ISA na namang malaking hakbang tungo sa mas bukas at tapat na pamahalaan ang ginawa ng Department of Budget and Management (DBM) sa pangunguna ni Budget Secretary Amenah Pangandaman matapos niyang pangunahan ang paglulunsad ng Procurement Service-DBM (PS-DBM) Modernized PhilGEPS Open Data Portal nitong Oktubre 21, 2025.
Layunin ng Open Data Portal na gawing mas madali at mas malinaw para sa publiko, mga ahensya ng gobyerno, civil society, at mga mananaliksik ang pag-access sa mga impormasyon tungkol sa procurement o mga kontrata at proyekto ng pamahalaan. Sa pamamagitan nito, mas madaling masusubaybayan ng publiko kung saan napupunta ang pondo ng gobyerno at kung paano ito ginagastos.
“With the enhanced Open Data Portal, key stakeholders are provided with access to relevant information on public procurement activities…,” ayon kay Secretary Amenah Pangandaman.
“Ibig sabihin, buong bituka po ng procurement process ay makikita na ng publiko,” diin niya.
Dahil sa bagong portal na ito, mas magiging madaling makita at ma-download ng kahit sino ang mga impormasyon tungkol sa mga proyekto ng gobyerno. Makikita rito kung paano ginagamit ang pera ng bayan — mula sa proseso ng bidding, kung sino ang mga lumahok, hanggang sa kung kanino napunta ang kontrata.
Sa ganitong paraan, mas madali para sa publiko na makita kung patas ba ang mga proseso, kung may iregularidad bang dapat bantayan, at kung maayos bang naipapatupad ang mga proyekto ng gobyerno. Makakatulong din ito para maging mas mabilis at episyente ang procurement dahil madali nang matukoy ang mga pattern, red flags, at performance ng mga kontratang na-award na.
Ang enhanced Open Data Portal ay bahagi ng pagpapatupad ng New Government Procurement Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Hulyo 2024. Tugma rin ito sa layunin ng pamahalaan sa ilalim ng Open Government Challenge na palakasin ang kampanya laban sa korapsyon at hikayatin ang mas aktibong partisipasyon ng mamamayan sa mga proseso ng gobyerno.
“We are giving the public the means to see how every peso is spent, ensuring that government procurement remains not just efficient but truly for the people…,” sabi naman ni PS-DBM Deputy Executive Director Rommel Rivera.
“The enhanced Open Data Portal is now live! Congratulations to PS-DBM, and to all of us who continue to believe in the power of openness and good governance,” ayon kay Secretary Pangandaman.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, pinapatunayan ng DBM at PS-DBM na ang digitalization at transparency ay hindi lamang modernong hakbang — ito ay patunay ng kanilang pangako sa tapat, bukas, at episyenteng pamahalaan para sa sambayanang Pilipino.



