34 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Ano ang salitang ugat ng sauna?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

 SALITANG UGAT ng SAUNA? Hindi ba’t dayuhang salita ito, na nangangahulugang “steam bath”? ito ang kahulugang mas kilala ng mga Pilipino sa ngayon.

Pero ito ay salitang Tagalog na binubuo ng SA- + UNA. Mas kilala kasi natin ang anyo nitong may panlapi – SINAUNA (SA-+-IN-+UNA), at may kahulugang “noong unang panahon,” “lumang-luma na.” Sa Vocabulario de la lengua tagala nina Noceda at Sanlucar, nakatala ang salitang SAONA, na “nangangahulugang noong nakaraan.” Bagama’t U ang narinig na tunog, binaybay ng mga prayleng Kastila ang salita gamit ang O, sa halip na U. Inilapat kasi nila ang sariling palabaybayan sa ispeling ng mga sinaunang salitang Tagalog:  Ang letrang U ay ginagamit nila kasama ng letrang G (halimbawa, guitara at guerra) at Q (halimbawa, que at Quirino). At ang U naman ay ginamit katumbas ng W sa mga salitang tulad ng AUIT (awit) at SAUI (sawi).

Ang SAUNA ay halimbawa ng mga salitang nabuo sa pamamagitan ng SA. Hindi karaniwang nakatala ang SA sa hanay ng mga panlapi, pero maraming salitang nilangkapan ng SA.

Alam mo ba ang salitang ugat ng salitang KASALUKUYAN? Ayon sa isang dalubhasa, SALOKOY (na nangangahulugang “ang nangyayari o nagaganap ngayon”) ang salitang ugat dahil ito ang nakatala sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar. Hindi ako sang-ayon. Kasi, ang mga salitang Tagalog ay karaniwang binubuo ng dalawang pantig lamang. Kapag may higit sa dalawang pantig, posibleng hiram na salita o kaya naman ay may panlapi na. Kaya posible na ang SA ay hindi bahagi ng salitang ugat, kundi katagang inilapi sa salitang ugat.

Samakatwid, posibleng ganito ang pagkakabuo ng salitang KASALUKUYAN: KA-+SA-+LOKOY-+AN. Pero posible rin naman na ang tama ay ang dalubhasang nabanggit, na SALOKOY ang salitang ugat. Ang ikinaiba ko naman ay may paliwanag ang aking paniniwala.


Iba pang mga salita

Sino ang hindi nakakaalam ng salitang ISADULA? Ganito ang pagkabuo nito: I-+SA-+DULA. Ang I- ay panlaping gamit sa pagbubuo ng pandiwa. Nangangahulugan itong “gawing dula ang isang bagay, maaaring isang manuskrito, o  isang kwento, na gagawing dula. Nariyan din ang ISABUHAY, gawing bahagi ng iyong buhay. ISADIWA, na ganyan din ang pagkakabuo, na ang kahulugan naman ay “gawing bahagi ng iyong diwa o kaisipan.” Marami ngayong nananawagan na ISAPUBLIKO (ipaalam sa publiko) ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang imbestigasyon nito sa mga flood control projects. Nagtataka ang marami kung bakit inililihim ang mga diskusyon sa halip na ipabatid ito sa taumbayan, tulad ng mga pagdinig noon ng Kamara tungkol sa extrajudicial killing (EJK) nang nakalipas na rehimen. Ang mga pagdinig ay ISINASAHIMPAPAWID, kaya napapanood sa YouTube, Facebook at TV.

Mayroon kayang nagsasagawa ng PAGSABAT (PAG-+SA-+ABAT)? Ang ABAT ay pigilin o harangan.

Kapag sinabing ISAAKLAT ang isang manuskrito, tulad din ng isadula, isabuhay, isadiwa, isapubliko, nangangahulugang may transpormasyon – mula sa isang anyo tungo sa ibang anyo. Kapag sinabing ISAPANAHON ang sinusulat mo, ibig sabihin ay gawing updated o angkop sa kasalukuyang panahon.

- Advertisement -

Paano naman ang salitang SUMALANGIT? Nabuo ito mula sa SA-UM-+LANGIT, na ang -UM- ay panlaping makadiwa. Mula sa lupa patungo sa langit ang katawang lupa. Kapag SUMAIMPIYERNO ay bumaba sa halip na umakyat ang kaluluwa ng yumao. Diyan daw patungo ang mga korap sa Pilipinas, sabi nila.

Gayon din ang kahulugan ng SUMAKABILANG-BUHAY, mula sa buhay na ito patungo sa ibang buhay na walang hanggan. Sabi naman nila, may iba na hindi sa kabilang buhay tumutungo, kundi sa kabilang BAHAY lamang, ito iyong mga asawang nangangaliwa.

Mag-ingat sa mga banta ng SABUNOT (SA-+BUNOT, o pagtanggal mula sa ugat) lalo’t kung tulad ka ng isang bagong senador na hindi nagugusot at laging maayos ang makapal na “buhok.” Baka kasi matanggal ang lahat mong buhok. Kapag may nagbanta, dapat maging mabilis sa PAGSALAG sa SABUNOT upang hindi malantad ang anit. Ang SALAG ay maaaring mula sa SA-+ILAG, na nangangahulugang pagsangga o paghadlang sa hampas ng kapwa. Kapag nagkataon ay huwag naman sanang MASALANTA ang iyong ulo, o maging sirang-sira (pisikal, hindi mental), upang hindi ka maging SAKMAL ng pagdurusa (posibleng SA-+KAMAL, na ang ibig sabihin ay biglang pagdakot, hindi lamang ng salapi.

Alam mo ba ang itsura ng SÁBUKÓT? Ito ay taong gulong-gulo ang buhok. Maaari ding taglay ang itsura ng BUKOT, taong maikli ang leeg at ang mga balikat ay nakahigit, o nakataas, tulad ng isang nahihirapang huminga dahil may TB (tuberculosis). Kapag ikaw ay SINABUKAY, bigla kang tinira sa mukha. Samantala, ang SABOY ay pagpapaalis sa tao o hayop upang itaboy sa ibang lugar.

Kapag hindi sigurado ang iyong panalo, sinasabing SAPALARAN ang pagsali sa paligsahan: SA-+PALAD-+-AN. Nasa palad mo kung mananalo ka o hindi.

Sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar, may ganitong entri: SAKAM (hawakan sa kamay), at SAKBAY (ipatong ang braso sa ibang tao – SA-+ AKBAY).

- Advertisement -

Iyan ang mga halimbawa ng mga salitang may SA sa pagkakabuo. Samakatwid (SA-+MA-+KA-+TUWID), marami pa sigurong masasaliksik na mga salita kung lalaliman pa ang ating pagsusuri.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -