INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng pondo para sa FY 2023 Performance-Based Bonus (PBB) ng mga kwalipikadong miyembro ng Philippine Navy (PN) at Philippine Air Force (PAF) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA). Ito ay bilang pagkilala sa kanilang malaking papel sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, at katatagan ng bansa.

Kabuuang ₱783.28 milyon ang inilabas ng DBM para sa tatlong ahensya sa pamamagitan ng magkakahiwalay na Special Allotment Release Orders (SAROs).
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, “Ang pag-apruba ng 2023 PBB ay patunay ng suporta at pagpapahalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga miyembro ng Navy, Air Force, at NICA — mga ahensyang patuloy na naglilingkod at nagpoprotekta sa sambayanang Pilipino kahit kapalit nito ay panganib at sakripisyo.”
Sa kabuuang halaga, ₱421.985 milyon ang inilaan para sa 25,821 kwalipikadong opisyal at kawani ng Philippine Navy. Inaprubahan ng DBM ang kaukulang SARO noong Oktubre 17, 2025.
Batay sa final validation ng Inter-Agency Task Force (IATF), bawat kwalipikadong miyembro ng Navy ay makakatanggap ng PBB na katumbas ng 48.75% ng kanilang basic salary noong Disyembre 31, 2023. Ito ay alinsunod sa Final Eligibility Assessment Report ng Administrative Order No. 25 IATF, na nagsuri kung pasado ang ahensya sa mga itinakdang pamantayan para sa pagbibigay ng PBB.
Kasama rito ang mga opisyal at empleyadong nakatanggap ng rating na hindi bababa sa “Very Satisfactory” ayon sa pamantayan ng Civil Service Commission o Career Executive Service Board.
Samantala, ₱342.467 milyon naman ang inilabas ng DBM noong Oktubre 14, 2025 para sa 19,803 kwalipikadong personnel ng Philippine Air Force.
Batay din sa resulta ng IATF validation, bawat miyembro ng Air Force ay makakatanggap ng PBB na katumbas ng 52% ng kanilang basic salary noong Disyembre 31, 2023.
Para naman sa NICA, ₱18.828 milyon ang inilabas ng DBM noong Oktubre 9, 2025. Makatatanggap ng benepisyo ang 896 kwalipikadong opisyal at empleyado, na tatanggap ng PBB na katumbas din ng 52% ng kanilang basic salary, ayon sa parehong proseso ng IATF validation.
Matatandaang bago pa ito, naglabas na rin ang DBM ng ₱1.64 bilyon para sa 110,688 kwalipikadong opisyal at empleyado ng Philippine Army, at ₱3.39 bilyon para sa mahigit 225,000 personnel ng Philippine National Police bilang bahagi ng 2023 PBB releases.



