NAPAPAG-USAPAN na rin lamang, makikihalo na ako sa usapan tungkol sa pagpapalit ng mga letrang R at D. Sasagutin din ang tanong kung dapat pa bang mahigpit na ipatupad ang tuntunin sa paggamit ng DAW/RAW at DIN/RIN na kapag napapagitnaan ng dalawang patinig, ang D ay nagiging R.
Mga 1995 siguro nang unang malathala ang sinulat kong maikling artikulo tungkol sa mga salita na hindi nagiging R ang D kahit nakapagitna sa dalawang patinig. Pinalawak ko pa ang saliksik at lumabas ang artikulong “Pagpapalit ng R at D” sa Kawing Journal 5.1 ng PSLLF.
Sa aklat na Declaracion de la Doctrina Christiana en Idioma Tagalog na sinulat ng prayleng Kastilang si Juan de Oliver, OFM (+1599) nang matalaga ito sa Batangas noong 1582-1591, may mga halimbawa ng mga salitang nagtatapos sa R (nakakulong sa parentesis ang baybay sa ngayon): pagpapatauar (pagpapatawad), bucor (bukod), matouir (matuwid), palar (palad), ynihatir (inihatid), capatir (kapatid), hinihimor (hinihimod), nacabilibir (nakabilibid), yginauar (iginawad), nasilir (nasilid).
Ang mga halimbawang ito ay nagbubukas ng mga tanong. Hindi kaya R at hindi D ang huling katinig sa mga salitang tulad ng palad, tuwid, bukid, tuhod, atbp.? Sa paglipas ng panahon, ang R ay naging D; pero nagbabalik sa dating anyo kapag may hulapi. Sa ating panahon, mas kilala na natin ang PATAWAD, MATUWID, BUKID, PALAD, IHATID, KAPATID, GAWAD, atbp. Kapag may hulapi, ang hulihang D ay nagiging R: patawarin, katwiran, kabukiran, kapalaran, kapatiran, hatiran, gawaran. Samakatwid, kaya pala nagiging R ang D sa mga salitang ito ay dahil ito naman talaga ang hulihang letra.
Noong 1939, inilatag ni Lope K. Santos (LKS), sa kanyang Balarila ng Wikang Pambansa, ang tuntunin sa pagpapalit ng R at D, gayon din ang sa wastong gamit ng DAW/RAW/ DIN/RIN, DITO/RITO, DOON/ROON, DIYAN/RIYAN.
Sa paglalapi, ang D ay nagiging R. Mga halimbawa: agaD, agaRin; bakoD, bakuRan; palaD, palaRin, kapalaRan; patiD, patiRin, kapatiRan.
Dagdag ni LKS, “Ang pagpapalit ng R sa D ay nangyayari rin naman sa unahan o sa loob ng salita, kapag sa paglalapi o sa pagsusunod ng mga pantig o ng mga salita, ang D ay napapagitan sa dalawang patinig. Halimbawa: dapat, marapat, karapatan; dami, marami, karamihan; dito, parito, naririto; daw, hindi raw; doon, wala roon; din, tayo rin.”
Tungkol sa W at Y: “Dahil sa ang mga katinig na w at y ay may pagka-patinig, kaya kung alinman sa dalawa’y nangunguna sa D, ito’y nagiging R rin: mayroon, dalayrayan, kayramot, baboy-ramo; bigay rito, bigay roon; ikaw rin, aliw rito, aliw riyan; bakaw-ragat, kalabaw-ramo.”
Ngunit inamin ni LKS na maraming eksepsyon sa tuntuning inilatag niya: “Sa tuntuning ito’y maraming napagkaugaliang pataliwas , alalaong baga’y nananatiling gamit ang D sa gitna man ng dalawang patinig; kagaya ng madalas, madilim, kadahilanan, kadamdamin, kadunguan, kadakilaan, kadalamhatian, padabug-dabog, nakadadala, atb.”
Nagtala ako ng maraming salita para maging mas malinaw:
1. May mga salitang kapag nilapian ay laging napapalitan ng R ang D. Mga halimbawa: dumi – marumi, karumihan, parumihin; dami – marami, paramihin, karamihan; dangal – marangal, karangalan (bagama’t mas gamitin ang may dangal, hindi may rangal).
2. May mga salitang kapag nilapian o nagkaroon ng reduplikasyon ay hindi kailanman napapalitan ng R ang D. Mga halimbawa: dahon – madahon (hindi marahon), nagdadahon (hindi nagdarahon); dalaga – nagdadalaga (hindi nagdaralaga); dalaw – madalaw, dinadalaw, dumadalaw (hindi maralaw, dinaralaw, dumaralaw); dabog – dumadabog, nagdadabog, padabog-dabog (hindi dumarabog, nagdarabog, parabog-dabog; darag; diyos – dinidiyos (hindi diniriyos), dalang – dumadalang, dadalang.
(Ang reduplikasyon ay pag-uulit ng isang bahagi ng salita.)
Iba pang mga halimbawa: dagison, dait, dakdak, daklot, dakot, dalahit, dalas, dalawa, daldal, dale, dali, dalirot, dalisay,daliri, dalit, dalo, dalos, daluyong, dambana, dampi, dampot, danak, dangkal, dantay, daong, daop, dapa, daplis, daskol, durog, dausdos, dawit, dibdib, dikdik, dighay, dila, dili, dilig, dutdot, dulog, dutdot, atbp.
3. May mga salitang hindi laging napapalitan ng R ang D (walang pagpapalit sa anyong pawatas o infinitive) ngunit maaaring may pagpapalit sa reduplikasyon)
Mga halimbawa: dagdag – idagdag (hindi iragdag) ngunit pagdaragdag, karagdagan; dating – idating (hindi irating) ngunit iparating, (hindi ipadating); darating (hindi dadating); daing – idaing ngunit karaingan (hindi kadaingan), dilim – madilim (hindi marilim), karimlan (mula sa kadiliman), dikit – nakadikit ngunit marikit (hindi madikit, bagama’t maaaring magkaroon ng dalawang kahulugan ito batay sa pagpapalit sa r o hindi pagpapalit: marikit, na ngangahulugang maganda; o madikit, na nangangahulugang matindi ang pagdikit), dukot – madukot (hindi marukot) ngunit mandurukot (hindi mandudukot), datal – makadatal (hindi makaratal) ngunit dumaratal (hindi dumadatal), digma – pakikidigma (hindi pakikirigma) ngunit mandirigma (hindi mandidigma).
Iba pang mga halimbawa: danas, daya, dayo, dambong, damay, dampi, dungis, dungaw, atbp.
Pansinin na sa mga halimbawang ibinigay, ang D na napapalitan ng R ay nasa unahan ng salita, o sa gitna ng salita, kapag may reduplikasyon o kaya naman ay paglalapi.
Samantala, nasa hulihan ng salita ang D na laging napapalitan ng R kapag nilagyan ng panlapi: bukid – bukirin, kabukiran; palad – palarin, kapalaran; lunsad – lunsaran; unlad – kaunlaran, paunlarin; tuhod – tuhurin.
Walang salitang nagsisimula sa R ngunit may mga salitang tulad ng rangya, rool at riwara.
Mababanggit din ang tulang Tagalog na “May Bagyo ma’t may Rilim (Dilim),” na sinulat ng makatang di kilala noong bago pa lamang ang pananakop ng mga Kastila.
Tila lumilitaw na mas marami pa ang eksepsyon kaysa sa mga halimbawang saklaw ng tuntunin. Samakatwid, dapat suriing muli ang tuntunin upang matiyak kung balido ito at dapat pa ring patuloy na ipatupad.
Tuntunin sa gamit ng DAW/RAW, DIN/RIN
Batay sa tuntunin na kapag nakagitna sa dalawang patinig, ang D ay nagiging R, ang gamit ng DAW/RAW, DIN/RIN, DITO/RITO, DOON/ROON, DIYAN/RIYAN.
Kapag ang sinusundang salita ng mga nabanggit sa itaas ay nagtatapos sa katinig, ang dapat gamitin ay DAW, DIN, DITO, DOON, DIYAN. Kapag naman patinig ang huling letra, ang dapat gamitin ay RIN, RITO, ROON, RIYAN.
Mga halimbawa:
Patawarin na raw ang umaming nagkasala (hindi daw).
Patawirin daw ang maysakit (hindi raw).
Dalhin mo rito ang salapi (hindi dito).
Hahakutin dito ang mga kargamento (hindi rito).
Nagkasala rin siya kaya dapat parusahan (hindi din).
Bibigyan din ng pera ang mga taong magpapabakuna (hindi rin).
Dalhin doon ang mga librong mabibigat (hindi roon).
Natatanaw na ang bus mula pa roon sa malayo (hindi doon).
Doon tayo pupunta (hindi roon).
Dito nagsimula ang unang hakbang (hindi rito).
Bigay raw ng politiko ang gantimpalang salapi na tinanggap ng atleta (hindi daw).
Alingawngaw raw ang narinig natin (hindi daw).
Sa ngayon, ganito naman ang naoobserbahan kong gamit ng mga nagpi-Filipino:
Patawirin RAW ang maysakit kaya nagpatawag na ng pari ang mga kaanak. (DAW dapat)
Dalhin ROON ang mga maleta. (DOON dapat)
Sa dako pa DOON matatanaw ang bundok. (ROON dapat)
Magkikitakits tayong magkakaklase DIYAN. (RIYAN dapat)
Baligtad?
May eksepsyon na inilatag ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF): kapag ang sinusundang salita ay MAAARI, ang dapat gamitin ay DIN, DAW, DOON, DIYAN, kahit sa patinig na I nagtatapos ang salitang maaari. Walang paliwanag kung bakit. Siguro, dahil parang nagmamartsa ang magkasunod na RI (sa maaari) at RIN. Masakit sa tainga, kung baga. Tunog ang batayan, kung gayon.
Ang totoo, tunog din siguro ang batayan kung bakit “Bawal umihi DITO” (hindi RITO) ang nakikita nating mga paskil.
Tatalakayin natin ito sa mga susunod na isyu. Samantala, kung interesado kayong mabasa ang mas mahabang talakay tungkol sa pagpapalit ng R at D, basahin ang aking artikulo sa online KAWING Journal 5.1 Hulyo 2021. Libre itong maa-access sa PSLLF Page.

