MATAPOS magsumite ng Judicial and Bar Council (JBC) ng pitong pangalan para sa posisyong Ombudsman kahapon, Oktubre 7, 2025, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Justice Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman, ayon sa Palasyo.
Ang mga isinumite na nasa alphabetical order ay sina Philippine Competition Commission chairman Michael Aguinaldo; retired Court of Appeals Justice Stephen Cruz; Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan; Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Anna Liza Logan; retired SC justice Mario Lopez; Sandiganbayan Associate Justice Michael Frederick Musngi; at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang pagtatalaga kay Remulla ay naaayon sa pangako ng administrasyon na “labanan ang korapsyon kung saan ito nananahan.”
“As Ombudsman, Remulla is expected to uphold transparency, strengthen anti-corruption measures, and ensure that justice is administered fairly and efficiently,” ayon sa pahayag ng PCO at sinabing na walang “ sacred cows, no exemptions, and no excuses.”
“Public office is a public trust, and those who betray it will be held accountable,” dagdag pa ng pahayag.
Pinalitan ni Remulla si Samuel Martires na nagretiro nitong Hulyo.
Kasunod na itatalaga ng Palasyo ang papalit kay Remulla sa DOJ.
Nanilbihan si Secretary Remulla bilang ika-59 kalihim ng Department of Justice simula Hunyo 2022.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, binabantayan ng Ombudsman ang pangkalahatan at tiyak na pagganap ng lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno at iniimbestigahan ang mga reklamo laban sa mga pampublikong opisyal.
Ang Ombudsman ay may nakapirming termino na pitong taon, at maaari lamang matanggal sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment.

