34 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Sen Camille Villar, naghain ng panukalang batas para sa mas matibay na proteksyon ng BPO workers

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN si Senadora Camille Villar, pinakabatang kasapi ng ika-20 Kongreso, ng panukalang batas para sa mas matibay na proteksyon sa mga manggagawa sa Business Process Outsourcing (BPO) sector. Layunin nitong siguruhin ang kaligtasan at kapakanan ng mga empleyado, lalo na’t muling lumutang ang isyu matapos ang lindol sa Cebu kung saan pinilit umanong bumalik agad sa trabaho ang ilang empleyado sa kabila ng patuloy na panganib.

Mariing tinutulan ng mga manggagawang BPO sa Cebu ang diumano’y mapanganib na return-to-work orders at banta ng pagkawala ng trabaho matapos nilang unahin ang kanilang kaligtasan sa gitna ng 6.9 magnitude na lindol.

“Walang manggagawa ang dapat mamili kung trabaho ba o kaligtasan ang kanilang pipiliin. Dapat laging nauuna ang kapakanan at seguridad ng ating mga BPO workers,” ani Villar, kasabay ng panawagan sa agarang pagpasa ng panukala.

Ang panukala, na nakapaloob sa Senate Bill No. 1401 o “BPO Workers’ Welfare and Protection Act,” ay naglalayong maglatag ng komprehensibong proteksyon para sa mga empleyado sa outsourcing sector. Kabilang dito ang mandato sa Department of Labor and Employment (DOLE) na bumalangkas at magpatupad ng Occupational Health and Safety Standards (OHSS) na naaayon sa rekomendasyon ng International Labor Organization (ILO). Ang mga pamantayang ito ay dapat regular na nire-review at mahigpit na ipinatutupad sa lahat ng BPO companies sa bansa.

Dagdag pa rito, inaatasan ang bawat kompanya na gumawa ng sariling Workplace Occupational Health and Safety (WOHS) policy na nakaayon sa pambansang pamantayan ngunit naaangkop din sa lokal na kondisyon. Taun-taon itong rerepasuhin ng mga employer kasama ang Workplace Occupational Health and Safety Officer (WOHSO), Enforcement Officers, at iba pang kinatawan upang masiguro ang pagiging angkop at epektibo sa iba’t ibang sitwasyon.

Hindi lamang kaligtasan ang tinutukan ng panukala. Layunin din nitong ipagbawal ang sobra-sobrang company bonds at fees sa mga empleyadong umaalis bago ang itinakdang panahon. Pinoprotektahan din nito ang manggagawa laban sa diskriminasyon batay sa lahi, kasarian, sexual orientation, edad, relihiyon, kapansanan, at iba pang status na kinikilala sa ilalim ng mga pamantayan ng karapatang pantao.

“Ang mga BPO workers ay nasa unahan ng ating global service industry. Ang tunay na pag-unlad ay hindi lang nasusukat sa kita, kundi sa pangangalaga ng dignidad at kapakanan ng bawat manggagawang Pilipino,” pagtatapos ni Villar.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -