HINIHIMOK ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patunayang urgent ang Senate Bill No. 1215, na lilikha sa Independent People’s Commission (IPC) para maimbestigahan ang mga anomalya sa mga proyekto ng infrastructure sa gitna ng multi-billion-peso flood control corruption scandal.

Ang SB No. 1215 ay iminungkahi nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senators Erwin Tulfo at Risa Hontiveros.
“Hinihiling natin sa Pangulo na i-certify as urgent itong panukalang batas na ito,” sabi ni Sen Kiko sa kanyang opening statement sa naganap na Senate Committee on Justice and Human Rights’ hearing nitong Oktubre 22.
Sinabi ng Senador, na siyang chairperson ng Committee on Justice and Human Rights, na ang IPC ay magiging permanente at non-partisan body na magpo-pokus sa pag-imbestiga ng mga anomalya sa mga proyektong infrastructure ng pamahalaan.
“Kung maiisasabatas, ang komisyong ito ay magiging mas malakas at mas malaya kumpara sa kasalukuyang ICI sa ilalim ng isang executive order. Ang Senate Bill No. 1215 ay nagbibigay sa IPC ng statutory permanence, ganap na kalayaan, at garantisado ang transparency at fiscal autonomy,” diin ni Pangilinan.
Sa panukalang batas na idinisenyo para palakasin ang kapangyarihan, istruktura, at pondo, ipinaliwanag ng senador na poprotektahan nito ang IPC mula sa pamumulitika.
Sasaklawin din ng IPC ang lahat ng uri ng proyektong imprastraktura ng pambansa at lokal na pamahalaan, kabilang ang sa edukasyon, agrikultura, pagkontrol sa baha, disaster resilience, at marami pang iba.
Sa ilalim ng panukala, dapat isumite ng IPC ang pinal na ulat nito sa Pangulo at Kongreso sa loob ng 30 araw mula sa pagtatapos ng imbestigasyon nito. Ang ulat ay isasapubliko kaagad pagkatapos nitong isumite.

