PAGKATAPOS niyang magbigay ng privilege speech nitong Miyerkules, sunud-sunod din ang pag-iwas ng mga kinauukulan sa mga paratang ni Sen. Panfilo Lacson kaya tinugon at ipinaliwanag niya na tamang panahon na ito para harapin ang mga problema tungkol sa mga maanomalyang flood control project sa bansa.
‘Isolated case’ ang ghost projects sa Bulacan
Dinurog ni Sen. Lacson nitong Biyernes ang pahayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na ang ghost flood control projects sa unang engineering district ng Bulacan ay isolated case lamang.

Sinabi ni Lacson na sa pagsisiyasat sa kasakiman at korapsyon sa likod ng ilang palpak at ghost flood control projects, ipinag-utos niya sa kanyang staff na magsagawa ng case studies hindi lamang sa Bulacan kundi pati na rin sa Mindoro at iba pang lugar.
Binigyang-diin din niya na ngayon na ang tamang panahon para magsagawa ang DPWH ng masusing internal audit ng lahat ng kanilang proyekto, simula sa mga flood control projects.
“Pag sinabi mong isolated case, defense mechanism yan. Ibig sabihin walang planong magsagawa ng malawakang imbestigasyon. Yan ang ine-expect ko kaya marami kaming tiningnan,” aniya sa isang panayam sa True FM, nang tanungin tungkol sa usapin.
“Yan na ang ine-expect ko, ‘ah isolated case yan.’ Pero hindi ito isolated case. Kaya nag-random kami para di sabihin. Kaya several case studies, meron sa Pampanga, North Luzon, para hindi sabihing isolated case,” dagdag niya.
Tinutukoy ni Lacson ang napaulat na sinabi ni Bonoan na batay sa mga ulat mula sa mga nag-validate ng mga proyekto, sa unang engineering district ng Bulacan lang sila nakakuha ng impormasyon ukol sa ilan sa mga ghost projects na ito.
Sa kanyang privilege speech noong Agosto 20, inilatag ni Lacson ang mga detalye ng mga palpak at ghost flood control projects hindi lang sa Bulacan kundi pati sa Pampanga, La Union, Oriental Mindoro, at iba pa.
Nang tanungin kung posible bang hindi alam ng DPWH head office ang lahat ng impormasyon dahil sa presensya ng mga “sindikato” doon, sinabi ni Lacson na responsibilidad pa rin ni Bonoan na kumilos.
“Pwedeng hindi alam pero responsibility nila yan. Ito ang time na dapat i-audit nila lahat. Internal audit nila lahat, at least sa flood control projects kasi makikita nila yan,” aniya.
Dagdag pa ni Lacson, umaasa siyang ang fraud audit na isinasagawa ng Commission on Audit (COA) ay magiging “comprehensive and extensive enough” upang makita ng publiko kung paano ginastos ang kanilang buwis.
“Kasi dapat need-based at priority-based ang pagbuhos ng pondo sa isang lugar. So I hope makita lahat yan,” aniya.
Samantala, sinabi rin ni Lacson na hindi niya isinasantabi ang posibilidad na magkaroon ng “Part 2” ang kanyang privilege speech, kung makakatuklas ang kanyang mga staff ng mga bagong modus operandi na hindi naisama sa kanyang unang talumpati noong Miyerkules.
Sa ngayon, hinikayat niya muli ang publiko at media na gamitin ang SumbongsaPangulo website sa pag-uulat ng mga palpak at ghost projects.
Muling iginiit ni Lacson na dapat magkaroon ng katiyakan ang pagpaparusa sa mga mapapatunayang may sala. “I hope may mangyari at may maparusahan, may makasuhan at may makulong,” aniya sa isang hiwalay na panayam sa NET 25.
Rep. Panaligan kinwestyon ni Lacson
Samantala, kinwestyon ni Lacson si Oriental Mindoro 1st District Rep. Arnan Panaligan sa pag-showcase ng flood control projects.
Bakit ipinapakita ang mga flood control projects bilang bahagi ng accomplishment report, pero itinatanggi kapag naging kontrobersyal na?
Ito ang tugon ni Sen. Lacson kay Rep. Panaligan, na tumangging may kinalaman siya sa isang maanomalyang flood control project na binanggit ni Lacson sa kanyang privilege speech noong Agosto 20.
“Nakaako lahat, pero pinagtatanggi niya na di kanya. Hindi ko ma-reconcile bakit noon, parang buong-buo ang loob ko, funded by my office, o sa akin yan. Effort ko yan, initiative ko yan. Pero ngayon may problema, wala akong kinalaman diyan,” ani Lacson sa panayam sa DZRH radio Huwebes ng gabi.
Sa kanyang privilege speech, binanggit ni Lacson ang isang “congressional representative” na ipinagmamalaki ang kanyang midterm accomplishment report, kung saan nakalista ang mga flood control at river protection initiatives na aniya ay pinondohan ng kanyang opisina.
Iginiit naman ni Panaligan na ang mga proyekto ay nasa National Expenditure Program na, at hindi siya ang nagpanukala ng mga iyon.
Ayon kay Lacson, maaaring may iba pang tulad ni Panaligan na nagpakita rin ng ganitong mga proyekto, pero hindi naipost sa social media o maaaring tinanggal na ang kanilang mga post o billboards.
Pinayuhan din ni Lacson si Panaligan at iba pang district representatives na bantayan ang implementasyon ng mga proyekto sa kanilang distrito kahit hindi sila ang proponent, upang hindi mauwi sa kontrobersiya kung substandard o ghost projects ang mga ito.
“Kung may project sa distrito nila maski di sa kanya nanggaling, bantayan nila. Wala namang problema kung nabuhusan ng proyekto ang isang distrito, huwag lang substandard, huwag lang defective at huwag ghost,” aniya.
Samantala, pinayuhan din ni Lacson ang DPWH na maging “equitable” sa halip na mamigay ng pabor sa piling distrito — at kontrolin ang mga tiwaling district engineers nito.
Nanawagan din si Lacson sa Malacañang na palawakin ang “Sumbong sa Pangulo” website upang masaklaw din ang iba pang infrastructure projects at hindi lamang flood control projects, dahil sa malaking naitulong nito sa pagtukoy ng maanomalyang flood control projects.
Aniya, ito ay lalong mahalaga dahil nagiging inaccessible ang website ng DPWH tuwing papalapit ang deliberasyon sa budget bill, o tuwing may mga kontrobersiya tulad ng sa flood control project.
“Suspetsa ko, sinasadya,” aniya hinggil sa pagiging inaccessible ng DPWH website.
Muli ring iginiit ni Lacson ang kanyang panawagan para sa transparency sa dalawang kapulungan ng Kongreso, lalo na sa pagbabanggit sa plenaryo ng mga proponents ng insertions, realignments at iba pang amendments sa budget bill, upang maitala ito.
“Napakahirap magpangalan kung sino ang responsable sa pag-insert kasi di mo ma-trace pero may record na at may deterrent na rin yan kung maturo pabalik sa kanila mag-iingat sila sa kanilang in-insert,” aniya.
Basahin ang iba pang detalye sa: https://pinglacson.net/2025/08/22/lacson-demolishes-dpwh-secretarys-claim-that-ghost-projects-in-bulacan-an-isolated-case/ at https://pinglacson.net/2025/08/22/lacson-calls-out-rep-panaligan-for-showcasing-flood-control-projects/#more-40045



