26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Di pagtutugma ng kasanayan ng mga gradweyt at pangangailangan ng makabagong trabaho

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG nakaraang linggo ay tinalakay ko ang isyu ng rasyonalisasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa edukasyon bilang ambag sa mga isyung tatalakayin ng Education and Workforce Development Group (EWDG) na itinatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Agosto 13 2025 tungo sa pagpapaunlad ng edukasyon at hukbong paggawa ng bansa. Ngayong araw ay tatalakayiin ko ang di pagkakatugma ng kasanayang ng mga gradweyt ng sector edukasyon at ang pangangailangan ng makabagong industriya.

Kadalasan, ang di pagkakatugma ng kasanayan ng mga gradweyt sa mga institusyong pang-edukasyon at pangangailangan ng mga industriya ay tanda ng kakulangan sa trabaho o underemployment. Pati ang Pangulong Marcos ay nababahala sa lawak ng kakulangan sa trabaho na umabot na sa 7 milyong manggagawa noong Abril 2025 na halos 14.4% ng mga 48.67 milyong manggagawa.

Ngunit hindi lahat ng kulang sa trabaho ay bunga ng di pagkakatugma ng kasanayan ng mga gradweyt at pangangailangan ng industriya. Marami sa mga may kulang sa trabaho ay piniling magtrabaho lamang ng part time sa maraming dahilan. Naririyan ang mga kabataang nasa gig economy at mga bagong gradweyt na pansamantalang tumatanggap ng kahit anong trabaho habang humahanap ng angkop na empleyo.

Ang problemang ito ay hindi lamang nararanasan ng Pilipinas bagkus lumalabas din sa maraming bansa, mauunlad man o papaunlad. Kadalasan, ang sinisisi ay ang mga limitasyon ng edukasyon sa ating bansa. Ang curriculum ay di angkop sa mga pangangailangan ng makabagong trabaho na may killing sa teknolohiyang digital. Subalit ito ay tinutugunan naman ng mga technical panel na itinatatag ng Commission on Higher Education (CHED) sa iba’t ibang disiplina upang maging angkop ang mga kurso sa pagbabago ng teknolohiya ngunit bakit patuloy pa rin ang di pagkakatugma?

Mayroon din akong nabasa na sinisisi ang dami ng general education sa mga kurikulum ng iba’t ibang kurso sa kolehiyo at ang kakulangan ng oras sa practical na karanasan sa aktwal na trabaho.  Ang tugon ko sa kritismong ito ay ang edukasyon ay hindi lamang nakatuon sa paghahanda sa mga estudyante upang maging empleyado ng mga industriya bagkus ang edukasyon ay naglalayong mshubog ng mga makabuluhang mamamayan. Mahalaga ang general education hindi lamang sa pagiging mabubuting tao at marunong makisangkot na mamamayan ngunit nagagamit din ito sa trabaho.

Marami sa mga gradweyt ng De La Salle University noong mga dekada 1970 hanggang dekada 1990 na humahawak na ngayon ng matataas na posisyon sa mga korporasyon sa ating bansa ang nagpapatotoo sa kahalagahan ng general education sa kinuha nilang programa sa malalayang sining sa kursong Liberal Arts-Commerce (Lia-Com). Ang malalayang sining ay naghanda sa kanila upang maging epektibong tagapapamahala lalo na sa pakikipag kapwa tao.  Samantalang ang teknikal na kaalaman sa komersiyo ang nagbigay daan sa kanila upang makakuha ng magandang panimulang empleyo. Samakatuwid, ang produkto ng mga kolehiyo at unibersidad ay hindi nasusukat sa pangunang empleyo ngunit sa kabuoang nangyayari sa kanilang karera sa hinaharap. Ganoon pa man ang problema ng kalidad ay tunay na isyu sa lalong mataas na edukasyon bunga ng mababang kalidad ng mga guro at mababang kalidad ng mga estudyante mula sa basic education. Ang problema ng kalidad ay humaharap din sa edukasyong teknikal dahil sa lumang kasangkapang ginagamit sa pagsasanay at ang kakulangan ng mga mahuhusay na guro.

Mayroon namang sinisisi ang industriya sa problema ng desempleyo. Kulang ang pumapasok na dayuhang capital na nakapag-aambag sa pagbibigay ng empleyo sa lumalaking hukbong paggawa. Kailangan ang capital sa proseso ng produksiyon dahil ang mga mangggawa ay nangangailangang makisangkot sa mga kagamitan at kasangkapan upang makabuo ng mga produkto at upang maging produktibong manggagawa.

Kailangan ang karagdagang capital mula sa ibang bansa dahil mababa lamang ang pondo mula sa pag-iimpok ng ating mamamayan kung ihahambing sa kinakailangang pondo sa pangangapital upang mapabilis ang paglaking ekonomiko at mabigyan ng empleyo ang lumalaking hukbong paggawa.

Kahit gusto ng Pilipinas na tumanggap ng dayuhang capital ang ating bansa ay humaharap sa maraming hamon sa pagpasok ng dayuhang kapital. Una, makitid ang kakayahang makapagbigay ng empleyo ang dayuhang capital dahil ang uri ng dayuhang capital na pumapasok sa ating bansa ay may kiling sa mga industriyang matitindi sa paggamit ng capital kayat kaunting manggagawa lamang ang kanilang kinakailangan.

Ikalawa, tinatabangan ang mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa Pilipinas dahil sa kakulangan ng imprastruktura, pabago bagong patakaran sa pagnenegosyo, mahal na elektrisidad at marami pang iba. Sino naman ang gustong mamuhunan sa Pilipinas kung tataas lamang ang kanilang gastos sa produksiyon at ang gastos sa mga transaksiyon dahil hindi ipinatutupad nang tapat ang mga batas sa pagnenegosyo.

Batay sa ating diskusyon sa itaas, sa inyong palagay sino ang dapat sisihin sa problema ng di pagkakatugma ng mga kasanayan ng mga gradweyt ng sektor ng edukasyon at pangangailangan ng makabagong trabaho sa ating bansa, ang mga programa sa kolehiyo, ang kitid ng ating mga industriyang makalikha ng trabaho o ang kakulangan ng pamahalaan?

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -