30 C
Manila
Huwebes, Hulyo 23, 2026

Ang Bogo Bay Fault at bakit ito dapat pag-ingatan

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG Pilipinas ay isa sa mga bansang madalas makaranas ng iba’t ibang sakuna gaya ng bagyo, lindol, at landslide. Subalit, isang nakababahalang pattern ang nabubuo: ang sabayang pagdating ng mga sakuna o ang tinatawag na cascading hazards.

Sa ganitong mga pangyayari, ang isang kalamidad ay maaaring magdulot o magpalala ng isa pa, kaya’t mas malaki ang pinsala sa buhay, ari-arian, at kalikasan.

Ang cascading hazard ay mga magkakasunod na sakuna kung saan ang isang natural na pangyayari ay nagiging sanhi o nagpapalala ng kasunod na panganib. Halimbawa, ang malakas na ulan ay maaaring magdulot ng landslide, na mas pinatindi pa ng kasunod na lindol.

Sa nakalipas na 13 taon, mula noong Pebrero 6, 2012, nang tumama ang magnitude 6.9 na lindol sa Negros Oriental, hanggang sa nito lamang Setyembre 30, 2025, kung kailan yumanig ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu, 14 na ang mapaminsalang lindol na yumanig sa bansa.


Pagtaas ng mga lindol na nagmula sa mga hindi pa natutuklasang mga fault

Mas nakababahala ang lumalabas na pattern: sa loob lamang ng 13 taon, apat na beses nang naranasan ng bansa ang mga malalakas na lindol na nanggaling sa mga hindi pa natutukoy na fault o bitak sa ilalim ng lupa.

Ayon sa mga datos ng pagsusuri, kabilang sa mga lugar na tinamaan ng malalakas na lindol mula sa mga hindi kilalang fault ay:

  • Negros Oriental – Pebrero 6, 2012
  • Bohol – Oktubre 15, 2013
  • Zambales – Abril 22, 2019
  • Cebu – Setyembre 30, 2025

Ano ang Fault at ang mga uri nito? 

- Advertisement -

Ang fault ay isang bitak o lamat sa ibabaw ng lupa (o ilalim nito) kung saan gumagalaw ang dalawang bahagi ng crust ng mundo.

Ang mundo ay binubuo ng malalaking piraso ng lupa sa ilalim na tinatawag na tectonic plates. Ang mga plate na ito ay gumagalaw — minsan nagbabanggaan, minsan dumudulas sa tabi ng isa’t isa, o kaya’y naghihiwalay.

Sa mga hangganan ng galawan nila, maaaring magkaroon ng fault line — ito ang mga lugar kung saan nagkakaroon ng tensyon o pressure sa ilalim ng lupa. Kapag hindi na kaya ng pressure, pumipiglas ang fault — at dito nagaganap ang lindol.

Mga uri ng fault

  1. Active Fault – ito ay gumagalaw pa hanggang ngayon at maaaring magdulot ng lindol sa hinaharap.
  2. Inactive Fault – ito naman ay hindi na gumagalaw o walang senyales na aktibo pa sa kasalukuyan.
  3. Unknown Fault – ito ang mga fault na hindi pa natutuklasan o nakamapa ng mga siyentipiko, kaya’t mas delikado dahil wala tayong alam na panganib sa mga lugar na tinatawiran nito.

Sa lindol sa Cebu noong Setyembre 30, 2025, natuklasan na ang sanhi ng lindol ay isang hindi kilalang fault na pinangalanang Bogo Bay Fault. Hindi ito naka-record sa mapa dati, kaya hindi rin napaghandaan ang posibleng lindol. 

Pagpasok ng bagyong Opong: Unang yugto ng kalamidad 

- Advertisement -

Bago pa man yumanig ang lindol sa Cebu, dumaan na muna ang Severe Tropical Storm Bualoi, na sa Pilipinas ay pinangalanang Bagyong Opong.

Ayon sa tala noong Setyembre 25, 2025, unang tumama ang mata ng bagyo sa timog bahagi ng Bicol Region, at pagkatapos ay dumaan sa mga isla ng Masbate, Marinduque, at Mindoro bago ito lumabas sa West Philippine Sea.

Ang sukat ng ulan (rain diameter) na dala ni Opong ay mahigit 500 kilometro, na siyang dahilan kung bakit umabot ang malalakas na ulan sa mga lugar gaya ng Hilagang Leyte at Hilagang Cebu.

Pagyanig ng lindol sa Cebu: Pangalawang yugto ng sakuna 

Pagkalipas ng limang araw, sa gabi ng Setyembre 30, 2025, tumama ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu. Hindi inaasahan ang lugar na ito bilang mataas sa panganib ng lindol.

Ayon sa mga ulat, hindi kilala ang Cebu bilang lugar na madalas lumindol — ngunit binago ito ng lindol na yumanig noong Setyembre 30. Ang kombinasyon ng bagyo at lindol ang nagpalala ng epekto sa mga apektadong lugar.

Landslide sa Leyte

Sa Hilagang-Kanlurang bahagi ng Leyte, partikular sa Barangay Catmon sa Tabango, nagsimula na ang pagguho ng lupa dahil sa malalakas na ulan mula kay Opong.

Ayon sa mga ulat ng field observers, sa mismong national highway sa lugar, ang lupa ay bumagsak ng 30 sentimetro pataas at pababa.

Pagkatapos ng limang araw, dahil sa lindol, muling lumambot at gumalaw ang lupa. Nadagdag ang paggalaw sa lupa ng halos kalahating metro pababa, na naging dahilan ng mas malawak na pinsala:

* Nasira ang highway

* Nagkaroon ng bitak sa sahig ng mga bahay

* Gumuho ang ilang pader at poste

Ito ang malinaw na halimbawa ng cascading hazard — unang dumating ang bagyo, nagdulot ng landslide, at pinatindi ito ng kasunod na lindol.

Sitwasyon sa ground zero: Bogo City, Cebu

Isa sa mga lugar na pinakaapektado ng lindol ay ang Bogo City sa Cebu.

Ayon sa mga ulat mula sa lugar, bago pa man makapasok ng lungsod, makikita na ang mga residente sa gilid ng kalsada, humihingi ng tulong — pagkain, tubig, tirahan.

Dahil sa dami ng sasakyang papunta sa lugar — dala ang mga relief goods at tauhan mula sa gobyerno, militar, at volunteers — umabot ng 10 hanggang 12 oras ang biyahe mula Cebu City hanggang Bogo City, na dati’y umaabot lang ng tatlong oras.

Sa pagpasok sa sentro ng lungsod, mas kapansin-pansin ang pinsala:

* Dalawang bagong tayong fast food establishments ang malubha ang pagkasira

* Ang isa ay gumuho ang mga poste, nabasag ang mga salamin, nakakiling ang buong gusali

* Ang mga katabing gusali ay hindi gaanong napinsala, na nagpapahiwatig na ang lugar kung saan tumayo ang fast food ay posibleng mismong tinamaan ng fault

Ang sanhi ng lindol: Bogo Bay Fault 

Matapos ang lindol, agad na nagsagawa ng pagsusuri ang mga eksperto mula sa Structural Geology and Tectonics (SGT) Laboratory ng UP National Institute of Geological Sciences (UP NIGS) upang matukoy ang pinagmulan ng lindol.

Ayon sa pagsusuri ng UP NIGS, ang lindol ay nagmula sa isang fault na offshore, may galaw na right-lateral slip, at may direksyong northeast.

Ang Right-lateral slip ay uri ng galaw ng fault kung saan ang kabilang panig ng lupa ay gumagalaw pakanan. Habang ang Focal mechanism ay tumutukoy sa paggalaw sa ilalim ng lupa sa mismong pinanggalingan ng lindol.

Kumpirmasyon ng Phivolcs: Bagong fault na tinawag na “Bogo Bay Fault”

Noong Oktubre 3, 2025, tatlong araw matapos ang lindol, inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na natukoy na ng kanilang mga siyentista sa field ang inland trace ng fault na naging sanhi ng lindol.

Ayon sa Phivolcs, tinawag nila itong Bogo Bay Fault. Tugma ang oryentasyon at galaw nito sa interpretasyon ng UP NIGS.

Ang pagtuklas na ito ay isang mahalagang hakbang sa pagpapabuti ng kahandaan sa lindol sa rehiyon.

Ayon sa Phivolcs, maaaring gamitin ang impormasyong ito upang maiwasan ang pagtatayo ng bahay o gusali sa mismong fault line, at para mapalakas ang urban planning at hazard mitigation.

Gayunman, paalala ng mga eksperto, ang natukoy na bahagi ng fault ay 1.5 kilometro pa lamang. Subalit, base sa empirical equations ng ugnayan ng lindol at haba ng fault, ang isang magnitude 6.9 na lindol ay maaaring mangahulugang mahigit 50 kilometro ang haba ng fault.

Dahil dito, panawagan ng mga siyentipiko na ituloy ang tracing ng buong haba ng Bogo Bay Fault, lalo na sa bahagi ng karagatan.

Mula sa hindi inaasahang fault, sa matinding ulan ng bagyo, hanggang sa pagguho ng lupa at pagkasira ng estruktura, isang malinaw na aral ang natutunan: hindi sapat ang kasalukuyang kaalaman natin sa mga geological hazards ng bansa.

Ayon sa mga eksperto, kailangan ng:

  • Mas masusing pag-aaral sa mga fault at geological hazards
  • Mas aktibong pagtukoy sa mga unknown faults
  • Mas pinalakas na pagtutulungan ng agham at pamahalaan
  • Mas maagang babala at paghahanda ng mga komunidad
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -