NILINAW ni Presidential Communications Secretary Dave Gomez na hindi madi-distract si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga panawagang siya ay magbitiw.
“Ang ating Pangulo ay hindi madi-distract sa mga ganyang panawagan. Mayroon siyang responsibilidad na dapat gampanan. Ito ay tugisin yung mga may sala dito sa anti-corruption campaign na ito,” ayon sa PCO chief.
“Although yung mga calls na yan, ‘yung mga reklamo ng sambayanan, nararamdaman namin, naririnig namin sila, alam namin galit sila, alam namin na naiinip na sila. Pero this is what I can say, we hear you, we feel you, and we will not disappoint you. The President will not disappoint you,” pahayag ni Gomez.
Samantala, nalugod ang Malacañang sa naging mapayapang mga kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay PCO Sec. Gomez, patuloy na iginagalang ng pamahalaan ang mga demokratikong karapatang ito habang binabantayan ang mga demonstrasyon upang matiyak na nananatili ang kaayusan.
“Well, so far natutuwa kami sa ating mga rallies. Nasabi na ng ibang tagapagsalita natin na ang administrasyon ay naniniwala sa freedom of expression at pinoprotektahan natin ‘yung right ng ating mga mamamayan to peaceably assemble. At natutuwa nga kami na so far, peaceful ‘yung ating mga rallies na nakikita,” sinabi ni Gomez sa isang panayam nitong Linggo.
Sinabi ni Gomez na sa Palasyo minonitor ni Pangulong Marcos Jr. ang sitwasyon habang nagsagawa ng mga kilos-protesta sa Luneta at Mendiola sa Maynila, at sa People’s Monument sa EDSA, na nananawagan na dapat panagutan ng mga sangkot ang maanomalyang flood control projects.
Samantala, tiniyak ng Malacañang sa publiko na determinado ang pamahalaan na bumuo ng matitibay na kaso laban sa mga sangkot sa mga ghost projects at mga anomalya sa flood control upang makapasa sa masusing pagsusuri at hindi mabasura dahil lamang sa teknikalidad.
“The President will not disappoint you.”
Binanggit ni PCO Sec. Gomez na nagsusumikap ang administrasyon upang matiyak na ang mga kasong ito ay hindi mauuwi sa kaparehong kapalaran ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) cases, kung saan may ilang indibidwal na kalaunan ay nakaligtas sa pananagutan.
“’Yan ang iniiwasan natin. Kaya nga sinasabi ko kailangan matibay talaga ‘yung kaso na ihahain natin. So, sa ngayon, nag-build up tayo ng ating mga kaso, nag-iipon tayo ng mga ebidensya, and hopefully, the evidence will lead us to conviction of these people and mabawi natin ‘yung kanilang mga ninakaw,” ayon kay Gomez sa isang panayam sa DZMM nitong Linggo.
Sinabi ni Gomez na nananatiling lubos na nakatuon si Pangulong Marcos Jr. sa pagsusulong ng kampanya laban sa korapsyon na siya mismo ang nagpasimula, at binigyang-diin ang matatag na paninindigan ng administrasyon laban sa mga naglulustay ng pondo ng bayan.
“Narinig natin ang Pangulo noong huling ulat niya, at sabi nga niya na sinimulan ko ito at tatapusin ko ito. Ang Pangulo natin, hindi siya kukurap sa kahit anong mangyari. Tuloy-tuloy lang ang trabaho natin na panagutin ang dapat managot, bawiin ang mga ninakaw na yaman, at repormahin ang ating sistema. So, tuloy-tuloy yan, hindi kukurap ang Pangulo hanggang sa huli. Sinimulan niya ito at tatapusin niya ito,” dagdag pa ni Gomez.
Diin pa ni Gomez, bagaman isa pa lamang ang kasong nagresulta sa pag-isyu ng arrest warrants — kabilang ang laban sa dating mambabatas na si Zaldy Co — marami pang imbestigasyon ang aktibong nagpapatuloy.
“Nakita natin na naglabas na ‘yung mga arrest warrants kasama yung kay Zady Co, at may mga nahuli na at nakakulong na as we speak,” ani Gomez.
Ipinahayag din niya na ang mga pagsisiyasat ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ay malapit nang matapos, habang ilang kaso ay nakabinbin na sa Ombudsman.
“Ngayon isang kaso pa lang ‘yun. Alam natin na napakaraming kaso ang iniimbestigahan ngayon ng ICI at ng DPWH at malapit na isampa sa Ombudsman yung iba. Iba ay naka-pending na sa Ombudsman. Ang Ombudsman naman nakapaghain na ng reklamo sa Sandiganbayan kaya na-release na itong arrest warrants na ito. So marami pa in the coming days at ginagarantiyahan ko sa inyo ang sinabi ng ating Pangulo, magkakatotoo ‘yun bago mag-Pasko,” dagdag pa ng PCO chief.
Binigyang-diin ni Gomez na umabot ng halos isang taon bago nakapagsampa ng kaso sa nakaraang Priority Development Assistance Fund (PDAF) scandal.
Ilang buwan lamang matapos ang 4th SONA ni Pangulong Marcos noon Hulyo, inirekomenda na ng Office of the Ombudsman at ng Independent Commission for Infrastructure ang pagsasampa ng mga kaso ng graft at nakapagpakulong na ng ilang sangkot sa mga ghost at anomalous flood control projects.
“Ngayon tatlong buwan pa lang simula nung binunyag ng ating Pangulo ito at marami nang nakasuhan at marami pang makakasuhan at meron ng mga nakulong at pangako nga ng Pangulo natin, bago mag-Pasko, mas marami pang makukulong. Kasama na dyan ‘yung mga tinatawag nilang big fish,” diin ni Gomez.
Iginiit ni Gomez na hindi bibigyang-pansin ng Pangulo ang alegasyon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, isa sa mga akusado sa kaso sa flood control. Sinabi ni Gomez na dapat bumalik sa bansa si Co upang harapin ang kanyang arrest warrant at patunayan sa ilalim ng panunumpa ang lahat ng kanyang sinasabi. Halaw sa mga ulat ng Presidential News Desk

