NANAWAGAN si Senator Loren Legarda ng ganap na transparency sa pondo ng PhilHealth sa gitna ng deliberasyon sa pambansang badyet para sa 2026 kung saan iginiit niya ang mga itinalagang subsidiya ay dapat maayos na mailaan at maipalabas.
Sa kanyang interpellation sa General Principles ng 2026 General Appropriations Bill, binigyang-diin ni Legarda ang kakulangan sa badyet ng PhilHealth para sa 2024, 2025, at 2026. Tinukoy niya kung saan inilagay ang mga pondo, bakit ito tinanggal, at paano ito ganap na maibabalik.
Ipinunto ni Legarda na walang natanggap na subsidiya mula sa pambansang pamahalaan ang PhilHealth noong 2025, matapos mabura sa final budget ang mungkahing ₱74.431 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP). Kasama sa halagang ito ang ₱53.134 bilyon para sa insurance premiums ng mga indirect contributors sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP); ₱21.17 bilyon para sa pagpapabuti ng benefit packages sa ilalim ng Universal Health Care Law; at ₱121.17 milyon para sa health insurance coverage ng mga benepisyaryo ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program. Sa kabila ng pagkakabawas ng mga alokasyong ito, patuloy pa ring nagsilbi ang PhilHealth sa mga sektor na ito, dahilan upang lalong maipit ang kanilang operating funds at reserves.
Tinuligsa rin ni Legarda ang isang insidente noong 2024 kung saan umano’y ginamit ng Department of Finance ang reserves ng PhilHealth. Aniya, dapat ibalik nang buo ang halagang iyon sa PhilHealth. “Sa PhilHealth dapat mapunta ang pondong iyon,” giit niya.
Para sa 2026, ₱53.262 bilyon ang mungkahing alokasyon sa NEP para sa PhilHealth, na pangunahing magmumula sa sin tax collections. Binalaan ni Legarda na maaaring hindi sapat ang halagang ito. Inilagay ng Kamara ang karagdagang ₱60 bilyon, kaya’t umabot sa ₱113.262 bilyon ang kabuuang mungkahing subsidiya. Malugod na tinanggap ni Legarda ang pagtaas, at kinumpirma na nangako ang Pangulo na ibabalik ang buong pondo ng PhilHealth upang mapalakas ang benepisyo sa ilalim ng Universal Health Care.
Gayunman, binigyang-diin niya na kahit may dagdag na ₱60 bilyon, hindi pa rin nito napupunan ang nabawas na reserves ng PhilHealth sa mga nakaraang taon. Iginiit ni Legarda na ang buong alokasyon ay kailangang maibigay upang maisakatuparan ang mandato ng batas.
“Nais nating matiyak na matatanggap ng PhilHealth ang buong pondong malinaw na nakatalaga para rito—pondong sapat at agad magagamit upang maihatid ang dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino,” pahayag ni Legarda. Dagdag pa niya, bukod sa pagbabalik ng nawawalang halaga, kailangang tumalima ang pambansang badyet sa Universal Health Care Law, na nagtatakda ng malinaw at predictable na earmarking para sa PhilHealth kada taon.



