34 C
Manila
Biyernes, Hunyo 12, 2026

Sen Camille Villar: Gawing permanente ang mga matagal nang nagsisilbing job order at kontrakwal sa pamahalaan

- Advertisement -
- Advertisement -

NANAWAGAN si Senator Camille Villar sa pamahalaan na punan ang libu-libong bakanteng posisyon sa gobyerno at bigyan ng pagkakataong maging regular ang mga matagal nang job order (JO) at kontraktwal na manggagawa upang mapabilis, mapahusay, at mas maging episyente ang serbisyo publiko.

Ginawa ni Sen. Villar ang panawagan sa gitna ng nagpapatuloy na deliberasyon sa Senado para sa panukalang pambansang badyet sa taong 2026, matapos ibunyag ng Civil Service Commission (CSC) na higit 83,000 posisyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang nananatiling bakante. Ibinunyag din ng CSC na marami sa mga qualification standards ng mga posisyong ito ay hindi pa nasusuri o nababago sa loob ng mahigit 15 taon.

“Ang bawat bakanteng posisyon ay katumbas ng mabagal na serbisyo, mas mabigat na trabaho para sa iba, at sayang na buwis ng taumbayan,” ayon kay Villar. “Ang pinakamabisang paraan para mapaunlad ang serbisyo publiko ay tulungan at kilalanin ang mga mismong nagpapatakbo nito — ang ating mga job order at kontraktwal na empleyado na tapat na naglilingkod sa bayan sa loob ng maraming taon.”

Bilang tugon, inihain ni Sen. Villar ang panukalang “Regularization of Work Engagement in Government Service Act,” na layuning bigyan ng permanenteng appointment at civil service eligibility ang mga kwalipikadong manggagawa sa ilalim ng casual, contractual, contract of service, job order, at iba pang katulad na sistema ng pagtatrabaho sa gobyerno.

Sa ilalim ng panukala, ang mga nagsilbi ng hindi bababa sa limang (5) taon nang tuloy-tuloy sa mga national government agency, government-owned and controlled corporation (GOCC), at state universities and colleges (SUCs), o sampung (10) taon sa mga local government unit (LGU), ay maaaring italaga sa permanenteng posisyon sa kanilang mga ahensya. Inaatasan din ng panukala ang mga ahensya na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para sa kinakailangang pagbabago sa staffing pattern upang maisakatuparan ang regularisasyon.

Ayon kay Villar, ang kanyang panukala ay kaakibat din ng isinusulong ng CSC na reporma sa pagmomodernisa ng qualification standards at pagsasaayos ng mga lumang pay scale upang maging akma sa kasalukuyang pangangailangan at kakayahan ng mga kawani ng gobyerno. Binigyang-diin ng senadora na kasabay ng reporma sa sistema ay dapat ding tiyakin ang seguridad at benepisyo ng mga manggagawang matagal nang naglilingkod ngunit nananatiling kontraktwal.

Dagdag pa ni Villar, sa pamamagitan ng pagkilala at pagbibigay ng regular na katayuan sa mga job order at kontraktwal na manggagawa, makatitipid ang pamahalaan, mababawasan ang pagkaantala sa mga proyekto, at mapapalakas ang pananagutan sa serbisyo publiko.

“Sa pagpuno sa mga bakanteng posisyon at pagkilala sa mga matagal nang tapat na naglilingkod, hindi lang natin pinapabilis ang serbisyo — ibinabalik  din natin ang dangal at tiwala sa paglilingkod sa bayan,” pagtatapos ni Villar.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -