OPISYAL na binuksan sa publiko ang booth ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Manila International Book Fair (MIBF) 2025 sa SMX Convention Center, Lungsod Pasay.
Ibinandila ng KWF ang napakamura at de kalidad na publikasyong mabibili ng mga guro, mag-aaral, mananaliksik, at mambabasa na may interes sa gramatika, klasikong akda, salin, pananaliksik, diksiyonaryo, at mga akdang pampanitikan.

Binisita at nagbigay ng maigting na suporta ng pamunuan ng KWF sa pangunguna ng Tagapangulo, Atty. Marites Barrios-Taran, kasama ang mga Fultaym Komisyoner na sina Dr. Carmelita Abdurahman at Dr. Benjamin Mendillo Jr. Dumalo rin sina Komisyoner Reggie Cruz, Executive Assistant Marian Regina Taran, at iba pang kawani ng KWF sa paglahok ng KWF sa MIBF 2025.

Umani ng mainit na pagtangkilik ang mga limbag ng KWF bilang patunay na ang mga stakeholder ng natatanging ahensiyang pangwika ng pamahalaan ay patuloy na nagpapahalaga sa paglinang sa kultura ng pagbabasa lalo sa mga akdang nakalimbag sa Filipino at sa iba’t ibang wika sa Pilipinas na mandato ng KWF.
Inaanyayahan ang lahat na bisitahin ang KWF booth sa 095 at 096 sa ika-2 palapag ng SMX Convention Center. Mananatiling bukas ito hanggang 14 Setyembre 2025 para sa mga nais bumili at makiisa.
Higit 60 aklat ang mapagpipilian ng mga mamimili sa lumalaking koleksiyon ng KWF Aklat ng Bayan mula sa mga sangguniang aklat sa panitikan at kulturang Filipino, mga saliksik, isinaling klasikong akda, at iba pang babasahin.




