34 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

P30-M donasyon noon kay Sen Escudero, inirereklamo na ngayon

- Advertisement -
- Advertisement -

NAHAHARAP si Senador Francis ‘Chiz’ G. Escudero sa pagpapaliwanag at reklamo kaugnay ng pagtanggap niya ng donasyong nagkakahalaga ng P30 milyon mula sa isang kontratista ng gobyerno upang pondohan ang kanyang kampanya noong eleksyon, taong 2022.

Larawan mula sa Facebook page ni Senator Francis “Chiz” Escuderp

Sa Oktubre 13, kinakailangan nyang magpaliwanag sa pamamagitan ng kanyang personal na pagharap o pagpapadala ng abogado sa Political Finance  and Affairs Department ng Comelec.

Kaugnay nito, kinakaharap din nya ang isang ethics complaint sa Senado.

Kanino galing ang P30 milyon

Nagmula kay Lawrence Lubiano, presidente at 99.33 porsyentong may-ari ng Centerways Construction and Development, Inc. ang P30 milyon.


Ayon kay Sen. Escudero, matagal niya nang kaibigan at kababayan sa Sorsogon si Lubiano.

Ayon kay Lubiano, galing sa kanyang personal na pondo at hindi sa kompanya ang naturang donasyon.

Nagsumite na si Lubiano ng kanyang mga affidavit and iba pang dokumento matapos niyang aminin sa pagdinig sa Kongreso ang kanyang pagbibigay ng pondo kay Escudero.

Bakit bawal tumanggap ng donasyon

- Advertisement -

Aalamin ng Comelec kung lumabag ang mga sangkot sa Section 95 ng Omnibus Election Code, kung saan ipinagbabawal ang sinumang may kontrata o sub-contract sa gobyerno o nagsasagawa ng konstruksyon at iba pang gawain na magbigay ng kontribusyon para sa pangangampanya ng isang politiko o partido.

Sa Sekyon 95-C ito ang isinasaad na bawal magbigay ng donasyon: “Natural and juridical persons who hold contracts or sub-contracts to supply the government or any of its divisions, subdivisions or instrumentalities, with goods or services or to perform construction or other works.”

Ayon kay Comelec Commissioner George Erwin Garcia, layunin ng probisyong ito na hadlangan ang mga kontratista na abusuhin ang pagdodonasyon upang makakuha ng mas maraming proyekto ng gobyerno.

Ayon kay Garcia babase ang desisyon ng Comelec depende kung ang kontribusyon ni Lubiano ay mula sa kanyang personal na pondo o mula sa pondo ng kanyang kompanya.

Iba pang alegasyon ng ilegal na donasyon

Nilinaw din ng Commissioner na hindi lamang si Senador Escudero ang nahaharap sa isyung ito dahil kasalukuyan ding tinitingnan ng Comelec ang mga alegasyon na tumanggap ang iba pang kandidato noong 2022.

- Advertisement -

Pangunahin na sa mga kumandidato noong 2022 na iniulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na tumanggap ng mga donasyon mula sa mga contractor sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte.

Nagsabi na ang Malakanyang na handa sa anumang imbestigasyon ng Comelec si Pangulong Marcos.

Ayon pa sa ulat ng PCIJ, may 50 pang kontratista na nagbigay ng pondo para sa kampanya ng mga kandidato noong eleksyon 2022 ang iniimbestigahan ng Comelec ngunit hindi pa ang mga ito pinangalanan.

Walang kapalit

Umamin si Senador Escudero na tinanggap nya ang P30 milyong donasyon ni Lubiano ngunit hindi aniya ito nangangahulugang para magkakontrata ang kompanya ni Lubiano sa Sorsogon, kung saan nagsilbing gobernador si Escudero mula 2019 hanggang 2022.

Ngunit ang Centerways ni Lubiano ang isa sa 15 kontratista ng gobyerno na nakakuha ng P100 bilyong halaga ng flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.

Ayon sa ulat ng The Manila Times, ipinapakita ng mga talaan na mayroon lamang 12 kontratang nagkakahalaga ng P720 milyon noong 2021 ang Centerways, subalit mula 2022 hanggang 2025, matapos makapagbigay ng P30 milyong donasyon si Lubiano, lumobo ang kontrata sa 90 proyekto na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P15.9 bilyon.

Ethics complaint

Bukod sa hinaharap na kaso sa Comelec, isang abogadong nagngangalang Eldrige Marvin Aceron ang nagsampa ng isang detalyadong ethics complaint laban kay Senador Escudero.

Ayon sa reklamo, lumabag si Escudero sa ethical standards ng Senado at sumuway sa batas ng eleksyon nang tanggapin nito ang P30-milyong donasyon.

Ayon pa kay Aceron, may P35-milyong ‘butas’ sa equity accounts ang isinumiteng audited financial statements sa Securities and Exchange Commission (SEC) ng Centerways.

Dagdag pa niya, tatlong magkakaibang bersyon ng 2022 fiscal report ang isinumite nito kung saan nagpapakita ang isa ng beginning retained earnings na P315 milyon, na binago at ginawang P280 milyon nang walang paliwanag.

Tumutugma, aniya, ang kaibahang ito kung kailan nagbigay ng P30-milyong donasyon at isang P35-milyong “Deposit for Subscription” na naitala taong 2021.

Hindi, aniya, maaaring paghiwalayin ang sinasabing personal donation ni Lubiano sa pondo ng kompanya na nagpapatunay lamang umano na ginamit ito sa pangangampanya ni Escudero.

Inakusahan din ni Aceron si Escudero  ng paglabag sa maraming probisyon ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials, pagbabawal sa mga donasyon ng mga kontratista base sa Omnibus Election Code at pagpapahina sa integridad ng government procurement.

Nais ni Aceron na i-subpoena ang lahat ng bersyon ng financial statement, audit work papers, at bidding documents ng Centerways, at hingan ng testimonya sina Lubiano, ang auditor ng kompanya at mga DPWH procurement official.

Inirerekomenda din nito ang posibleng parusa mula sa censure, suspensyon o pagpapatalsik at referral ng mga potensyal na ebidensya sa Department of Justice at sa Office of the Ombudsman.

Kinumpirma ni Senate Committee on Ethics chairman Sen. JV Ejercito na natanggap na ng komite ang reklamo ni Aceron.

Ayon kay Ejercito, pag-uusapan ng panel ang kanilang susunod na gagawin bagama’t binigyang-diin nito na nag-iimbestiga na rin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa mga flood control projects.

Pahayag ni Escudero

Kaugnay ng show cause order ng Comelec, sinabi ni Senador Escudero na wala siyang nilabag.

Sa isang pahayag, sinabi niya: “We welcome the opportunity to prove that — like  the others who are similarly situated in the PCIJ report on the 2022 elections —n o  law has been violated.”

Kaugnay naman ng ethics complaint sa Senado, sinabi ng Senador na ito ay politically motivated.

“Hindi ko na ito ikinagulat. Ito ang kabayaran sa pagbanggit ko sa pangalan ni Martin Romualdez at sa pagbubunyag sas katotohanan,” ayon kay Escudero.

Aniya, bahagi itong harassment mula sa kanyang mga “minions.” “This is not about ethics. This is political retribution,” saad pa nya.

“This complaint is still part of their script and a desperate smokescreen. I will expose it for the politically motivated sham that it is,” ayon sa pahayag na may petsang Oktubre 2, 2025.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -