28.4 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Policy Research 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG policy research ay isang sistematiko at malayuning proseso ng pag-aaral at pagsisiyasat ng mga problemang panlipunan na nangangailangan ng likas-kayang solusyon at ng mga umiiral na patakaran na nangangailangan ng masusing pagsubaybay at ebalwasyon. Sa parametrong ito, ang maayos na sistema ng pangangalap ng datos at matalas na pagsusuri nito ay kapwa mahalaga upang matukoy ang tamang direksyong tatahakin at pinakamakatwirang desisyong pipiliin ng pamahalaan. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang paalala at konsiderasyon ukol sa policy research bilang isang proseso, praktika at pananagutan.

  • Alamin ang sinasaklaw ng policy research kung saan kadalasang kabilang ang mga sumusunod: potensyal na pakinabang at pinsala ng patakaran, taglay na kalakasan at kahinaan ng ahensiya, oportunidad, banta at panganib na hatid ng patakaran, programa o proyekto, inaasahang kahahantungan sa pagtatapos ng programa o proyekto, biswalisasyon ng ugnayan ng input, process, output at outcome, at pampinansiya at panlipunang implikasyon ng patakaran.
  • Tandaan na ang pananaliksik bilang panlipunang praktika (social practice) ay isang sistematikong proseso na kinakapalooban ng pagpaplano (planning), pagkokonseptuwalisa (conceptualization), pagpapatupad (implementation), pagtatasa (assessment), pagsusulat at rebisyon (report writing and revision), pagpapalaganap (dissemination) at maging paglalathala (publication).
  • Ituring ang policy research na kinapapalooban ng agham, sining at etika. Ang pagpaplano, koleksyon at pagsusuri ng datos, halimbawa, ay kinatatampukan ng siyentipikong paraan at maging ng masining at makakapwang mga estratehiya upang maging epektibo, lapat, tumutugon at may pagsasaalang-alang sa kagihawahan ng iba, lalo na ng mga nasa laylayan.
  • Tukuyin ang malawak na saklaw ng patakaran na kinabibilangan ng mga sumusunod: regulatory policy, administrative policy, recruitment policy, assessment policy, development policy, fiscal policy, budget policy, debt management policy, monetary policy, credit policy, agricultural policy, trade policy, foreign policy, environmental policy, labor policy, health policy, education policy, housing policy, population policy, technology policy, transportation policy, migration policy, tourism policy, media policy, communication policy, language policy at iba pa.
  • Ikonsidera sa policy research ang magkakadugtong na layuning personal (micro), institusyonal (meso) at panlipunan (macro) sa usapin ng paglalatag ng adhikain, pagbabalangkas ng plano at aktwal na pagsasagawa ng pananaliksik.
  • Alamin ang iba’t ibang uri ng policy research. Pangunahin dito ang policy analysis kung saan sinusuri kung anong patakaran ang pipiliing ipatupad batay sa iba’t ibang nagtatambalan (converging) at nagtatalabang (diverging) opsyon. Kadalasang ginagamit sa policy analysis ang cost-benefit analysis, stakeholders analysis, SWOT analysis, scenario planning, multi-criteria decision analysis at iba pa. Ikalawa ay ang policy evaluation o ang pagsisiyasat sa patakaran matapos ang pagpapatupad nito upang mapagdesisyunan kung ito ba ay naging matagumpay o nangangailangan ng pagbabago o pagpapahinto sa susunod na larga. Kadalasang ginagamit sa policy evaluation ang theory of change (ToC), cost-effectiveness analysis, at maging stakeholder analysis. Panghuli ay ang impact assessment o ang pagsisiyasat ukol sa epekto ng patakaran sa indibidwal, grupo, sektor, industriya, lipunan at kalikasan. Karaniwang ginagamit dito ang economic impact assessment, social impact assessment, environmental impact assessment, health impact assessment at most significant change (MSC). Isa pang paraan ng pag-uuri ng policy research ay ang mga sumusunod na kategorya: ex-ante evaluation (before), in vivo evaluation (during) at ex-post evaluation (after). Mahalaga ang in vivo evaluation para malaman kung may kinakailangang isagawang pagbabago o interbensyon sa kalagitnaan ng pagpapatupad.
  • Isaisip na mahalaga ang policy analysis kung bumabalangkas at bumubuo ng patakaran o kung magsasagawa ng policy redesign.
  • Tandaan na ang policy research ay kinakapalooban ng mapagnilay at matalinong pagpapasya sa hahalawin at pagtitibaying patakaran mula sa mga opsyong nakabatay sa iba’t iba at nagtutunggaling mga pananaw, interes at panawagan sa lipunan.
  • Saklawin sa policy research ang mga matagal nang umiiral, bago at ipapatupad pa lamang na mga patakaran.
  • Isaisip ang mga sumusunod na konsiderasyon upang walang maisasantabing aspekto sa policy research: positibo at negatibong epekto (positive and negative), kagyat at pangmatagalang epekto (immediate and long-term), pangkalahatan at espisipikong epekto (general and specific), direkta at di-direktang epekto (direct and indirect), at inaasahan at di-inaasahang epekto (intended and unintended).
  • Linawin kung anong antas ng policy research ang nais saklawin at isagawa. Ito ay maaaring tumutukoy sa (1) pangkalahatang direksyon tatahakin at diin na pagtutuunan ng ahensiya, (2) partikular na kaparaanan at estratehiya na gagamitin para sa katuparan ng mga layunin ng institusyon, (3) ugnayan at interaksyon ng ahensiya sa iba pang sektor, institusyon at mas malawak na lipunan, at (4) aktuwal at lapat na pagpapatupad ng patakaran at paggampan ng responsibilidad.
  • Inaasahan na ang pananaliksik ay may matibay na pampatakaran at/o praktikal na ambag sa larangan. Kadalasang ikinukumpara ang policy research sa academic research na may mas malakas na konseptwal at teoretikal na salalayan at katangian. Mahalagang mabigyang-diin din na ang policy research at academic research ay kapwa dapat nag-aambag sa pagpapaunlad ng metodolohiya at metodo ng pananaliksik upang mas maging masinsin, sistematiko, lohikal, maasahan at tumutugon.
  • Mahalagang maitampok din ang pagkakaiba ng policy research sa market research dahil bagama’t parehong may kinalaman sa praktikal na dimensyon at aplikasyon, ang market research ay mas tumutukoy sa negosyo, preperensiya, pagtangkilik, kita at tubo.
  • Ilinya ang pananaliksik alinsunod sa layuning tumugon ito sa krisis o problemang panlipunan. Kapwa dapat may kritikal at pragmatikong katangian ang policy research.
  • Magsagawa ng masinsing literature review upang maging matibay na batayan ng mabubuong research gap.
  • Isaisip na kagaya ng anumang pananaliksik, kailangang maging malinaw ang problem statement, research gap, research questions, research objectives, research scope, research (de)limitation at research procedure.
  • Gamitan ng triangulation ang pananaliksik upang saklawin pareho ang desk research at field data. Sa pamamagitan nito ay mas magiging mayaman ang datos na pagbabatayan ng pagsusuri at interpretasyon.
  • Tandaan na ang policy research ay nangangailangan ng masinop na pagtatala at dokumentasyon ng datos. Mahalagang bahagi ng pananaliksik ang knowledge management (KM).
  • Maging matalas sa pagsubaybay ng mga nagbabagong kondisyon sa lipunan at kapaligiran bago at habang isinasagawa ang pananaliksik dahil maaaring may mga mabago sa sasalayan (foundation), salik (factors), hamon (challenges), pagpapalagay (assumptions) at hinuha (inferences).
  • Bigyang-pansin ang mga padron ng pananatili at pagbabago (pattern of constancy and change) sa mga sinusubaybayang penomenon at proseso.
  • Ikonsiderang gamitin sa pagsusuri ang mga nakatiwangwang na datos. Kadalasang nababalewala at nasasayang ang mga rekursong ito na nag-iintay lamang na masuri, mabigyang interpretasyon at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.
  • Talasan ang diwa upang magamit ang mga datos sa mga repositoryo na nakaimbak at nakatambak lamang at hindi napapakinabangan sa pag-aaral at pagsisiyasat.
  • Itambal ang mga datos na ito sa mga bagong datos na mahahalaw mula sa sarbey, panayam, obserbasyon at/o etnograpiya.
  • Bigyang-pansin ang epekto ng patakaran sa aktwal na kondisyon at larangan, lalo sa mga pinakabulnerableng sektor sa pamayanan. Huwag kalimutang katuwangin at saklawin ang komunidad sa pananaliksik. Kadalasan kasing may teknokratiko, mapagkubkob at elitistang katangian ng mainstream policy research.
  • Pagnatilihin ang prinsipyado at mapagpalayang tindig sa pagsasagawa ng pananaliksik upang hindi maimpluwensyahan ng dikta at kumpas ng mga naghaharing uri at nakapagyayaring puwersa sa lipunan.
  • Pagtibayin ang pagsusuri at interpretasyon na magsisilbing batayan ng rekomendasyong ituloy, paigtingin o baguhin ang umiiral na patakaran.
  • Gumamit ng data visualization para sa pag-oorganisa ng datos at presentasyon ng resulta, pagsusuri at interpretasyon upang mas maging pukaw-kamalayan at pukaw-damdamin.
  • Pagplanuhan mabuti kung paano mabisang ikokomunika at ipapamahagi ang pananaliksik sa mga tagagawa ng batas, tagabuo ng patakaran at mas malawak na sektor pangkaunlaran. Ang presentasyon at diseminasyon ay maaaring sa porma ng ulat, policy brief, biswal na pagsasalarawan at multimodal na paraan.
  • Unawain ang mga nagtatambalan at nagtatalabang interes sa mas malawas na pampatakaran at pangkaunlarang ekolohiya (policy and development ecology). Kung minsan ay iniuuri ang mga interes o pagkiling sa pamamagitan ng isang spectrum: strongly for, nominally for, neutral/undecided/not sure, nominally against at strongly against.
  • Tandaan na mas magiging epektibo ang pananaliksik at presentasyon kung tambalan ito ng human sciences at humanities, stats at stories, at report at rapport.
  • Pagtibayin ang papel na ginagampanan ng policy research sa pagpapanaig ng katarungang panlipunan, karapatang pantao at kilusang pagbabago. Pinalalakas ng policy research ang kultura ng pagpapanagot (accountability), pampublikong tiwala (public trust) at pagiging mapagbantay (vigilance).
  • Paghalawan din ng aral ang karanasan ng ibang ahensiya, komunidad at bansa, lalo na yaong may kaparehong kondisyon, kapaligiran at konteksto.

Bilang pagbubuo(d), maituturing na malaki ang ambag ng policy research sa pagkokonseptwalisa, pagbabalangkas, pagdidisenyo, pagpapatupad, pagsubaybay, ebalwasyon at pagsusuri ng patakaran batay sa parametro ng effectiveness, efficiency, economy, ecology, equity at ethics. Kapwa rin mahalagang bigyang-diin ang kritikal na papel ng policy research sa proseso ng kaunlaran at pagtiyak sa responsableng paggamit ng limitadong rekurso, lalo na sa konteksto ng mahihirap na bansa at laganap na hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -