29.5 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Nakakabaliw ba ang problema sa pera?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

JUAN, ang dami kong naririnig na kuwento ng mga taong nagkakasakit dahil sa problema sa pera. Mayroong hindi makatulog, mayroong laging balisa, mayroong nawawalan ng gana sa buhay.

Pero, Uncle, totoo ba na ang pera ay puwedeng magdulot ng sakit sa pag-iisip? At paano ba ito maaayos, lalo na kung ang hirap pag-usapan ng mental health sa atin?

Oo, Juan, totoo ‘yan. Ang pera ay isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng stress sa buhay ng tao. At kapag ang stress na ito ay matagal at matindi, maaari itong magdulot ng iba’t ibang mental health disorders.

Sa ating kulturang Pilipino, kung saan ang usaping mental health ay madalas na tinatago o kinahihiya, mas nagiging kumplikado ang sitwasyon.

Ang financial stress ay hindi lang simpleng pag-aalala sa pera. Ito ay isang matinding pressure na nararamdaman ng isang tao kapag nahihirapan siyang matugunan ang kanyang financial obligations, o kapag may matinding pangamba siya sa kanyang financial future. Ito ay maaaring magmula sa kawalan ng trabaho, malaking utang, mababang kita, o biglaang gastos tulad ng sakit.


Ayon sa mga pag-aaral, may direktang koneksyon ang financial stress sa iba’t ibang mental health conditions. Ang patuloy na pag-aalala sa pera ay nagpapataas ng stress hormones sa katawan, na sa katagalan ay nakakaapekto sa ating utak at emosyon.

Ayon sa aking mga kinonsultang mga eksperto,  ang mga mental health disorders na may kaugnayan sa pera ay ang mga sumusunod:

1.Anxiety disorders o pagkabalisa

Ang patuloy na pag-iisip kung paano babayaran ang bills, kung saan kukunin ang panggastos, o ang pangamba sa pagkawala ng trabaho ay nagdudulot ng matinding pagkabalisa. Maaaring makaranas ng palpitations, hirap sa paghinga, pagpapawis, at hirap sa pagtulog. Ito rin yung kadalasang naririnig natin na panic attacks o nerbiyos dahil sa pag-iisip nang malalim.

- Advertisement -
  1. Depression at mood disorders o pagkalungkot

Ang pakiramdam ng kawalan ng pag-asa, pagkabigo, at pagiging walang silbi dahil sa problema sa pera ay maaaring magdulot ng depression. Maaaring mawalan ng gana sa mga dating kinagigiliwan, hirap sa pagtulog o sobrang pagtulog, pagbabago sa gana sa pagkain, at minsan, pag-iisip ng pagpapakamatay. Ang depression ay madalas na binabalewala at sinasabing “drama lang” o “kulang lang sa dasal.” Ang mga taong depressed ay madalas na tinatago ang kanilang nararamdaman dahil sa takot na husgahan.

  1. Insomnia o hirap sa pagtulog

Ang pag-aalala sa pera ay madalas na nagiging dahilan ng hirap sa pagtulog. Ang utak ay patuloy na nag-iisip at nagpaplano, na nagpapahirap sa pagpapahinga. Ang kakulangan sa tulog ay lalo pang nagpapalala sa stress at iba pang mental health issues.

  1. Eating disorders o problema sa pagkain

Ang stress ay maaaring magdulot ng pagbabago sa eating habits – sobrang pagkain (emotional eating) o kawalan ng gana sa pagkain. Madalas na iniuugnay Ito sa “stress eating” o “diet”.

  1. Substance abuse o paggamit ng droga o paglalasing

Ang ilan ay gumagamit ng alak o droga bilang coping mechanism para makalimot sa problema sa pera. Ito ay nagdudulot ng mas malalim na problema sa kalusugan at pananalapi.

Kaya ba itong labanan?

Isa sa pinakamalaking hamon sa pagharap sa mental health disorders na may kaugnayan sa pera ay ang stigma sa ating kultura. “Kahiya-hiya” daw ang  pagkakaroon ng mental health issue at madalas na itinuturing na kahinaan o “kabaliwan.” Kaya, karaniwang itinatago ito.

- Advertisement -

Kaya para malabanan ang ganitong klaseng situwasyon, LABAN lang:

L- et’s talk about it. Humanap ng mapagkakatiwalaang kaibigan, kapamilya, o spiritual adviser na puwede mong kausapin. Ang pagbabahagi ng nararamdaman ay malaking tulong. Unti-unting sirain ang stigma sa pamamagitan ng pagiging bukas.

A- knowledge the problem. Ang unang hakbang ay ang pagtanggap na may problema. Hindi ito kahinaan. Normal lang na maapektuhan ang ating pag-iisip ng matinding financial stress.

B- e prepared. Ang lahat ng situwasyon, lalo na yung mga sanhi ng mga maling financial decision, ay may katapat na consequence. Dapat alam natin ang mga peligro o risks ng ating mga ginagawa at ang mga pwedeng madulot nitong panaganib sa ating physical at mental health. Halimbawa, kung alam natin na walang magandang kahihinatnan ang pagsusugal at ginawa pa rin natin, dapat handa tayo sa mga puedeng mangyari na wala tayong dapat sisihin kung hindi mga sarili natin.

A- yusin ang ating financial literacy. Kung wala tayong kaalaman at kapasidad tungkol sa mga pinansyal na aspeto ng ating buhay, mahihirapan tayong makaiwas sa mga financial issues at challenges. Kaya bata pa lang dapat pinagaaralan na ang pagkakaroon ng disiplina sa pagbubudget, pagiipon, pagbabayad ng utang,  pag-iinvest, pati na ang pagbuo ng  retirement at emergency funds.

N- eed therapy. Kung ang stress at mga sintomas ay matindi at nakakaapekto na sa pang-araw-araw na buhay, huwag mag-atubiling kumonsulta sa psychiatrist o psychologist. May mga affordable options na ngayon, at ang PhilHealth ay may sakop din sa mental health services. Hindi ito “kabaliwan,” ito ay sakit na kailangan ng gamot at therapy.

Sa huli, Juan, ang pera ay isang tool o paraan lang para makamit ang mga gusto o mithiiin sa buhay.  Kung hindi ito maayos na pamamahalaan, maaari itong magdulot ng matinding stress na umaabot sa ating pag-iisip. Ang pag-unawa sa koneksyon ng pera at mental health, at ang paglaban sa stigma sa ating kultura, ay mahalaga para sa isang mas malusog at masayang lipunan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -