ng PH piso ay nagpapababa sa ating imports bunga ng pagtaas ng presyo ng US dolyar. Sa kabilang dako,  ang depresasy ng PH piso ay magpapataas ng ating exports dahil nagiging mura ang ating inliluluwas sa ibang bansa.  Bababa rin ang iba’t ibang bahagi ng ating gugulin dahil sa bahagi nilang inaangkat ngunit hindi ito nauuwi sa desempleyo dahil ang nabawasang demand bunga ng mababang imports ay ibinabalik ng pagtaas ng demand sa eksport ng ibang bansa. Kahit hindi nauuwi ito sa mababang produksiyon, demand at desempleyo ang depresasyon ng PH piso ito ay may kaakbay na panganib kasama na ang pagtaas ng inflation dahil sa mga mahal na presyo ng mga inaangkat. Ngunit talagang ganyan ang buhay ekonomiko, lahat ay may kalakip na sakripisyo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -