(Una sa 2-serye)
LUMAKI tayong binabasa ang ilang kuwentong bayan (folktales) tungkol kay Juan Tamad. Tungkol ito sa isang batang Pinoy na sa sobrang katamaran ay gumagawa ng kung ano-anong dahilan matakasan lamang ang pagtatrabaho. Ang pinakasikat na kuwento niya ay ang tungkol sa bunga ng bayabas: mas pinili niyang hintaying malaglag na lamang ang bungang hinog kaysa pitasin ito sa puno.
Pamilyar na sa atin ang larawan ni Juan Tamad na nakanganga sa tapat ng hinog na bayabas. Pero bago pa ito nalaglag sa kanyang bibig, naunahan na siya ng mga paniki, langgam, at iba pang kulisap. Ano ang iniiwan nitong aral? Matutong gumawa at huwag basta hayaang mangyari ang mga bagay-bagay. Pero makatwiran bang iugnay kay Juan Tamad ang imahe natin bilang Pilipino?

Isang kampanya sa telebisyon ang inilunsad kamakailan na naglalayong payabungin at patatagin ang mga programang maituturing na child-friendly. Tinawag itong Be Juan Tama. Patama ito sa imaheng iniwan ni Juan Tamad sa ating gunita. Be Juan Tama. Maging ‘Juan Tama’ at hindi dapat maging ‘Juan Tamad.’ Kahit sa mga palabas sa telebisyon, may magagawa tayo upang mapaghusay ang mga pinanonood natin. Tayo yata ang may hawak ng remote control ng TV kung kaya’t may control tayo sa gusto nating panoorin.
Nakatutuwang ibinahagi sa akin ni Michelle ‘Mike’ Rivera, creative consultant ng GMA, ang proyekto ng kanilang departamento: “Matuto, Matuwa. Be Juan Tama.” Ito ay isang advocacy campaign na pinangungunahan ng mga piling GMA infotainment shows na Amazing Earth (hosted by Dingdong Dantes) and I-Bilib (hosted by Chris Tiu), at GMA showbiz-talk show na Fast Talk with Boy Abunda.

Maganda ang ganitong mga hakbang. Nakatutuwa ring galing mismo sa network ang inisyatiba na magpasimula ng ganitong kampanya. Kami mismo sa National Council for Children’s Television (NCCT) ay nagagalak sa kampanyang ito kaya hindi kami nagdalawang-isip na suportahan agad ito. Kahit ang ‘Anak TV’, isang NGO na nagtatampok sa makabatang panoorin, ay nagbigay din ng suporta para rito.
Ano ba ang layon ng naturang kampanya? Ini-empower nito na laging “piliin ang tama” – tamang kaalaman, tamang impormasyon, at tamang asal. At gawin ito sa paraang masaya. Sakto na sa naturang kampanya, tatlong shows agad ng GMA ang nanguna upang bigyan ang mga manonood ng impormasyon, kaalaman, at mga mapag-uusapan na may saysay. “Hindi lang basta factual, masaya rin dapat ang karanasan sa panonood sa mga programang ito. Ang kaalaman at iba pang pagtuklas ay nangyayari kapag masaya ang presentasyon,” kuwento pa ni Michelle Rivera.
Hindi lingid sa ating lahat na ang misinformation at disinformation ay laganap sa daigdig. Kahit ang media at bagong media (social media) ay hindi puwera rito. Ang kampanyang ‘Matuto, Matuwa. Be Juan Tama’ ng GMA Entertainment Group ay nananawagan sa atin na magkaisa tayo sa pagpili ng tamang content na makatutulong sa pag-unlad ng ating buhay.
Pinalitan na ni Juan Tama ang nakalakhan nating tauhan sa folktales na si Juan Tamad. Out na si Juan Tamad! Tayo na ngayon si Juan Tama. Bawat isa sa atin ay si Juan Tama kung may pagnanais tayong mapabuti ang kalagayan ng media at mga pinanonood na content sa telebisyon. Hindi tayo nakanganga lang sa kung ano ang gustong ilaglag o isubo sa ating bibig. Tayo ay mga mamamayang proactive.

“Ang ganda ng campaign name na ‘Be Juan Tama’ – sina-subvert nito ang popular na karakter ni ‘Juan Tamad’ na sumasalamin sa makaluma at negatibong imahe ng Pinoy na ‘lazy’ at ‘passive,’ ayon sa kasamahan kong children’s book author na si Augie Rivera sa kanyang post sa Facebook. “Sa mundo ng broadcast at digital media, ang battlecry na ‘Be Juan Tama’ ay isang proactive na paanyaya lahat na matutong pumili ng tama, nakatutuwa, at makabuluhang impormasyon, programa, at online content,” dagdag pa niya.
Ang mga TV shows na ‘Amazing Earth’, ‘I-Bilib’, at ‘Fast Talk with Boy Abunda’ ay patuloy na nagbibigay sa mga mga manonood ng impormasyon (facts) sa paraang nakaaaliw kahit pa magkakaiba ang kinabibilangan nilang genre. Ang ‘Amazing Earth’ ay isang child-friendly nature-adventure show. Ang ‘I-Bilib’ ay isang educational program tungkol sa kaalamang pang-Science. Ang ‘Fast Talk with Boy Abunda’ ay tumatalakay sa buhay ng mga celebrities at sa mga life lessons na mahuhugot mula sa kani-kanilang karanasan.

Makatutulong ang tatlong TV shows na ito para malinang sa mga bata’t Kabataan ang critical thinking skills na lubhang kailangan nila sa buhay. Maski na ang mga hosts ng mga naturang palabas ay nagtataglay din ng magandang imahe sa mga manonood. Sina Dindong Dantes at Chris Tiu ay parehong kinilala ng ‘Anak TV Makabata Awards.’ Si Chris Tiu ay tumanggap din ng pagkilala bilang isa sa Ten Outstanding Young Men (TOYM) of the Philippines para sa larangan ng Sports. Si Boy Abunda ay isang household name pagdating sa responsableng showbiz talk shows.
Maaaring may iba pang mga TV shows na maisasali sa kampanyang BE JUAN TAMA sa hinaharap. At ito ang gusto nating mangyari.
(May karugtong)

