MAKARAANG magbigay ng kanyang matapang na pahayag si Senator Imee Marcos nitong Linggo hinggil sa pagtatalaga kay Jesus Crispin Remulla o Boying Remulla bilang Ombudsman ngayong Lunes, kagyat na naglabas ng pahayag ang tagapagsalita ng Korte Suprema na si Atty. Camille Sue Mae Ting na “there is no shortlist yet” (wala pang shortlist) para sa posisyon ng Ombudsman dahil ang deliberasyon para sa mga aplikasyon ng 17 aplikante ay kasalukuyan pa ring isinasagawa.

Samantala narito ang naunang pahayag ni Sen Imee: “Sa Lunes, nakatakdang hirangin si Boying Remulla bilang Ombudsman.

“Tunay ngang kulay itim pa rin ang kulay ng bayan; nagluluksa, nababalutan ng pangamba at kawalan ng pag-asa — sapagkat ang huling bantayog ng pananagutan ay pinilit wasakin ng pulitika at kalapastanganan sa Konstitusyon.
“Isang sapilitang pagtatalaga ng taong hindi karapat-dapat, may mga nakabinbin na kaso at may bahid ng kawalang-hustisya.
“Iligtas mo ang inyong bayan, Panginoon.”



