KORAPSYON. Ito ang pag-uusapan natin ngayon. Hindi ang karumal-dumal na gawaing ipinrotesta ng 100K katao sa Maynila sa Baha sa Luneta at ng may 30K katao sa EDSA sa Trillion Peso March noong Setyembre 21, 2025. Ang mismong salita, KORAPSYON, ang baybay at bigkas nito, ang susuriin natin.
Ang salitang ito ay hiram mula sa Ingles, “corruption.” Binago lamang ang baybay pero binibigkas ayon sa bigkas nito sa Ingles, na ang diin ay nasa gitnang pantig, Ko.RAP.syon. May katumbas ito sa Filipino, KATIWALIAN. Ang taong may katiwalian ay tinatawag namang TIWALI. Dati, KATIWALIAN at TIWALI ang ginagamit. Pero nang nakalipas na ilang taon, sa pagdami ng mga tiwali at paglobo ng mga gawain ng katiwalian, lalo na kaugnay kamakailan lamang ng flood control projects, mas naging popular ang salitang KORAPSYON.
Dati rin, ilang taon pa lamang ang nakalilipas, bukod sa KATIWALIAN, ang itinumbas sa “corruption” ay KORUPSIYÓN, na mabilis ang bigkas. Mula ito sa wikang Kastila, CORRUPCIÓN, na mabilis din ang bigkas. Mula sa Kastilang CORRUPCION na naging KORUPSIYON, ngayon, ang mas popular nang anyo ay KORAPSYON, mula sa Ingles at mabagal ang bigkas. Pansinin din na wala nang letrang I ang baybay ng KORAPSYON, bagama’t may ilan na sinisingitan ng I ang salita at nagiging KORAPSIYON. Pero mas marami ang nakakiling sa ganitong baybay: KORAPSYON. Ito ang nakita sa mga placard at patalastas sa Luneta at sa Edsa noong nakaraang Setyembre 21, sa paggunita sa ika-53 taon ng pagdeklara ng dating Pangulong Marcos Sr. sa Batas Militar.
Makikita rito ang ebolusyon ng salita: mula KATIWALIAN, naging KORUPSIYÓN at ngayon, KORÁPSYON. Dati kasi, sa panghihiram ng salita, unang hinihiram ang mula sa wikang Kastila o ang anyong malapit o kahawig ng salitang Kastila. Ngunit ngayon, mas uso na ang paghihiram sa wikang Ingles. Kaya naging KORAPSYON na ang mas popular na anyo.
May lumitaw pa dati na KURAPSIYON, na ang O sa orihinal na salita ay pinalitan ng U. Mas natural kasi sa ating mga Pilipino na bigkasing U ang O kapag nasa unahan ng salita. Mas naging preperensya siguro ang hindi na pagpapalit ng U sa O dahil ang taong nagsasagawa ng korapsyon ay tinatawag namang KORAP (dati’y KURAP), pero para namang taong papikit-pikit o pakurap-kurap ang mga mata. Kaya naging mas uso na ang KORAP. Naalala pa ba ninyo ito: “Kung walang KORAP, walang mahirap.” Ngayon, napatunayan natin na totoo ito. Hindi mahirap ang Pilipinas, hindi mahirap ang mga Pilipino, pinagnanakawan lamang.
Paano man baybayin ang salita, walang kabutihang hatid sa bansa ang KATIWALIAN, maging ito man ay baybaying KORAPSYON, KORAPSIYON o KORUPSIYON.
Kaugnay ng korapsyon, talakayin naman natin ang mga salitang maiuugnay sa gawaing ito, ang iba’t ibang antas ng pagnanakaw ng pera at ari-arian.
Kapag maliit lamang ang ninanakaw, KUPIT ang ginagamit. Halimbawa, kapag ang sandaang pisong pinagbilhan ng mga paninda ay palihim na binawasan ng limang piso ng tindera, o ng taong pinagkatiwalaang magtinda, KUPIT lamang ito. Maliit na halaga ang binawas, baka hindi mahalata ng may-ari.
Halos kahawig din ito ng UMIT. Palihim din ang pagkuha, maliit din lamang ang halaga.
Ang isa pang salita ay PANLOLOOB. Pagnanakaw ito sa LOOB ng bahay, gaya ng ginagawa ng Akyat-Bahay Gang. Ang kinukuha ay medyo malalaking bagay na, tulad ng TV, computer, at iba pang mahahalagang bagay sa pamamagitan ng pwersahang pagpasok sa bahay ng iba.
KULIMBAT naman ang malakihang pagnanakaw, karaniwang pera. KAMKAM kapag kayamanan ng iba ang kinukuha, maaaring lupa’t bahay. KURAKOT naman kapag ang ninanakaw ay salapi ng bayan. At DAMBONG kapag pagnanakaw, pang-aagaw, panunulisan, pagharang (para sigurong highway robbery) para makuha ang pera at kayamanan.
Naririnig natin ngayon ang mga salitang iyan. KURAKOT, KULIMBAT, DAMBONG ang mas karaniwang naririnig ngayon. Hindi na lamang UMIT, KUPIT, NAKAW, PANLOLOOB. Malakihan na talaga ang nagaganap ngayon. Bilyon-bilyong pera ang nakukurakot ng mga korap na lingkod-bulsa, hindi lingkod-bayan, dahil sariling bulsa ang pinaglilingkuran ng mga taong inihahalal natin sa matataas na katungkulan sa gobyerno. Bakit nga naman hindi BABAHA ang galit ng taumbayan, kaya pala TRILLION PESO march ang itinawag sa protesta sa EDSA dahil trilyong piso na ang dinarambong sa kabang-bayan.
Naaaala pa ba ninyo? Ang DAMBONG ay kabilang sa mga salita na kapag napagitna sa dalawang patinig ang letrang D, ito ay napapalitan ng R. Kaya ang mga anyo nito ay MANDAMBONG at PANDARAMBONG.
Balikan natin ang SUBUKAN
Nang nakaraang isyu, tinalakay ko ang salitang SUBUKAN. Napansin ko na sa dalawang anyo ng SUBUKIN at SUBUKAN, tila nawala na ang anyong SUBUKIN, na nangangahulugan sa Ingles na TO TRY, o paggamit sa isang bagay o pagtikim sa isang pagkain sa unang pagkakataon, para malaman kung kasya o bagay ang isang gamit tulad ng damit o sapatos, o kaya’y tikman kung magugustuhan ang isang pagkain.
Samantala, ang SUBUKAN naman ay paniniktik, o palihim na pagsunod sa isang tao para malaman ang sekreto nito. Nang sabihin ng dating Pangulong Erap na “Huwag n’yo akong SUBUKAN,” ang ibig niyang sabihin ay huwag SUBUKIN o pagdudahan ang kanyang katapatan sa tungkulin, dahil hindi siya kailanman magiging TIWALI o KORAP. Ang nangyari, NASUBOK ang kanyang katapatan at natuklasan ang katotohanan. NASUBOK na, NASUBUKAN pa.
Napawi na sa ngayon ang pagkakaiba ng dalawang salitang SUBUKIN at SUBUKAN. Ganyan talaga ang nangyayari sa modernisadong wika, o makabagong wika. Nakikibagay sa nagbabagong mga tagagamit. Para sa mga makabagong tagagamit ng wikang Filipino, pareho na lamang ng kahulugan ang dalawang salita kaya hindi na kailangang magkaroon pa ng dalawang anyo na may dalawang magkaibang kahulugan.

