30.1 C
Manila
Sabado, Hunyo 13, 2026

Balikwas ni Duterte nagpapatuloy 

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang Bahagi

DI-MALIMUTANG pagtingin sa eleksyon bilang pangulo ni Rodrigo Roa Duterte noong 2016 ay — na  iyon ay tanging ang CIA ang may kakayahang gawin.

Mula sa kulelat sa mga survey sa simula ng campaign period sa hanay ng limang kandidato (Bise Presidente Jejomar Binay, Mar Roxas, Miriam Defensor Santiago, Grace Poe, at Rodrigo Roa Duterte) pumaimbulog sa Numero Uno sa bisperas ng eleksyon, at nagwagi nga na may pinakamalaking boto na nakuha sa kasaysayan hanggang sa panahong iyon.

Ang pag-impake kay Duterte ay napaka-henyoso. Simulan mo sa kaayaw-ayaw niyang kumandidato bilang presidente. Sa katunayan, nag-file na nga siya ng kandidatura bilang mayor ng Davao City. Kinailangan ang tatlong dalaw sa kanya ng dating Pangulo Fidel V. Ramos upang sa wakas ay pumayag siyang kumandidato na nga na pangulo.

Ang pag-atubili sa pagpayag na iyon ay isa lamang sa mga balakid na dapat  lagpasan ng kandidatura ni Duterte. Sumunod na balakid, lagpas na sa deadline ang kanyang pag-file ng kandidatura, hindi na ito uubra. Ang tanging paraan na nalalabi ay ang maging substitute siya sa kandidatura ng iba. Ibig sabihin, umatras ang nasabing iba at si Duterte ang humalili. Na siya ngang nangyari. Umatras si Martin Dino ng kandidatura at humalili sa kanya si Duterte, kaya lumusot ang Digong bilang kandidato.


Pero ang siste mo ay ito. Ang inatrasang kandidatura ng Dino ay hindi bilang presidente kundi bilang mayor ng Pasay City.

Kaya, balakid na naman.

Kinuwestyon ni dating Senador Francisco “Kit” Tatad ang substitusyon. Pinanindigan ng Comelec ang pagpahalili nito kay Duterte na kandidato bilang presidente samantalang ang hinalinhan ay kandidato para mayor lamang. Katwiran ng Comelec: maliwanag na ang intensyon ni Duterte ay maging presidente.

Kaya makikita kung anong mga  pambabaluktot sa mga demokratikong proseso ng lipunang Pilipino ang kinailangan upang ang isang dating hindi kilalang mayor ay maluklok sa pinakamataas na puwesto ng bansa.

- Advertisement -

Kung susuriing mabuti, ang naganap kay Duterte ay ang klasikong pagsasabayani ng  isang ordinaryong indibidwal upang ipuwesto sa hanay ng mga bathala.

Dehadong-dehado si Duterte. Lahat ng senyales na tagilid siya sa laban ay naroroon. Pero ang pagkadehadong iyun ay sa katunayan siya mismong  malaking katangian niya upang tanghalin siyang angat sa ordinaryong nilalang – humanay na nga sa mga bayaning dinidiyos ng balana.

Pansinin na  makaraang  patampukin sa media ang mga balakid na kanyang nilagpasan, naglipana na sa mga botante, mapa-masa o mapa-panggitnang uri, ang pulseras ng kanyang kandidatura.

Pagdating ng araw ng eleksyon, hindi na hahanapin pa ang resulta: panalo ang Digong.

Mangyari pa, naging panawagan ni Duterte sa kampanya ang giyera kontra -droga.

Ganyan lagi ang pormula. Iimbento ka ng popular na adhikain upang  iangat ang iyong pagkatao sa karamihan – magsa-Diyos nga upang ang balana na sa iyo ay sumasamba ay siya nang magsulong ng nakatagong layunin ng mga sa iyo ay lumikha upang sambahin.

- Advertisement -

Kung sinuman ang lumikha kay Duterte upang sambahin ay hindi ko masabi.

Ang tanging pinanghahawakan ko, nabanggit ko na sa unahan, ay ang  minsang nasumpungan kong opinyon sa isang ulat sa media na ang pagsadiyos kay Duterte ay CIA lamang ang may kakayahang gawin.

Hanggang doon lang: opinyon lamang.

Mahirap maghaka-haka sa kung ano ang nakatagong layunin. Kung may pahiwatig man ang panlabas na anyo, atin-atin na lang muna iyon sa ngayon.

Magkasya na lang muna tayo sa tanong: Bakit ipagpipilitan ng CIA na si Duterte ang maging Presidente?

Samantala, naririto tayo ngayon sa pinakabagong kaganapan. Nagpasa ang senado ng resolusyon na humihingi sa International Criminal Court (ICC) na ilagay sa house arrest si Duterte sa kadahilanang matanda  na at palyado na ang kalusugan. Sa 20 na senador na bumoto, 15 ang sang-ayon, tatlo ang kumontra at dalawa ang nag-abstain.

Kinilabutan ako. Tingin ko, hangga’t senado ang pinag-uusapan, ang resulta ng botohan ay maliwanag na pahiwatig  na patuloy na nadodomina ng dating pangulo ang pulitika ng bansa.

Na kung merong gustong mangyari si Duterte, iyun ay magaganap.

Pansinin ang kinalabasan ng impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte. Pagdating sa senado, tigok. Sa simpleng maniobra na ipasa ang bola sa Korte Suprema. Hindi alam ng karamihan, sa 15 miyembro ng kataas-taasang hukuman, 13 ay pawang appointee ni Duterte. Kaya nang pasertipikahan ni dating Senate President Francis”Chiz” Escudero kung hindi labag sa batas ang articles of impeachment ni Sara, ang hatol ng Korte Suprema, labag.

Libre na si Sara.

Sabi ng  SC,   maaaring isampa muli ang impeachmemt ni Sara pagkaraan ng isang taon.

Pa-consuelo de bobo na lang iyun, sa totoo lang. Isang taon pa, iba  na ang kalagayan. Nakalimutan na ang nilustay na mga confidential fund at sa  halip napatampok na nang husto ang napakamaalingasngas na mga korapsyon na samantalang inamin ng mga salarin na nagsimula maaga pa sa administrasyon ni Duterte, ngayon ay pilit na isislnisisi ni Sara sa administrasyon ni Bongbong.

Magtatagumpay ba si Sara sa ginagawa niyang paninisi sa presidente?

Bakit ang hindi?

Balikan kung papaanong binaluktot ang mga ligal na proseso upang gawing presidente si Duterte at maisulong nito ang plano ng kung sino mang puwersang nagpapakilos sa kanya.

Tandang-tanda ko. Oras na mahalal na presidente si Duterte, todo ratsada ang kanyang kontra-Amerikanong bunganga.

Na anupa’t todo rin namang  napanumbalik niya ang harmonyusong ugnayan ng Pilipinas sa China.  Kaliwa’t kanan ang pakinabang ng Pilipinas sa China: naalis ang embargo ng China sa mga produktong agrikultural ng Pilipinas, balik ang mga Chino sa pagiging numero uno sa datingan ng mga turista sa bansa, karagdagang dalawang tulay sa Pasig River na itinayo ng China nang libre, donasyong milyun-milyong dose ng Sinovac sa panahon ng Covid, at milyun-milyon ding ayuda sa mga sinalanta ng bagyo.

Malalaking ayuda sa kabuhayan, kaunlaran at seguridad ng bansa.

Dumating pa nga ang punto na inihanay ni Duterte ang sarili kina Presidente Xi Jinping ng China at Vladimir Putin ng Russia at nagpahayag ng “The three of us against the world.”

Sa isang malalim magmasid, titingnan iyon na isang dakilang pang-uuto. Ibig palitawin ni Duterte na kontra-Amerika nga siya tulad ng dalawa.

Maaari bang lingid kina Xi at Putin na kung tunay ngang kontra Amerika si Duterte, bakit hindi niya mawakas-wakasan ang Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) – mga tratado ng Amerika na umaalipin sa Pilipinas at nagbabala sa mga Pilipino sa kanyon sa mga pakikipagdigma ng Kano sa Asya-Pasipiko?

Bilang presidente, kayang-kaya niyang wakasan ang mga tratadong iyun, pero hindi niya ginawa.

At sa hidwaan ng China at Pilipinas sa South China Sea, matigas si Duterte sa paninindigan na ang Permanent Court of Arbitration ruling na iligal ang Nine Dash Line ng China ay bahagi na ng international law na dapat masunod – na anupa’t siyang -siyang linya ng Amerika.

Ang tanging kilos kontra-Amerika na kanyang maipagmamalaki ay ang pagbawi sa dalawang kampana na kinulimbat ng mga tropang Amerikano sa Balanggiga, Samar noong Filipino-American War.

Kung tawag ng tanghalan ang kanyang nasalihan, nakalembang na siya.

Sa puntong ito bumabalik ang usapan sa obserbasyon sa ulat na natukoy sa itaas: ang pagkaimpake kay Duterte upang maging presidente ay CIA lamang ang may kakayahang gawin.

May karugtong.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -