DISTINCT. Reseta. Passing Through/Parking Fee. Funders. Ang mga ito ay kabilang sa mga unang batch ng mga termino sa isang “corruptionary” o diksyunaryo ng mga katiwalian na pinagsama-sama ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang pagsisiyasat sa mga iregularidad sa mga flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa.

Binanggit ang mga terminolohiyang ito sa kanyang privilege speech noong Miyerkule ng hapon noong idinitalye niya ang mga pamamaraan na bumuo sa halos kalahati ng P1.9 trilyon na buwis ng mga Filipino sa loob ng 15 taon.
“In the course of our research and investigation, we encountered several words – their meanings, we could not find in the dictionary. So we looked somewhere else. Alas! We found them – in the ‘corruptionary,'” sabi ni Lacson.
Ayon sa “corruptionary,” ang DISTINCT ay tumutukoy sa maraming item sa badyet na makikita sa General Appropriations Act na may parehong halaga sa kontrata.
Sinabi ni Lacson na ang kanyang mga impormante sa Department of Public Works and Highways (DPWH) gayundin ang ilang contractor ay nagsabi na ito ay “coded budget” na nagsasaad kung sino ang “may-ari” ng proyekto.
“Para sa nakakaunawa, ang ibig sabihin po ay, – ‘akin yan.’,” sabi niya.
Binanggit niya ang mga pagkakataon ng naturang “distinct” na mga proyekto sa Bulacan first engineering district na dating pinamumunuan nina Henry Alcantara at Brice Hernandez, kung saan ilang mga riverbank protection structure projects na may parehong presyo ng kontrata na P77.199 milyon — na naging ghost projects.
“This is well-orchestrated by an organized network of people who abuse their power. May isang grupo sa loob ng 1st District Engineering Office ng Bulacan na kilalang ‘sindikato’ ng mga substandard at ‘ghost’ projects. Ang kanilang modus, manghihiram ng lisensya sa mga suki nilang contractors. Gamit ang lisensya ng contractors, sila na ang mag-i-implement ng projects o kung hindi man, magpoproseso ng mga dokumento para lumabas na ‘completed’ na ang ghost projects,” paliwanag ni Lacson.
Ang ikalawang termino, RESETA, ay tumutukoy sa 2-3% kickback ng District Engineering Office. Ito ay ang “excess” o “labis” na halaga mula sa kita ng kontratista.
Sinabi ni Lacson na ito ay tinatawag na “Reseta” dahil ang halagang idinidikta ng district engineering office ay parang gamot na nireseta ng doctor — na isusubo na lang ng contractor.
“Parang gamot – lulunukin na lang ng contractor,” sabi niya
Ang ikatlong termino, PASSING THROUGH/PARKING FEE, ay tumutukoy sa “royalty” sa mga politiko na kumokontrol sa isang distrito kung saan ipapatupad ang proyekto. Maaaring umabot ng 5 hanggang 6% ng halaga ng proyekto.
Samantala, ang pang-apat na termino, FUNDERS, ay tumutukoy sa mga pulitiko na nagsusulong ng proyekto, na nakakakuha ng 20 hanggang 25 porsiyento ng halaga ng proyekto.
Naging halimbawa ni Lacson ang kaso ng isang “funder” na nakapagpasok ng P1.1 bilyon para sa mga flood control projects sa Barangay Mulawin sa Naujan, Oriental Mindoro. Habang ang barangay ay kukuha lamang ng tatlong proyekto na nagkakahalaga ng P810 milyon sa National Expenditure Program (NEP), ito ay lumobo sa walong proyekto na nagkakahalaga ng P1.9 bilyon sa bersyon ng Kamara ng budget bill. “Ang natitirang P1.1 bilyon ay inilagay—inuulit ko — inilagay sa bersyon ng Kamara, Mr. President,” paliwanag ni Lacson.
Sinabi ni Lacson na ang mga gastos sa flood control project ay kinabibilangan ng 5% para sa Value-Added Tax, 2% para sa withholding tax, 1% para sa mga bono at insurance, at 1% para sa testing ng mga materyales; na may pinahihintulutang tubo ng kontratista sa 8-10%. Kaya, 82% ang maiiwan para sa mismong proyekto. Ngunit ikinalungkot niya na ang gastos para sa proyekto ay hinihiwa pa sa mga sumusunod na gastos:
* 8-10% para sa mga opisyal ng DPWH, na may hindi bababa sa 6% para sa mga inhinyero ng distrito
* 2-3% para sa District Engineering Office
* 5-6% para sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC)
* 0.5 to 1% para sa Commission on Audit (COA)
* 5-6% para sa ‘passing through’ o ‘parking fee’ para sa mga politiko na nagko-control ng mga distrito kung saan ang mga proyekto ay ipinatutupad
* 20-25% para sa funder o mga pulitikong nagsusulong ng proyekto
Kasunod ng mga ibinunyag na anomalya, muling nanawagan si Lacson ng “greed control.” Giit niya, dapat nang tukuyin at itala ang mga mambabatas na nagsusulong ng insertions sa budget, “so they can also be made answerable for substandard and ghost projects that they had proposed or sponsored.”
“The depth of corruption has become so overwhelming that it drowns us in our sad state: More than flood control, what the Filipino people badly need to see is greed control,” aniya.



