NAKIISA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lumalakas na panawagan para sa agarang pagsasabatas ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act ni Senador Bam Aquino, na layuning tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Sa isang pahayag, sumang-ayon si Moreno na ang panukala ni Aquino na isali ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa pagpapatayo ng mga silid-aralan ay makatutulong upang mapabilis ang pagtugon sa classroom backlog sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
“Ang mga local official ay direktang pinapanagot ng mga mamamayan sa kanilang mga desisyon, aksyon o kapabayaan. Kaya naman mabilis ang kanilang mga pagkilos,” wika ni Moreno.
“Tama si Sen. Bam Aquino na mas mapapabilis ang konstruksyon ng mga paaralan kung ang mga local government mismo ang katuwang ng national government dito,” dagdag pa niya.
Mahigit 300 lokal na opisyal — kabilang ang mga gobernador, bise gobernador, alkalde, bise alkalde, konsehal, board member, at iba pang mga pinuno — ang nagpahayag ng kanilang matibay na suporta para sa pagsasabatas ng Senate Bill No. 121.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sina League of Municipalities of the Philippines (LMP) National President at Echague Mayor Inno Dy, Naga City Mayor Leni Robredo, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Marikina Mayor Maan Teodoro, Iloilo City Mayor Raisa Trenas, Tampakan Mayor Leonard Escobillo, Infanta, Quezon Mayor LA Ruanto, at Akbayan Partylist Reps. Chel Diokno at Perci Cendana.
Binigyang-diin nila na kapag naisabatas ang panukala ni Aquino, mas mapapabilis ang pagpapatupad ng mga proyekto, mapapalakas ang pananagutan, at masisiguro na may transparency sa pagtugon sa problema ng classroom backlog.
Layon ng panukalang batas ng senador na i-decentralize ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mandato ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para maisama ang LGUs at non-government organizations (NGOs) na may track record sa pagtatayo ng silid-aralan.
Sa ilalim ng panukalang batas, bibigyan ng kapangyarihan ang LGUs at NGOs na magpatayo ng mga silid-aralan alinsunod sa mga pamantayan at alituntunin ng Department of Education (DepEd) sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Hinimok kamakailan ni Aquino si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang Senate Bill No. 121, sa pagsasabing makatutulong ito sa direktiba ng Pangulo na direktang ipadaan ang pondo sa LGUs upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga kinakailangang silid-aralan.
“Ang panawagan namin sa Classroom Acceleration Program Bill ay ibigay ito sa mga LGU. Natutuwa kami na sa araw na ito, sinang-ayunan tayo ng Presidente. We’re hoping na dahil nag-a-agree na po tayo dito, ise-certify po niya na urgent ang Classroom Acceleration Program para sabay-sabay po tayong gagawa ng mga classroom para sa ating mga kabataan,” wika ng Senador.
“Mga local government unit, mga NGO na may track record, sabay-sabay po iyan para ma-address natin iyong napakalaking problema po natin sa edukasyon,” dugtong pa niya.
Nagpahayag naman si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ng buong suporta sa panukala ni Aquino, at sinabing bukas ang ahensya sa mga pakikipagtulungan na makatutulong upang mapabilis ang pagpapatayo ng silid-aralan.
“We are in full support of this measure, especially now na dalawampu’t dalawa pa lang ang nagagawa ng departamento ngayong taon. Kailangan po talaga natin ang tulong,” wika ni Dizon, na ibinunyag sa pagdinig ng budget ng ahensya na 22 classroom lamang ang kanilang natapos sa target na 1,700 para sa 2025.
LIST OF LOCAL OFFICIALS SUPPORTING THE CAP ACT
https://docs.google.com/spreadsheets/d/1WcuUR_jEOIRECwykD0tpWMgLiWaBKifCWPiMwqjn2ls/edit?usp=sharing
FULL STATEMENTS FROM LOCAL OFFICIALS
https://docs.google.com/document/d/1lq4o0rrhcPHTRJG4j_3dZQlof0dloEgEktmdbgVQtIc/edit?usp=sharing
KN Statement
LINK TO ORIGINAL PR
https://web.senate.gov.ph/press_release/2025/1024_aquino1.asp



