PAGKARAAN ng pag-angat sa pwesto sa napakabilis na pagkakasunod-sunod (mula sa pagiging regional director ng Davao region tungo sa pagiging chief ng Criminal and Investigstion and Detection Group-CIDG, at panghuli nga ang Chief PNP), tunay namang nakakagulat ang biglang-biglang lumitaw na pagkasibak kay General Nicolas Torre III bilang chief ng Philippine National Police (PNP).
Larawan mula sa The Manila Times
Di pa naglalaon, feel na feel mo ang mahigpit na ugnayan ng heneral kay Pangulong Bongbong Marcos nang pagpanumpain niya ito bilang Chief PNP sa Malakanyang. Tunay namang nagbadya iyun ng magtatagal na paninilbihan para sa heneral at tiwala ng pangulo sa kanyang katapatan.
Si General Torre ang bukod tanging police chief na hindi gradwado ng Philippine Military Academy (PMA). Ganun siya kaespesyal.
Agad na kasunod niyon ang pagtukoy sa heneral mula sa makapal na kalipunan ng mga dumalo sa SONA ng Pangulo at tinuringan niya itong champion. Masigabong palakpakan ng mga panauhin.
Saang anggulo mo man tingnan, ang ugnayan ng Pangulo kay Heneral Torre ay magtatagal sa landas ng matapang at malinis na pamamahala.
Kung bakit naririto si Executive Secretary Lucas Bersamin, walang kaabug-abog mag-aanunsyo na tinatanggal ng Pangulo si General Torre bilang PNP Chief.
Anyarre?
Makaraang mapasuko ang matagal na nagtatagong Annointed Son of God Apollo Quiboloy at matagumpay na maaresto si dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte at mai-turn over sa International Criminal Court (ICC), wari mo’y walang katapusan ang pagpalaot pa ng heneral sa larangan ng paglilingkod-bayan.
Bakit biglang-bigla siyang tatanggalin? Gawain lamang iyun sa mga nakagawa ng malaking kamalian. Anong malaking kasalanan ang ginawa ni General Torre?
Wala tayong alam. Walang dahilan na ibinigay ang Malakanyang.
Kung may nagawang kasalanan si General Torre, tiyak iyun ay agad ipaaalam ng Malakanyang upang linawin ang isyu.
May napakahalagang dahilan kung kaya biglang-bigla siya ay dapat palitan sa puwesto. Subalit kung anuman ang dahilan na iyon, tiyak may napakaselan na kahalagahan upang upang pansamantalang mailihim na muna.
Isang bagay ang tiyak.
Mayroong ibig paglagyan ang pangulo kay General Torre. Higit pa sa pagiging Hepe ng Pulis.
Sobrang lala na ng problema ng bansa.
Sa panloob, naririyan ang lumalaking alingasngas sa corruption sa iba’t-ibang sektor ng pamahalaan, pinakamaingay na sa ngayon ang mga bilyong-pisong kurakot sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). May nagmungkahi na bumuo ng isang bagong komisyon na mag-iimbestiga sa mga malaking katiwalian. Kailangan doon ang matuwid at matigas na pagkahubog ng karakter upang mapagtagumpayan ang gawain.
Sa kabilang banda, naririyan ang lumulalang tensyon sa South China Sea. Sa istriktong pag-uusap, ang nagpapatuloy na iringan sa pagitan ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) ay usaping law-enforcement o police work, na master ni General Torre.
Hindi natin masabi. Sobra nang napakahalaga ng partisipasyon ni General Torre sa programa ni Bongbong upang mawala siya sa kung saan siya higit na kailangan.
Ganun pa man, nagsalibayan ang mga krisis lokal at internasyunal na kung pangangailangan sa serbisyo ni General Torre ang pag-uusapan, lahat iyun ay pwede niyang lahukan.
Maaalaala natin na pinakasandalan ni Pesidente Ferdinand E. Marcos sa kanyang pagpapatupad ng Martial Law noong 1972 ay ang Philippine Constabulary na siyang Philippine National Police (PNP) noon. Ngayong hindi na PNP Chief si General Torre, papaano pa siya masasandalan ni Bongbong ngayong tinanggal na siya sa tungkuling iyun.
Subalit wika nga sa Chino, “Maraming paraan ng pagtalop ng pusa.”
Ang di mapapasubalian sa ngayon, saan man ilagay ni Bongbong si General Torre, tiyak iyun ay may kaugnayan sa pinakamatitinding problema ngayon ng bansa.
Mamili tayo.
Korapsyonp. Seguridad.
Imadyinin ninyo na siya ang puno ng bagong komisyon na mag-iimbistiga sa mga katiwalian ng gobiyerno, partikular ang flood control projects ng DPWH.
Pwede ring ipasabalikat niya ang kabuuang usapin ng pakikipag-ayos sa China sa sigalot sa West Philippine Sea.
Sobrang napakabigla at balot sa lhim ang mga kaganapan sa career ni General Torre kaya tayong mga tagasubaybay ay walang magawa kundi Mang hula na lamang kung saan na siya lalagay.
Pero walang pasubali, si General Torre ay may rekord na nakapagpanalo ng mga labanan na wala ni isang putok ang pinakawalan.
Kung alam nyo kung ano ang ibig kong ipakahulugan.