IMINUNGKAHI ni Senador Win Gatchalian ang posibilidad na pagsamahin ang Office of the Presidential Adviser on the Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Aniya, ang ganitong hakbang ay magpapahusay sa kanilang mga operasyon dahil pareho silang may layunin na isulong ang kapayapaan sa kanayunan.
“Lubos akong sumusuporta sa mga hakbangin na magdadala ng kapayapaan sa kanayunan. Pero mula sa pananaw ng polisiya, pag-isipan natin kung paano mas mapapahusay ang operasyon ng gobyerno kapag pinag-isa na lang ang operasyon ng OPAPRU at NTF-ELCAC,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, sa isang pagdinig para sa panukalang pondo ng OPAPRU para sa 2026.
Idiniin niya na ang dalawang ahensiya ay may parehong layunin na isulong ang kapayapaan sa kanayunan, kasama ang paghahatid ng mga proyekto ng micro-infrastructure sa mga barangay na pwedeng pasukin ng insurgency. Binanggit niya na merong naitala ang NTF-ELCAC nitong buwan na binibigyang katwiran ang panukalang pondo nito para sa susunod na taon.
Sinabi rin ni Gatchalian na kapag pinagsama ang dalawang ahensiya, lilikha ng isang ahensiya na magiging sentro para sa mga isyu na may kaugnayan sa kapayapaan at kaayusan sa kanayunan.



