29.5 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

Marcoleta: Legal e-gambling sites, dapat patulungin ng pamahalaan kontra illegal sites

- Advertisement -
- Advertisement -

DAPAT patulungin ng pamahalaan ang legal online gambling sites para matukoy at hadlangan ang illegal e-gambling operations sa bansa.

Ito ang hamon ni Senador Rodante Marcoleta sa mga ahensya ng pamahalaan sa pagdinig ng Senado ukol sa mga panukalang nagsusulong sa mahigpit na regulasyon, o tuluyang pagbabawal sa online gambling.

“Bakit ‘di n’yo tignan yung online gambling operators? Bakit hindi sila tumulong sa gobyerno? Tutal sila ang mino-monitor eh,” inihayag ni Marcoleta kay Aboy Paraiso, Deputy Executive Director ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Nauna nito, iniulat ni Paraiso na na-takedown na ng pamahalaan ang mahigit 10,000 illegal online gambling sites at apps sa bansa.

Ngunit inamin ng opisyal ng CICC na pwede lang nilang ipasara ang sites na nasa Pilipinas. Hindi anila sakop ang mga ‘offshore’ operation o yung nakabase sa ibang bansa.

Mahirap din umanong habulin ang mga gumagamit ng VPN, o virtual private network, para itago ang lokasyon ng kanilang IP address.

Samantala, muling hinikayat ng senador ang Philippine Gaming Corporation o Pagcor na pigilan ang e-gambling mula sa source o ugat nito.

Aniya, kasama sa mga posibleng hakbang ang pakikipag-ugnayan sa Google at Apple Store para sa regulasyon ng naturang sites at apps.

“Ang ating problema talaga, kahit na legal o illegal, yung social ills (ng online gambling) ay nandyan talaga,” puna ng senador.

Ipinunto nya na bagama’t mahalagang hakbang ang pagpapa-delink ng Bangko Sentral sa e-wallets mula sa e-gambling apps, nananatili pa rin ang panganib sa lipunan ng naturang makabagong bisyo.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -