IPINAALAALA ni Senador Rodante Marcoleta sa Department of Education (DepEd) ang aniya’y ‘di natupad na layunin ng isang panukalang naisabatas noon pang 1995 para paunlarin ang book publishing sa bansa.
Sa pagdinig sa panukalang badyet ng DepEd nitong Martes, sinabi ni Marcoleta na sa ilalim ng Book Publishing Industry Development Act (Republic Act 8047) inililipat sa pribadong publishers ang paglilimbag at distribusyon ng textbooks ng DECS (dating pangalan ng DepEd) para sa elementarya at hayskul.
Dagdag ng senador, nakaatang ang pagmomonitor sa ‘phase in’ period na ito na isasagawa sa loob ng tatlong taon sa National Book Development Board (NBDB).
Kung kaya’t may mahalagang papel aniya ang naturang ahensya para payabungin ang local book publishing at sektor ng edukasyon.
Ngunit pinuna ni Marcoleta ang mababang alokasyon sa badyet ng NBDB. Paglalaanan lang ito ng P156.5 milyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) sa 2026, mula sa P348 milyon sa General Appropriations Act (GAA) ngayong 2025, at P239 milyon sa GAA ng 2024.
Ipinaliwanag naman ni DepEd Secretary Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara na tumaas ang alokasyon para sa NBDB ngayong taon dahil sa paglahok ng bansa sa Frankfurt Book Fair na gaganapin sa Frankfurt, Germany mula Oktubre 15-19.
Kinilala naman ni Marcoleta ang halaga ng naturang Book Fair, pero binigyang diin pa rin nya ang adhikain ng RA 8047 – na iniakda ng yumaong Senador Edgardo Angara, ama ng kasalukuyang DepEd Secretary.
Kasunod nito ay binasa nya ang bahagi ng Section 2 ng nasabing batas: “‘Accordingly, it is hereby declared a policy of the State to promote the continuing development of the book publishing industry with the participation of the private sector…to ensure an adequate supply of affordable quality books, not only for the domestic but also for the export market.'”
“Yun po ang vision, yun po ang objective ng author na after 30 years, ‘di po natupad,” pagpapaalala ni Marcoleta.
“Lumalapit sa akin, maliit na private publishers (para ihayag) yung pagdaramdam nila na sa matagal na panahon (ay) ‘di sila nasasama sa national stride into the development of the national publishing industry,” dagdag ng senador.
Bilang pagtatapos, naghayag ng kahandaan si Marcoleta na makipagtulungan kay Sec. Angara para maisulong ang mga adhikain ng RA 8047 at matulungan ang local book publishers.



