(Una sa 2-serye)
ANG 2025 PBBY Salanga Prize ay binuksan para sa kategoryang chapter books na tumatalakay sa historical fiction. Nais kasi ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY) na mahikayat ang maraming manunulat na subukang lumikha ng mga kuwento para sa older children – ‘yung mga batang graduate na sa pagbabasa ng mga picture books at kaya nang magbasa ng mga ‘chapter books.’ Karamihan kasi sa mga nalalathalang aklat pambata sa Pilipinas ay mga picture books.

Pagkatapos magbasa ng mga picture storybooks, lumulundag na ang mga bata sa pagbabasa ng mga nobelang pang-adult na ang tema. Romance fiction ang madalas na naghihintay sa kanila. Nang mauso ang mga installment na wattpad stories, doon nagpuntahan ang mga kabataan. Pero ang sensibilidad sa mga kuwentong mababasa roon ay hindi masasabing pambata (hindi akma sa edad at development ng bata). May mga eksena pa ngang mababasa na napakasensuwal nang paglalarawan.

Marami-rami rin ang nagpadalang lahok sa naturang patimpalak ng PBBY. May tumalakay sa mga batang namuhay noong panahon ng Batas Militar (Martial Law). May tumalakay sa nangyaring pagkatakot sa magaganap noon na pagsasara ng ikalawang milenyo (‘yung “Y2K bug” scare na sinasabing magwawakas sa lahat sa pagsapit ng taong 2000). Yung entry na nagwagi ng Grand Prize sa 2004 PBBY Salanga Prize – ang Three Thimbles – ay tungkol sa paglikha ng kauna-unahang watawat sa Hong Kong na iwawagayway sa Cavite. Kinomisyon ito ni Hen. Emilio Aguinaldo sa tatlong babaeng naninirahan sa Hong Kong nang panahong ‘yun. At bata ang isa sa tatlong tumahi ng bandila. Ito’y inakda ni Patricia Sy Gomez, na nagwagi na rin ng Palanca Awards para sa kanyang ilang akdang pambata.

Ang ikalawang lahok – na nanalo naman ng Honorable Mention – ay tungkol naman sa kuwento ng batang ang ina ay ipinadala sa Culion, Palawan upang gamutin sa sakit na ‘Ketong’ o ‘Leprosy.’ Nang panahong ‘yun, wala pang antibiotikong nakalaan para sa sakit na leprosy kung kaya’t ipinadadala ang lahat ng impektado sa isla ng Culion: sa Culion Leper Colony. Kung totoo mang may batang ganoon ang kuwento ay ang awtor na lamang ang nakaaalam. Ang ‘Carmel’s Hands’ ay sinulat ni Maria Carlizza ‘Arli’ Pagaduan, na isa ring ilustrador ng mga aklat pambata.

Sa parehong nabanggit na chapter books, ang dalawang manunulat ay maaaring gumamit ng fictionalized biography. Ano nga ba ang fictional biography? Ito’y isang uri ng literary genre kung saan hinahaluan ng malikhaing pagsasalaysay ang mga nangyari sa buhay ng isang totoong tao upang makabuo tayo ng isang mahusay na kuwento. Huwag ipagkamaling ito’y isang totoong biography. Iba ang ‘strict biography’ sa ‘fictionalized biography.’ May mga pangyayari, tauhan, dayalogo, o iba pang idinadagdag na elemento para mapalutang ang kuwento sa ‘fictionalized biography’ o ‘biographical fiction.’

Madalas na ang bida sa ganitong uri ng chapter book ay totoong tao na namuhay sa gitna natin; maaaring isang historical figure. Pero ito ay nananatiling work of fiction (kathang-isip) pa rin at hindi factual account (na lahat ay totoong nangyari). Madalas, nakapaglalangkap ang awtor ng iba pang fictional elements: tao, lunan, mga kumbersasyon, mga internal thoughts, at iba pang pangyayari – lahat ay upang mapatingkad ang salaysay. Minsan, ang time period ng pangunahing tauhan ay tamang lahat, pero puwedeng mabago ang mga pangyayari sa kanyang buhay (doon sa nobela).

Nangahas akong muling magsulat ng isang nobelang pambata/pangkabataan tungkol sa naging partisipasyon ng aking Lola Nene (actually, pinsang-buo siya ng aking maternal grandmother) sa Kilusang HUKBALAHAP (Hukbong Bayan Laban sa Hapon) noong Panahon ng Pananakop ng mga Hapon. Nakalakhan ko kasing binabanggit ng mga kaanak na si Lola Nene ay isang ‘aktibista’ at namundok pa nga raw. Amasona pa ang bansag sa kanya ng iba. Labis kong ipinagtaka noon ang pagkakaroon ng alyas daw ng aking Lola Nene.

Nang ito’y matapos, ang nobelang pambatang ‘Ang Sekretong Alyas ni Lola Nene’ ay inilathala ng Adarna House upang tugunan ang pangangailangan sa mga aklat/babasahing laan para sa mga middle grade students o mga ‘older’ children. Inilunsad ang aklat na ito sa panahon ng Manila International Book Fair. Inanyayahan kong dumalo ang mga anak ni Lola Nene pati na ang kani-kanilang mga anak at apo. Binanggit ko sa kanila na hindi lahat ng mababasa sa nobela ay eksaktong nangyari sa buhay ni Lola Nene. Na ‘fiction’ pa rin ito bagama’t nakabatay sa karakter ni Lola Nene ang pangunahing tauhan.

Ang tinutukoy kong Lola Nene sa aking nobelang pangkabataan ay si Araceli Policarpio Mallari sa totoong buhay: isang babaeng hindi natakot humawak ng armas at nakibahagi sa Kilusang HUKBALAHAP noong Panahon ng Panananakop ng mga Hapon. Maaaring nakarinig na kayo ng ilang kakilalang naging miyembro rin ng kilusang ito. Isa si Lola Nene rito. At sa kanyang pamumundok, binigyan siya ng panibagong pangalan: Ka Lita. Sa likod ng pangalang ito, buong-tapang na kinaharap ni Lola Nene ang pagmamalabis ng mga sundalong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Bukambibig ng aking Nanay si Lola Nene sapagkat parang totoong ina ang turing nito sa kaniya. Teacher ang aking ina at noong panahong nag-aaral pa siya sa kolehiyo, doon siya itinira ng aking Inang Trining sa bahay ni Lola Nene sa Caloocan. Magpinsang-buo sina Lola Nene at ang aking Inang Trining (siya ang aking lola sa maternal side). May tatlong babaeng anak si Lola Nene – sina Tita Sonia, Tita Dolly, at Tita Girlie – na kung ituring ng Nanay ko ay parang mga tunay na kapatid. Hindi ko inakalang makulay pala ang buhay ni Lola Nene. Simpleng babae lamang ang pagkakakilala ko sa kanya: mahilig magluto, maghalaman, at magbasa ng libro at mga pahayagan. Katunayan, ang kaniyang mga kabinet sa kuwarto ay puno ng iba’t ibang libro at newspaper clippings.
Habang sinusulat ko ang nobelang ito, at habang patuloy akong nagtatanong-tanong sa mga pangyayari sa buhay ni Lola Nene (alyas Ka Lita), labis akong humanga sa isang babaeng mandirigma na buo ang loob at masidhi ang pagsinta sa bayan. Nalaman ko rin na ang napangasawa niya kalaunan, na kapwa-Huk – si Lolo Edong – ay may alyas din: Ka Luis.
Makukulay pala ang kanilang kuwento sa likod ng kanilang mga alyas!
(May karugtong)

