LUMABAS na sa Philippine Area of Responsibility ang super typhoon na si Uwan ngunit nananatiling malakas na paksa sa social media ang bulubundukin ng Sierra Madre na pinaniniwalaang naging kalasag ng taga Luzon laban sa bagyo.

Sa Facebook, nagkalat ang mga ‘meme’ at edited na mga video na nagpapakita sa Sierra Madre bilang isang babae na pumoprotekta at nagtataboy ng malakas na bagyo.
Gaano nga ba katotoo ang paniniwalang ito? Narito ang mga naging pahayag ng ilang eksperto, resulta ng isang pananaliksik, epekto ng bagyong Uwan, at ang kalagayan ng isang bahagi ng Sierra Madre ngayon.
Storm chaser
Ayon sa beteranong storm chaser na si Josh Morgerman ng iCyclone sa isang ulat ng The Manila Times, pinahina ng Sierra Madre ang Super Typhoon na si Uwan pero hindi nito prinotektahan ang silangang bahagi ng Luzon kung saan naglandfall ang bagyo.
“The Sierra Madre Mountains weaken typhoons. But this only happens *after* communities on Luzon’s east coast take the full force,” ani Morgerman sa kanyang Facebook post.
Nagtungo sa Baler, Aurora si Morgerman at aniya, nasa kaliwang bahagi ng ‘eye wall’ ng bagyong Uwan ang Baler at hindi ito naging sobrang mapaminsala gaya ng inaasahan dahil papalabas sa dagat ang paghangin kung kaya hindi ito naging masyadong malakas gaya ng pinangambahan ng marami.
Tanging ang malalakas na hampas ng alon lamang sa seawall, nasirang railing sa may dalampasigan, mga nabaling sanga, binahang resort, basag na bintana at pinto ang naging epekto ng pagdaan ng bagyong Uwan sa Baler.
Pag-asa weather specialist
Ayon kay Benison Estareja, isang weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), mapapahina ng bulubundukin ang hangin ng isang bagyo dahil sa friction sa kabundukan.
Subalit, hindi ibig sabihin nito na hihina rin ang ulang dala nito.
Taliwas sa inaakala ng marami, mas napatataas pa ng bulubundukin ang tsansa ng mas maraming ulan dahil mas bumabagal ito pagdating sa kabundukan.
“Kung hangin ang pag-uusapan, kayang pahinain ng mga bundok ang isang bagyo dahil sa friction kapag kumilos ito mula karagatan patungo sa kalupaan, lalo na sa mga matataas na lugar. (In terms of wind, the mountains can weaken a typhoon because of friction when it moves from the ocean to land, especially over high elevations),” ayon kay Estareja. “Kung sa pag-ulan naman, hindi talaga nababawasan ng Sierra Madre o ano mang bundok ito oras na tumama ito sa kalupaan. Maaari pa ngang makaranas ng mas malakas na pag-ulan ang ilang komunidad na nakaharap sa mga bundok. (As for rainfall, the Sierra Madre or any mountain does not really reduce it once the storm hits land. Some communities facing the mountains may even experience stronger rainfall),” dagdag pa niya.
Pagsasaliksik sa epekto ng Sierra Madre sa bagyo
May isang pag-aaral na nalathala sa Philippine Journal of Science na inakda nina Gerry Bagtasa at Bernard Alan Racoma noong 2023 na nagpapatunay na nakatutulong ito para pahinain ang hangin at maging ang ulan ngunit ito ay sa Cagayan Valley lamang. Ngunit hindi ibig sabihin nito na libre na ang Cagayan Valley sa ano mang bagyo.
Sa kabilang banda, base sa pag-aaral na ito, sinabi ritong nagdudulot ng mas maraming ulan ang bulubundukin ng Sierra Madre sa Metro Manila, na tumataas ng 25 hanggang 55 porsyento, samantalang bumaba naman ang lakas ng hangin ng tatlo hanggang walong porsyento.
Dahil dito, ayon sa mga may-akda, gayong ang nagiging mas mapanira ang ulan kaysa hangin kapag may bagyo, hindi dapat asahang magiging tila kalasag ang mga bulubundukin.
Resulta ng bagyong Uwan sa ilang bayang malapit sa Sierra Madre
Hindi nakaligtas sa pagbaha ang Cagayan at Apayao province nang umapaw ang mga ilog dito.
Nagkaroon ng flash flood sa Apayao na naging dahilan ng paglikas ng mga residenteng binaha.
Binaha rin ang bayan ng Tuao sa Cagayan dahil sa pag-apaw ng ilog doon.
May 5,000 residente naman ng Tuguegarao City ang nailikas bago pa man umapaw ang Cagayan river.
Sa kabuuan, ayon sa mga ulat, umabot sa mahigit 1.4 milyong katao ang nagsilikas dahil sa bagyong Uwan kabilang dito ang mga tao na nasa Bicol region.
Ayon sa Department of Agriculture, tinatayang aabot sa P142.3 milyon ang nasirang pananim ng bagyong Uwan.
Lagay ng Sierra Madre
Kasabay ng pagti-’trending’ ng mga meme patungkol sa pagpoprotekta’ ng Sierra Madre sa Luzon, lumabas din ang mga imahe ng ginagawang pagmimina rito.
Partikular na nasa larawan ang minahan ng Dinapigue Mining Corporation, isang subsidiary ng Nickel Asia Corp.
Sa Facebook page ng DMC, may ilang mga komento na nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa ginagawang pagmimina nito sa parte ng Isabela.
Sa isang tugon ng DMC sa Facebook page, sinabi nito: “Alam niyo po ba na 0.01% lamang ng kabuuang ektarya ng Pilipinas ang aktwal na ginagamit sa pagmimina? Ayon po ito sa datos ng MGB. Kung ipapantay po sa pamilyar na lugar, kasing laki lang po ito ng buong Makati City.
Ipinakita nito ang isang graph mula sa Global Forest Watch na nagpapakita ng pangunahing dahilan ng pagkaubos ng kagubatan sa Pilipinas. “Makikita dito na mas malaking porsyento ng lupa ang ginagamit sa tirahan, sakahan, at permanenteng infrastructure kaysa sa pagmimina.
Tungkol sa pagbaha, hindi rin po natin maaaring isisi sa pagmimina dahil napakaliit lamang ng porsyento ng lupa na ginagamit dito kumpara sa ibang gamit ng lupa. Sa huli, tandaan po natin na ang pagmimina ay isang temporarily land use lamang,” sabi ng DMC sa komento.
Sa isang Facebook post ng DMC nitong Nobyembre 7, sinabi nitong nasa labas ng Sierra Madre protected area ang kanilang mga minahan.

