30.1 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

Dapat bang umuwi ang isang OFW ngayong Pasko?

- Advertisement -
- Advertisement -

JUAN, nalalapit na naman ang Pasko! Ang daming kaibigan nating OFW ang nagpaplano nang umuwi. Pero ang dami ko ring naririnig na alalahanin. May nagre-reklamo sa mahal ng pamasahe, magastos sa dami ng kailangang bilhin at sa mga inaasahan ng pamilyang naghihintay sa kanila.

Uncle, dapat ba talagang umuwi ang mga OFW tuwing Pasko? At paano ba sila magiging “smart balikbayan” sa panahong ito ng pagbibigayan, lalo na sa gitna ng ating kulturang minsan ay nakakabigat sa bulsa?

Oo, Juan, ramdam na ramdam ko ang dilema na ‘yan ng ating OFW. Ang Pasko sa Pilipinas ay walang katulad, lalo na para sa ating mga kababayan na malayo sa pamilya. Ang pag-uwi ay pangarap ng bawat OFW at ang pagiging “balikbayan” ay may kaakibat na halo-halong emosyon – saya, pagmamahal, pero madalas, pati na rin ang pressure sa pera na pinalalala ng ating kultura.

Ang bawat sentimong ipinapadala ng isang OFW ay dugo’t pawis na kanilang pinaghirapan. At ang Pasko, ito ang panahon ng pagbalik, ng pagyakap sa mga minamahal, at siyempre, ng pagbibigayan.

Ngunit ang desisyon kung dapat bang umuwi ang isang OFW ngayong Pasko ay hindi lang basta-basta. Kailangan nilang balansehin ang kagustuhang magbigay ng kagalakan ngayon at ang kanilang matagalang pangarap sa buhay.


Ang bigat ng “balikbayan” sa puso at bulsa 

Para sa isang OFW, ang pag-uwi sa Pilipinas ay hindi lang basta bakasyon. Ito ay isang pagbabalik-tanaw sa pinagmulan, isang pagpapakita ng pagmamahal, at minsan, isang pagpapatunay ng natamong tagumpay sa ibang bansa. Ang kulturang Pilipino, ay sadyang kakaiba at may malalim na implikasyon sa mga pinagdadaanan ng mga OFW.

Una, ang pagtanaw ng utang na loob. Ang mga magulang, kapatid, kamag-anak o kaibigan na naghirap o tumulong para makapag-abroad ang isang OFW ay may inaasahang “utang na loob” na dapat tanawin. Kaya ang pagbibigay ng regalo, paglilibre, at pagsuporta ay itinuturing na paraan ng pagbabayad ng utang na loob. Ang hirap tumanggi sa mga hiling o lambing nila sa mga kapamilyang OFW.

Pangalawa, ang pakikisama at takot na mapagbintangan. Kapag umuwi ang isang OFW, inaasahan na siyang manlilibre, mamamahagi ng regalo, at maging  bukas-palad. Ang hindi pagsunod dito ay madalas nagdudulot ng hiya o takot na mapag-usapan at mapagbintangang madamot  o may “alzheimer” o pagkalimot sa nakalipas o nakaraang panahon

- Advertisement -

Pangatlo, ang “Golden Goose” syndrome. Para sa maraming pamilya, ang OFW ay parang isang “gintong gansa” na walang katapusang pwedeng hingan ng pera o tulong. Nakakalimutan na ang malaking hirap na pinagdadaanan ng OFW sa ibang bansa.

Pang-apat, ang pagpapakita na may nangyaring mabuti o pag-asenso sa pagtratrabaho abroad. Ang pag-uwi ay minsan nagiging pagkakataon din para magpakita ng asenso o tagumpay sa buhay. Bagong damit, gadgets, at marangyang handaan – hindi lang ito para sa sarili kundi para na rin sa imahe o reputasyon. Ito ay isa sa mga nagtutulak sa overspending kundi man pagyayabang,   lalo na sa epekto at impluwensya ng social media.

Panghuli, ang perang pinagpapawisan ay para talaga sa pamilya at hindi para sa pansariling kapakanan. Habang nag-iipon ang OFW para sa kanyang kinabukasan, ang pamilya sa Pilipinas ay mas nakatuon sa hatian sa “kaban”. Kaya ang perang dala ng OFW ay madalas itinuturing na pera ng buong pamilya, hindi lang para sa sarili n’ya.

Ang mga kultural na aspetong ito, bagama’t nagpapakita ng pagmamahal at pagkakaisa, ay madalas ding nagiging sanhi ng matinding financial pressure sa mga OFW, na nagdudulot ng stress, utang, at pagkaantala sa kanilang long-term goals.

Dapat bang umuwi ang OFW ngayong Pasko? 

Ang tanong na ito ay walang isang simpleng sagot. Depende ito sa inyong financial readiness at kung ano ang inyong mga long-term goals. Dapat mailagay sa utak at puso ng OFW ang mas mahalaga kesa sa mga dikta ng kulturang nakagisnan natin:

- Advertisement -

1. Pribilehiyo kaysa obligasyon

Ang pag-uwi para sa Pasko ay isang pribilehiyo at personal na desisyon, hindi isang obligasyon. Hindi ito dapat maging sanhi ng pagkalubog sa utang o pagkaantala ng inyong mga pangarap.

2. Presence over presents

Ang pinakamahalagang regalo na maibibigay ninyo ay ang inyong presensya. Ang pamilya at mga kaibigan na tunay na nagmamahal sa inyo ay mas bibigyang halaga ang kalidad ng oras na magkakasama kayo kaysa sa pera o mamahaling regalo.

3. Ang tunay na gastos

Hindi lang pamasahe ang gastos sa pag-uwi. Isama mo pa ang accomodation (kung wala kayong sariling bahay), ang mga handaan, at siyempre, ang mga inaasahang regalo at pasalubong. Mahalaga na mayroon kayong budget na kayang sumalo sa lahat ng ito nang hindi sinisira ang inyong ipon o long-term plan.

Paano ba maging smart na balikbayang OFW sa panahon ng kapaskuhan?

Para masulit ang inyong pag-uwi at ang pagdiriwang ng kapaskuhan, habang pinapanatili ang inyong financial health, narito ang ilang tips at payo:

  1. Bigyang halaga ang Financial Literacy o kaalaman tungkol sa pananalapi: Ito ang pundasyon. Mahalaga na alam ninyo kung paano gumagana ang pera, kung paano mag-ipon, at mag-invest. Ito ang magbibigay sa inyo ng kontrol sa inyong pinansyal na kapalaran.
  2. Gumawa ng realistic  na budget  para sa homecoming trip at panindigan ito.
  3. Alamin ang iyong income at expenses: Bago umuwi, alamin kung magkano ang iyong kikitain at gagastusin. Huwag gumastos na lampas sa kikitain.
  4. Magkaroon ng limit sa paggastos: Magtakda ng limitasyon sa bawat kategorya tulad ng pamasahe, handaan, at siyempre, mga regalo. Mas mainam na maglaan ng specific na halaga para sa mga regalo at handaan. Hindi mo kailangan iparamdam sa lahat na umuwi ka at kaya mong maging maluho na wala sa katuwiran.
  5. Magtakda ng boundaries aa pamilya, nang may paggalang: Ito ang pinakamahirap pero pinakamahalaga. Politely manage expectations ng pamilya at kaibigan. Hindi masama ang magsabi ng “no” sa mga requests na makakaapekto sa inyong ipon o investment plans. Ipaliwanag nang maayos na may pinag-iipunan kayo para sa kinabukasan ng pamilya. Maaari itong ipaliwanag na, “hindi ko maibibigay ngayon, para sa kinabukasan nating lahat ito.”

Tandaan na ang pagmamahal ay hindi nasusukat sa laki ng perang ibinibigay.

Ang inyong pag-uwi ay isang magandang pagkakataon para magkaroon ng malinaw  na pag-uusap sa pamilya tungkol sa future financial goals. Halimbawa, pag-usapan ang pag-ipon para sa bahay, edukasyon ng mga bata, o pagreretiro.

Turuan ang pamilya ng kahalagahan ng pagplaplano tungkol sa pera at kabuhayan. Hindi puedeng ang pamilya ay laging umaasa o nakasandal sa pader ng OFW. Gawin itong isang pamilyang desisyon, para lahat ay may responsibilidad sa mga inaasam na financial goals.

Hanapin ang tamang balanse. Hindi kailangang magpakapuyat o magpakahirap nang sobra para lang magpasaya sa minsanang bakasyon. Mahalaga ang pagbibigay, ngunit mas mahalaga ang inyong kalusugan at ang inyong financial security. Ang balanse sa paggastos at pag-iipon o pag-iinvest ang susi. Hindi puede ang “sky is the limit” ang paggastos o “bahala na si Batman” ang palusot.

Ang pagiging “smart balikbayan” ay pagpapakita ng tunay na pagmamahal, hindi pagiging miserableng ATM ng pamilya.

Sa huli, Juan, ang Pasko ay panahon ng pagmamahalan at pagbibigayan. Ngunit ang pagmamahal na ito ay dapat na sinasabayan ng matalinong pagpaplano. Ang pag-uwi ng isang OFW ay isang malaking sakripisyo at ang kanilang  financial health ay dapat na protektahan. Ang tunay na smart balikbayan na OFW ay hindi lang maraming dalang pasalubong kundi ‘yung may malinaw na plano para sa kinabukasan niya at ng kanyang pamilya, na may kaakibat na pagmamahal, responsabilidad at pagsasaalang-alang sa pagkakaroon ng kaalaman at kapasidad tungkol sa mga pinansyal na desisyon sa buhay.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -