26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Mga sinimulang aksyon ni Sec Dizon para ‘malinis’ ang DPWH

- Advertisement -
- Advertisement -

MAGITING na hinarap ng bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Vivencio “Vince” Dizon ang hamon ng paglilinis at pag-aayos ng kagawaran simula Setyembre 1, 2025.

Bilang bagong hepe ng DPWH, pamumunuan niya ang kampanya laban sa korapsyon, sa pamamagitan ng “full organizational sweep of the department.”

Courtesy resignation

Nitong Lunes, unang araw ni Sec. Dizon sa DPWH, kagyat niyang iniutos ang courtesy resignation ng mga empleyado ng kagawaran “from top to bottom,” alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na linisin ang DPWH.

Internal investigation team binuwag


Kaagad ding binuwag ni Dizon ang DPWH internal investigation team sa maanomalyang flood control projects at sinabing “A department can’t investigate itself.”

Sinabi din niya na dapat independent party ang mag-imbestiga sa DPWH at idinagdag na lilikha si Pangulong Marcos ng komisyon na siyang mag-iimbestiga sa kagawaran. Idinagdag din niya na ang lahat ng mga impormasyon na makakalap ng internal probe committee ay ipapasa sa independent commission.

Nationwide suspension ng bidding para sa locally funded projects

Inanunsyo ni Sec Dizon nitong Miyerkules, Setyembre 3, 2025 ang pansamantalang pagpapatigil ng lahat ng bidding para sa mga locally funded infrastructure projects ng departmento. Ito ay habang isinasagawa ang masusing pagsusuri sa susunod na dalawang linggo bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa korapsyon sa ahensya.

- Advertisement -

Sa ginanap na turnover ceremony sa Department of Transportation, sinabi ni Secretary Dizon na ang nationwide na paghinto sa mga DPWH bidding activities ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na “linisin” ang DPWH.

“Malinaw ang sinabi ng Pangulo—ayaw na niyang may nasasayang na pondo ng gobyerno,” pahayag ni Dizon.

Nilinaw din ng kalihim na ang mga proyektong may tulong mula sa ibang bansa o Official Development Assistance at lending institutions ay magpapatuloy ayon sa plano.
Ipinaliwanag niya na ang mga proyektong may pondong mula sa Official Development Assistance ay dumaan na sa masusing pagsusuri at bahagi ng mga infrastructure flagship projects —mga proyektong may malaking epekto at mahalaga sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Ang proseso ng pag-apruba sa mga ganitong proyekto ay dumadaan sa ilang antas ng ebalwasyon at clearance, kabilang ang pagsusuri ng Regional Development Council (RDC); Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev); Investment Coordination Committee (ICC) Secretariat, Technical Board and Cabinet Committee; at ng Economy and Development Council (na dating NEDA Board), na pinamumunuan mismo ng Pangulo.

Tiniyak ni Secretary Dizon sa publiko na nakatuon ang DPWH sa transparency, accountability, at maayos na paggamit ng pondo ng bayan sa mga susunod na hakbang.

Full budget review ng DPWH iniutos ni PBBM kay DBM Sec Pangandaman at Sec Dizon

- Advertisement -

Samantala, agad na iniutos ni Pangulong Marcos na pamunuan ang mabilis na pagrepaso sa mungkahing budged ng DPWH sa 2026 National Expenditure Program (NEP) kina Budget Secretary Amenah Pangandaman and Public Works Secretary Vince Dizon .

Iniutos ito sa gitna ng kasalukuyang imbestigasyon sa korapsyon sa flood control projects at deliberasyon ng Congress sa mungkahing P6.793-trillion plano para sa 2026.

Nangako naman si Dizon na kukumpletuhin nila ang pagrepaso sa loob ng dalawang linggo.

Kapag may nadiskubre sina Pangandaman at Dizon na maanomalyang mga proyekto sa mungkahing budget, kaagad itong aalisin sa pamamagitang ng “errata” at ipapaalam ito sa Kongreso para hindi na isama sa budget ng DPWH.

Lookout bulletin laban sa mga opisyal, contractor ng mga ghost projects

Hiniling ni Dizon sa Department of Justice (DOJ) na mag-isyu ng immigration lookout bulletin order (ILBO) laban sa mga opisyal at mga contractor na may kinalaman sa ghost at maanomalyang flood control projects.

Ang request ay mula kay Sec. Dizon laban sa 26 DPWH officials at mga pribadong indibidwal kasama ang mag-asawang  Cezarah “Sarah” Discaya at Pacifico Discaya ng Alpha & Omega General Contractor and Development Corp. na sangkot sa isinasagawang imbestigasyon ng  Kongreso at ang binubuong  independent commission.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -