BINIGYANG-DIIN ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ang resolusyon ng Senado na humihiling sa Malacañang na ikonsidera ang house arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi dapat tingnan bilang pabor o pulitika kundi bahagi ng matagal nang paninindigan ng bansa na igalang ang pandaigdigang pamantayan ng karapatang pantao.
“Lahat ng resolution na pinile natin kasama ang kay majority leader (Juan Miguel “Migz” Zubiri) is consistent with each and every human rights convention that the Philippines signed,” wika ni Cayetano.
Ito ay matapos sabihin ng ilang mga abogado ng mga umano’y biktima ng war on drugs na walang “bearing” ang naturang resolusyon sa nakabinbing hiling ni Duterte para pansamantalang makalaya at maaari pa itong makasama sa kanyang kaso.
Nilinaw naman ni Cayetano na hindi nakikialam ang Senado sa proseso ng korte kundi nagpapadala lamang ng moral at legal na mensahe na dapat manatiling makatao at patas ang hustisya.
Tinukoy din ng senador ang humanitarian grounds na kinikilala ng International Criminal Court (ICC), lalo na’t dapat isaalang-alang ang edad ng dating pangulo.
“It is not against the tenets of human rights to allow any person, especially a former president of the country, to be under house arrest especially in the condition of President Duterte, who is 80 years old,” wika niya.
Dagdag pa ng Minority Leader, hindi lang ang sitwasyon ni Duterte ang nakataya kundi ang pagpapakita ng bansa na naninindigan ito para sa patas na prinsipyo.
“This is not only for him, but it is for us as a nation. I cannot imagine what the country will do if something happens with him in the detention center at wala man lang tayong ginawa,” wika niya.



