SINABI ni Senador Win Gatchalian na ililipat ang ₱3 bilyong pondo para sa Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS) Program mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa Department of National Defense (DND), dahil sa mababang completion rate at mga nakatiwangwang na proyekto.
Ipinakita ng chairperson ng Senate Committee on Finance sa nakaraang pagdinig ang mga hindi pa natatapos na proyekto ng DPWH para sa Philippine Air Force (PAF) sa Pasay City: dalawang multipurpose building na nagkakahalaga ng ₱72 milyon at ₱51 milyon na idineklarang “completed” ngunit hindi pa rin tapos. Dalawa pang proyekto ng PAF, na nagkakahalaga ng ₱60 milyon at ₱17 milyon, ay hindi pa rin tapos dahil kulang pa sa pondo.
“Para sa 2026, ililipat na natin sa DND ang ₱3 bilyon. Ang mahalaga, matapos at mapakinabangan ng ating mga sundalo ang bawat piso ng pondo,” sabi ni Gatchalian sa ginanap na budget hearing ng DND at attached agencies nito.
“Sayang naman ang mga gusali, nakatayo pero hindi nagagamit. Mas mainam na ang DND na mismo ang magpatupad ng mga proyekto dahil sila naman ang nakakaalam ng kanilang mga pangangailangan,” dagdag pa niya.
Iniulat ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na mula sa 944 na aprubadong proyekto ng TIKAS mula 2019, 648 pa lamang ang natatapos, at marami ang naiwan na hindi pa tapos o hindi pa napapakinabangan.



